MUNTING NAYON
32 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Tue Jul 28 2020
MUNTING NAYON
32 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Tue Jul 28 2020
MUNTING NAYON
32 years of Community Service
×
MALULUBHANG MGA SUGAT – Part 3


 
Isang awit ni Rene Calalang
Scarborough, Ontario &
Malolos, Bulacan
December 17, 2019
 



SI MARIA
(42)
At ako’y patuloy sa pagliliwaliw
Upang siyasatin bayang ginigiliw
Walang anu-ano ay biglang dumating
Dating kaibigang mahilig sa aliw.



(43)
At ang sabi niya, “Ikaw ay maghanda”
Tayo ay lalabas upang magpasasa
Tayo’y maglilibang at upang madama
Ang aliw na dulot nitong pulotgata.”

(44)
At kami’y nagpunta sa isang aliwan
Na pagdarausan nitong kakuwanan
Babae’y kay ganda’t kay bata kung tingnan
Sa biglang tingin ko’y walang kamuwangan.

(45)
Sa aliwang ito ay nagsisilisaw
Maraming biktima nitong kapalaran
Ayaw mang pumasok, sila’y napilitan
Pangangailanga’y upang malunasan.

(46)
At sa aming mesa’y mayroong lumapit
Na tatlong dalagang kay seksi’t kay bait
Sila ay umorder nitong pampainit
Ang damdaming tulog ay upang magalit.

(47)
Sa saliw ng naro’ng maharot na tugtog
Kami ay tumayo at saka yumugyog
Baywang ay sumakit, tuhod ay kumalog
Kami ay sumayaw nang painog-inog.

(48)
Sa bisa ng inuming mayroong alkohol
Bakit ang paligid tila umiikot?
Sa lakas at tapang ng inuming dulot
Dating mahiyain, lumakas ang loob.

(49)
Sa dami ng aking nainom na alak
Dalagang kasayaw, tila paraluman
Labi’y inilapit, ako’y binulungan
Ng mga salitang kay sarap pakinggan.

(50)
“Ako po ay p’wede na ninyong gamitin
Basta bayaran lang ang dulot na aliw”
Ang sagot ko naman ay, “Huwag na, Ineng
Ako’y matanda na at wala ng galing.”

(51)
“Mag-usap lang tayo’y sapat na sa akin
Tayo ay maupo’t sabihin sa akin
Tunay na dahilan at saka kung bakit
Sa lugar na ito, ikaw aydumating.”

(52)
Sa aking sinabi’y mata ay pumula
Tumulo ang luha at saka nagwika
“Kami po’y napadpad dito sa Maynila
Buhay ay mahirap, doon sa Bisaya.”

(53)
“Ngunit hindi ko po sukat akalain
Buhay sa Maynila ay napakahirap din
Hindi ko malaman ang aking gagawin
Sa lugar na ito, ako ay humimpil.”

(54)
“Ang karanasan mo ay kay lungkot pala
Ang buhay ng tao ay pakikibaka
Di dapat mawala ang iyong pag-asa
Sapagkat may awa, Diyos na dakila.”

(55)
At kami’y patulo’y na nagkuwentuhan
Sinabi sa akin kanyang nakaraan
Puso ko’y nabagbag, damdami’y nadarang
“Bakit? O Diyos ko, kay lupit ng buhay.”

(56)
Sapagkat ang aming mga kuwentuhan
Ay pawang totoo’t saka masinsinan
Walang kalokohan at walang bolahan
Mahalagang oras, mabilis nagdaan.

(57)
At aking hinintay kanilang uwian
Para malaman ko kaniyang tirahan
At upang ituloy ang aming usapan
Sa maraming bagay at sa buhay-buhay.

(58)
At aking sinabi sa aking kasama
“Mag-taksi na ikaw, ihahatid ko s’ya”
Tumingin sa akin at siya’y natawa
“Ang kaibigan ko ay tinamaan pa.”

(59)
Sa aming pag-uwi’y sabi ko sa kanya
“Ihahatid na kita ‘pagkat madilim na
Malamig ang gabi’t baka masipon ka
Baka sa pag-uwi’y makatuwaan ka.”

(60)
At kami’y sumakay sa kotse kong dala
Na aking hiniram sa ‘sang kakilala
Sa pagkakaupo siya’y nakatanga
Sapagkat ang kotse’y banyaga sa kanya.

(61)
At sa paglalakbay, aming dinaanan
Kalyeng maliliit, baku-bakong daan
Basura’y nagkalat, kaliwa at kanan
Asong mga payat ay nagtatakbuhan.

(62)
Damdamin ko noo’y puno ng hilakbot
‘Pagkat dinaanan ay nakakatakot
Walang anu-ano’y baka may sumulpot
At bigla na lamang sa ami’y dumukot.

(63)
Maliit na dampa kami ay humantong
Na kung tawagi’y isang barung-barong
Damdami’y nayanig, puso ko’y nadurog
Kailangan nila’y mahalagang tulong.

(64)
Ang tirahang ito ay gawa sa kahoy
Na balu-baluktot at kubi-kubikong
Mga yerong sunog, ang dingding at bubong
Malamig na s’welo ang higaan doon.

(65)
At sinabi niyang, “Pumasok ka muna”
Sa ‘ming munting dampa, para mo makita
Nanay ko’y narito at may sakit siya
At saka anak kong buhay nagdurusa.”

(66)
Kahit bantulot man ako ay pumasok
‘Pagkat sa puso ko ay may nag-uudyok
Aking siyasatin at upang maarok
Bakit kanyang buhay, puno ng hilakbot.

(67)
Sa tahanang ito ay may nakatira
Bukod kay Maria ay may dalawa pa
Isa ay matanda na kaawa-awa
Na sa kahirapan ay buto’t balat na.

(68)
Siya ay bumangon ng kami’y makita
Kami’y inaniwaw at sinabi niya
“Salamat sa Diyos at dumating ka na
Di ko nalilimot magdasal sa KANYA.”

(69)
“Ina, ako po’y mayroong kasama
Isang kaibigang puso ay maganda
Ako’y inihatid sapagkat gabi na
Ayaw niya akong umuwing mag-isa.”

(70)
At aking inabot kanyang mga kamay
At saka nagwikang, “Kumusta po ikaw?”
Kamay ay kay tigas at ito’y butuhan
‘Pagkat dulot ito nitong kahirapan

(71)
“Mabait na Mama, sino ho ba kayo?
Bakit ho kay lambot ng mga palad n’yo?”
Sa amin hong bahay, pasensiya na kayo.
‘Pagkat sa dalita’y nakalugmok ako.”

(72)
“Ilagay ho ninyo sa inyong isipan
Ako ay narito bilang kaibigan
‘Di ako nagpunta upang aking tingnan
Ang ganda at laki ng inyong tahanan.”

(73)
Matigas na papag ay may nahihimbing
Maliit na bata na isang gusgusin
Walang anu-ano ay biglang nagising
At saka umiyak, parang kinikitil.

(74)
Batang umiiyak, kinarga ni Maria
At ipinaghele ng tunay na ina
Himig pampatulog, kaniyang kinanta
At baka sakaling makatulog siya.

(75)
Ngunit ang bata, ay hindi natulog
Sa gatas ay uhaw, sa pagkai’y gutom
Ina’y tumalikod at sa pagkakalong
Bata’y pinasuso ng inuming balong.

(76)
Hindi nakatiis ay nagtanong ako
“Pagpasen’syahan mo ang sasabihin ko
Mayroon na bang nag-aari sa ‘yo?
Kung totoo ito, sino ang ginoo?”

(77)
Malungkot na siya’y naglayo ng tingin
Halatang halatang siya’y naninimdim
Luha’y umaagos, humarap sa akin
Maski akong ito ay umiyak na rin.

(78)
“Yamang gusto ninyong malaman kung ano
Nangyari sa akin kung bakit ganito
Ako ay may anak at saka kung sino
Ang ama ng batang pinalalaki ko.”

(79)
“Magpatuloy ka,” sabi ko sa kanya.
“Tubig na malamig, uminom ka muna
Kung puso’y maluwag ay sabihin mo na
Sama ng loob mo ay ilabas mo pa.”

(80)
“Ako ay mayroon na isang tiyuhin
Walang kaluluwa’t budhi ay maitim
Isang hatinggabi’y umuwi ng lasing
Pagka-dalaga ko ay pilit inangkin.”

(81)
“Ako ay nanlaban at walang nagawa
Siya ay malakas at ako’y mahina
Kahi’t anong gawing pagmamakaawa
Nais niya’y nanaig, ako’y ginahasa.”

(82)
Ilang sandali ring di ako kumibo
Natuyo ang laway sa lalamunan ko
Di ko akalaing sa krimeng ganito
Sa isang biktima’y maging saksi ako.

(83)
“Napakalungkot pala nang naging buhay mo
Gagawing kong lahat ang magagawa ko
Kita’y padadalhan ng mga gamit ko
Pagkat sa Canada ay marami ako.”

(84)
Di ko na natiis sa nasaksihan ko
Ako ay nagsabing, “Uuwi na ako.
Ako ay babalik upang gampanan ko
Tungkulin ng isang tunay na kristiyano.”

(85)
Damdaming bakal man ito ay lalambot
Sa mga tanawing kahila-hilakbot
Bakit kaya itong mundong sansinukob
Ay puno ng dusa’t mga salimuot.

(86)
At sa kahirapan na aking namasdan
Na pulos pighati’t mga kalungkutan
Dibdib ko’y naantig, puso’y nasugatan
Sumakit ang aking diwa’t kalooban.

(87)
Ngunit sino kaya ang may kasalanan
Sa ‘ting dinaranas, libong kabiguan
Napakarami ang api-apihan
Kakaunti lamang ang may kabuhayan.

(88)
Ito kaya’y taong walang kamuwangan
Na naging biktima nitong kapalaran
Ang may sala kaya’y mga punong bayan
Na bingi at bulag sa daing ng bayan.

-------------------------------------------------------

MAY KARUGTONG
Tweet

×
MN