Isang awit ni Rene Calalang
MALULUBHANG MGA SUGAT - Part 11
Ni Rene Calalang
Scarborough, Ontario and
Malolos, Bulacan
June 3, 2020
PAGHANAP KAY MARIA
(313)
At ako’y nagpunta doon kay Maria
Upang ulilatin kalagayan niya
“Yon kaya’y bumuti, baka sumama pa
O lalong nalugmok, sa hirap at dusa.
(314)
Ang kaib’han ngayon ay walang sasakyan
Ako na hiniram sa ‘sang kaibigan
Ako ay sumakay sa jeep na “Sarao”
At saka bumaba sa ‘sang panulukan.
(315)
Ako ay naglakad at saka ginaygay
Kalsadang makipot at batu-batuhan
Kalyeng maliliit, bako-bakong daan
Magaan sa loob na aking nilakbay.
(316)
Sa harap ng isang tindahan sa kanto
May malaking mesang hugis ay k’wadrado
Doo’y nakaupo ang mga sanggano
Katawa’y may tattoo saka hubad baro.
(317)
Sa pag-iinuman sila ay masaya
At humahalakhak saka tumatawa
Iba ang salita, pa-Inglis Inglis pa
Mga kalungkutan parang wala sila.
(318)
Walang linga-linga ang paglalakad ko
Ang nasasalubong hindi sinisino
Ulo’y nakataas, tingin ay deretso
Hindi pinapansin ang tanawin dito.
(319)
Walang ano-ano, ako’y sinutsutan
Nang walang magawa at sigang istambay
Ng ako’y tumingin, ako’y kinawayan
Matapang na boses, ako’y sinigawan.
(320)
“Pare! sandali lang!” ang sigaw sa akin
“Sa paglalakad mo, ikaw ay tumigil
Ipihit ang paa’t lumapit sa amin
Ang mga utos ko sana’y iyong dinggin.”
(321)
Ako ay huminto sa paglalakad ko
Kapag di tumigil baka saktan ako
Mga taong ito kapag grupo-grupo
Malakas ang loob, akala mo sino.
(322)
Ako ay pumihit at saka humakbang
Patungo sa lugar nang nag-iinuman
Ng ako’y sumapit ako ay tiningnan
Upang siyasatin aking katauhan.
(323)
Tumayo ang pinaka-pinuno ng grupo
Lumapit sa akin at ako’y inino
Inabot ang kamay at kay tigas nito
At saka sinabing, “Kumusta ho kayo?”
(324)
Ako ay nabigla sa wikang binigkas
Di inaasahan salitang kay galang
Ang pagbating itong tatak paaralan
Bihirang marinig sa ganitong lugar.
(325)
“Ikaw ay maupo, aking kaibigan
Saka ipanatag iyong kalooban
Kahit na kami ay istambay lamang
Hindi nananakit nang walang dahilan.”
(326)
Nang nakaupo na, ako’y kinabahan
Pa’no kung gulpihin at ako’y masaktan
Mabali ang buto’t mawalan ng malay
Sinong magbabayad, aking mga utang.
(327)
“Ang dahilan pare, ikaw ay hinarang
Di upang gulpihin at ikaw ay saktan
Kundi ang humingi at kami’y ambunan
Kahit na pambili ng ‘sang lapad lamang.”
(328)
At ako’y dumukot ng perang dala ko
Kahit karuwaga’y mabuti na ito
Para maiwasan itong basag-ulo
Baka kung tumutol masaktan pa ako.
(329)
“Ikaw ay uminom kahit beer man lamang
At upang mabasa iyong lalamunan
Iya’y sasariwa kapag nadiligan
Alak na malamig, saka malinamnam.”
(330)
Ang sagot ko naman, “Aking kaibigan.
Di p’wedeng tumagay ng inuming iyan
Ako ay mayroong isang karamdaman
Sakit na makirot, “gout” ang pangalan.”
(331)
Sa pag-iinuma’y iisa ang gamit
Nang tunggaang basong lama’y pampainit
Nagpalipat-lipat, nagpapalit-palit
Sa maraming kamay at maraming bibig.
(332)
Iisa rin ang kanilang gamit na kutsara
Sandok ng pulutang mga pampagana
Di man lang banlawan sa ‘sang palanggana
Para mikrobyo’y mabawasan sana.
(333)
Nakasisindak, tanawing ganito
Mga kalinisan di na pansin dito
Di ba nila alam ang dahila’y ito
Kaya kumakalat mga mikrobyo.
(334)
Naglilipat-lipat ang maraming sakit
Dahil sa paggamit ng iisang gamit
Ang Hepatitis B at Hepatitis C
Ang Tuberculosis, saka beri-beri.
(335)
Kami’y nagpalitan mga kuro-kuro
At ang pulitiko ay isa na rito
Ang bagay na ito kapag binuksan mo
Ang mga usapan ay biglang gugulo.
(336)
Bakit kaya tayong mga Pilipino
Ay napakahilig sa larangang ito
Kahit anong sama, kahit anong gulo
Ating papasukin itong pulitiko.
(337)
Marami pa kaming paksang tinalakay
Kahit na ang iba’y walang katuturan
Datapuwa’t ito ang buhay istambay
Kahit ano na lang ay pag-uusapan.
(338)
Nauwi sa kanya ang aming usapan
Bakit siya’y naging laman ng lansangan
Kasalanan ba niya ang kinauwian
At kinahinatnan ng kaniyang buhay.
(339)
“Aking kaibigan huwag mong isipin
Aming kagustuhan nangyari sa amin
Kami ay tao ring may puso’t damdamin
Marangal na buhay ang aming hangarin.”
(340)
“Ang dahilan naman, aking kaibigan
Na kami’y lumabas na mga istambay
Ay walang trabahong kaming mapasukan
At walang magawa sa ‘ming mga bahay.”
(341)
“Kung mayroon sanang sa ‘mi’y magbibigay
Ng kahit na ano na pagkakitaan
At kahit na ito ay patay katawan
Aming tatanggapin ng may kasiyahan.”
(342)
“Papasukan namin kahit ano na lang
Kahit na masunog sa init ng araw
Kahit na kumapal aming talampakan
Lumaki ang buko sa ‘ming mga kamay.”
(343)
“Walang palaruang p’wedeng paglibangan
O kaya’y aklatan na p’wedeng puntahan
Upang sobrang oras, aming pagdausan
Nang hindi mabagot sa kaiistambay.”
(344)
Ang usapan nami’y nauwi sa akin
Ako’y taga saan, at saan nanggaling
Ano ang dahilan at ako’y dumating
Sa lugar na itong puno ng panimdim.
(345)
“Bakit ka nagpunta sa aming tirahan?
Tingin ko’y di akma sa ‘yong kalagayan
Sa damit mong suot at ayos mong iyan
Dapat naro’n ka sa magandang lugar.”
(346)
“Tingin ko sa iyo ikaw ay mayaman
Palad ay manipis, maputi ang kulay
Sapatos na suot, ibang iba iyan
Saka ang punto mo, para kang Canadian.”
(347)
At aking sinabi kung bakit nagpunta
Sa lugar na itong puno ng pangamba
Ay upang makita, itong si Maria
At saka malaman, nangyari sa kanya.
(348)
“Di mo na’tatanong, O aking kasama
Laging iniisip itong si Maria
Ako’y naaawa, kalagayan niya
Bakit nangyayari, ganito sa kanya.”
(349)
“Pare, puwede ba?” kaniyang sumamo
“Banggitin ang lugar na pupuntahan mo
Di pa katagalan may naganap dito
Na isang sakunang nakapanlulumo.”
(350)
At aking sinabi ang lugar ni Maria
At palatandaan ng tirahan nila
Siya ay ngumiti at saka tumawa
“Mga bahay dito ay gan’yan talaga.”
(351)
Siya at tumayo at nagpaliwanag
“Huwag mabagabag, aking kaibigan
Kung aking sabihin, naganap na tunay
Pagka’t nasunugan, sinabi mong lugar.”
(352)
“Ika’y nagbibiro, O aking kasama
Di mangyayari, ganitong parusa
Buhay ni Maria’y napakalungkot na
Ganitong sakuna’y madadagdagan pa.”
(353)
“Aking kaibigan, ika’y maniwala
Tunay na naganap nasabing trahedya
Bali-balita pa, ito ay sinadya
May gustong kumamkam ng kanilang lupa.”
(354)
“Ang gustong kumamkam ay isang mayaman
Malakas ang kapit sa pamahalaan
Maraming kilala’t maraming bataan
Maraming alagad at mga utusan.”
(355)
“Kung gusto mo’y ika’y aming sasamahan
Para ang nalabi’y iyong masaksihan
At upang mawala iyong alinlangan
Sa aking sinabing, ang katotohanan.”
(356)
“Buti rin kung ako ay sasamahan mo
Sapagka’t kung hindi’y mawawala ako
Ang palatandaang noo’y nakita ko
Baka naglaho na’t baka naging abo.”
(357)
“Hindi lang iyan, aking kaibigan
Sa lugar na iyon ay may karamdaman
Ngayo’y kumakalat dahil sa kawalan
Tulong na padala ng pamahalaan.”
(358)
“At mayroon pa na isang dahilan
Sa lugar na iyo’y maraming kawatan
Sa hirap ng buhay ng mga naiwan
Kahit sa patalim, kumakapit iyan.”
(359)
“Kung ika’y handa na, tayo’y lumakad na
Ako’y magdadala dalawang kasama
Kami ay alalay sa iyong pagpunta
Ibang maton doon, aming kakilala.”
(360)
Sino’ng magsasabing ang maton na ito
Magiging kasama at kaibigan ko
Ang buhay ng tao’y tila isang libro
Hatulan mo lamang kapag binasa mo.
(361)
Aming ginalugad ang nasabing lugar
Kami’y naghahanap ng palatandaan
Baka si Maria’y aming matagpuan
Nangyari sa kanya ay aming malaman.
(362)
Sa tabi nang isang esterong mabaho
Maliit na kubo’y doon itinayo
May isang matanda na nakatalungko
Mata’y nakatingin doon sa malayo.
(363)
“Magandang araw ho,” paunang bati ko
“Gusto kong magtanong kung papayag kayo
Aming hinahanap mag-anak na ito
Na tatlong nilalang sa bahay na kubo.”
(364)
Salamin sa mata ay kanyang kinuha
Sa bulsa ng kanyang sirang kamiseta
Maingat na iyo’y isinuot niya
Pasukab na ako’y inaninaw niya.
(365)
“Iho! Iho! Iho! hindi mo ba alam
Sa lugar na ito ng mga istambay
Ang nangakatayo bago nasunugan
Ay mga kubo’t barung-barong lamang.”
(366)
“Para masagot ko ang mga tanong mo
Konting paliwanag ang kailangan ko
Ang mga pangala’y sabihin mo, Iho
Mga tao dito ay kakilala ko.”
(367)
“Babaeng may anak aming hinahanap
Siya ay maganda’t mata ay mapungay
Pagkakaalam ko’y Maria ang pangalan
Matanda n’yang ina’y kasama sa bahay.”
(368)
“Kung mag-anak ni Maria ang s’yang hanap mo
Ikinalulungkot kong sabihin sa inyo
Nang nagkaroon ng sunog ho dito
Wala si Maria ‘pagkat nagtrabaho.”
(369)
“Kaya ang nangyari’y nakulong sa bahay
Ina ni Maria na nakalupaypay
Ang anak naman ay maliit lamang
Di kayang lumabas o kaya’y tumakas.”
(370)
“Mainit na apoy, sila ay kinain
Di ko nakilala noong tingnan namin
Ang kanilang ayos ng aming suriin
Tulad nang madumi’t maitim na uling.”
(371)
Di ako kumibo ng siya’y tapos na
Sabihin sa amin, nangyari kay Maria
Ngunit ang loob ko’y tila sasabog na
Ang kinikimkim ko’y inilabas ko na.
(372)
Ako ay umiyak kahit na lang kami
Dapat ay matapang sapagkat lalaki
Mabuti na ito kaysa maataki
Baka sa libingan ay humantong kami.
(373)
At aking tiningnan, itong kasama ko
Malakas ang loob sapagkat sanggano
Ngunit kahit ano man ang tapang na tao
Luha ay tutulo sa nangyaring ito.
(374)
Kinalamay ko, aking kalooban
Upang pag-iisip ay muling humusay
Nangyari kay Maria’y gusto ko pang sundan
Di pa natatapos ang pakikilaban.
(375)
“Ang nalalaman ko,” patuloy ni Tata
“Itong si Maria’y ay baka naloka
Sa mental hospital baka napapunta
‘Pagkat wala namang kamag-anak siya.”
(376)
Kami’y nagpasalamat sa tulong ni Tata
At aking kinuha, pera ko sa bulsa
Aking inilagay sa kamay ni Tata
“Pambili ho ninyo kahit na serbesa.”
(377)
“Ang batang ire ay nag-abala pa
Kahit wala niyan ay mas mabuti pa
Ang aking pagtulong, di dahil sa pera
Kundi katungkulan sa isa at isa.”
(378)
Sa mental hospital kami ay nagpunta
Upang si Maria ay aming makita
Inilarawan ko, kaniyang hitsura
Sa mga pasyente, kami ay dinala.
(379)
May ‘sang babaeng nagba-bahay-bahayan
Ipinaghehele ang sanggol-sanggolan
Na gawa sa papel at saka basahan
Na ginawa niya na anak-anakan.
(380)
Ng aking titiga’y siya si Maria
Kahit anong gawi’y di ako kilala
Ngunit O Diyos ko, KAHABAGAN SIYA
Pagkat si Maria’y TULOY NA NALOKA.
------------------------------------
WAKAS