KANTO UNO: PUNEBRE SA TAG-LAMIG
Ni Manny G. Asuncion
Melbourne-Australia
June 24, 2020
Nakisamangot na naman ang araw.
Di makasilip kasi sa
Luksang lambong ng ulap
Sa dakong kanluran.
Harurot pa rin ang hanging
Kay Ginaw.
Yelong haplos sa mukhang
Nuot sa buto’t kalamnan.
Higing ng habagat
Nang walang pitagan.
Sa kaliskis ng lalamunang
Di mapakali.
Masdan mo...
Ang mga dahong tuyo,
Na dati’y makulay.
Luntian. Sariwa.
Kumukunday-kunday
Sa hambog na araw.
Ngayo’t yayat.
Mistulang huklubang
Hilahod at inililipad -lipad
Na lamang
Sa ulilang lansangan.
Wala na ang ngiti…
Wala na ang harot…
Wala na ang landi…
Wala na ang kaluskos…
Mga anak ng tuod. Mga anak ng hignapis ng punong
Tila mga kalansay.
Nakaripang waring tumututol sa kanilang
Kapalaran…
Hubad sa hagupit ng hanging balakyot
Sa luksang dapit-hapong yaon ng isa pang tag-lagas
Malamig na hihip ng hanging punebre ang taglay.
Pagkatapos.
Katahimikan…
o,