Isang awit ni Rene Calalang
MALULUBHANG MGA SUGAT – Part 10
Ni Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
and Malolos-Bulacan
May 22, 2020
NASAAN ANG BUKID? NASAAN ANG TRAIN?
(291)
Ako’y pauwi na galing sa probin’sya
Doon sa Maynila, ako ay pupunta
Upang ituloy ko paghanap kay Maria
At upang malaman, nangyari sa kanya.
(292)
Upang gunitain masasayang araw
No’ng ako’y bata pa’t aking kamusmusan
Ang dating tanawin upang masulyapan
Sa MacArthur Highway ako ay nagdaaan.
(293)
Sa mga nakita, ako ay nanlumo
Sapagkat kaylaki, mga pagbabago
Ang mga bukirin, kay raming naglaho
Daanan ng train, O nasaan ito.
(294)
At sa isipan ko’y saglit na naglakbay
Panahong lumipas ng kasaganaan
Kahit kulang noon materyal na bagay
Ang buhay ay ganap na kapayapaan.
(295)
No’ng panahong iyon, pagkai’y marami
Ang tanim sa parang ay maraming ani
Gilid ng pilapil at sa tabi-tabi
May tanim na bataw, sitaw at patani.
(296)
Marami pang bukid ang tinataniman
Iba’t ibang palay na pandugtong buhay
Wagwag, binuhangin, maputing ramilad
Bigas na malagkit, gagawing kalamay.
(297)
Ang bukid ding ito ang siyang tirahan
Iba’t ibang isda sa tubig na tabang
Gurami at hito’t matatabang dalag
Ang mga liwalu ay naglulundagan.
(298)
Ang masasabi ko’y ang mga palayan
Pambuhay na bigas ay pinagmumulan
Na sa mga tao’y nagbibigay buhay
Dapat na mahalin at ating ingatan.
(299)
Ngunit nangyayari ay kabaligtaran
Pagka’t nauubos, ating kabukiran
Ang mga gusali at mga bahayan
Dito’y itatayo’t magiging tirahan.
(300)
Tandang tanda ko pa noong ako’y totoy
Sa aming kalabaw, akong tagapastol
Sa mga tumana sa tabi ng ilog
Sa bukid sa parang damo ay mayroon.
(301)
Pagdaan ng train ay tanawin noon
Ito ay mahaba at hila ay bagol
Pasahero’y sakay, paninda’y naroon
Galing sa Dagupan at saka La Union.
(302)
Kapag mainit na ang sikat ng araw
At humihingal na, alagang kalabaw
At sapagkat ako ay walang orasan
Busina ng train ang aking batayan.
(303)
Pagluwas ko noon papuntang Maynila
Hindi lang mabilis kung hindi mura pa
Wala ang trapikong nakaaantala
Wakas ng biyahe ay sa Tutuban na.
(304)
Ngunit sa hindi ko malamang dahilan
Paggamit ng train kung bakit pinatay
Ganitong pasiya’y walang katuturan
Mga suliranin ang kinahinatnan.
(305)
Bumagal ang takbo ng mga negosyo
Dahil itinigil ang sasakyang ito
Maraming nawalan ng mga trabaho
At ang paglalakbay, humirap na lalo.
(306)
Kung imumulat lang ating mga mata
Ating unawain ang mga problema
Ating matatanto’t ating makikita
Na ito ay bunga nang maling pasiya.
(307)
Bansang mauunlad dito sa daigdig
Malawak ang kanilang paggamit ng train
Ito’y makabago at saka matulin
Sa Hapon at sa France mayroong bullet train.
(308)
Kapag nagpunta ka doon sa Europa
Iba’t ibang bansa iyong makikita
Sa iyong pagsakay doo’y hahanga ka
Hindi lang malinis, komportable ka pa.
(309)
Sa bansang Germany at saka sa China
Ay mayroong train na nakalutang na
sa hangin, at pinatatakbo ng mga magneta
Parang eroplano sa tulin at ganda.
(310)
Sa panahon ngayong halaga ng langis
Singmahal ng ginto’t sintaas ng langit
At kapag nasunog, singdumi ng putik
Paggamit ng train, tayo’y makatitipid.
(311)
At hindi lang iyan, hangin ay lilinis
Sapagkat marami ang hindi gagamit
Nang aring sasakyang malakas sa langis
Sila ay sasakay sa train na mabilis
(312)
Kalagayan natin, ating paglimiin
Bakit dumarami, mga suliranin
Ating makikita’t ating mapapansin
Mass transportation, kailangan natin.
======================
MAY KARUGTONG