MUNTING NAYON
32 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Wed Jul 15 2020
MUNTING NAYON
32 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Wed Jul 15 2020
MUNTING NAYON
32 years of Community Service
×
(Isang awit ni Rene Calalang)
 
MALULUBHANG MGA SUGAT - Part 7


 
Ni Rene Calalang
Scarborough, Ontario and
Malolos, Bulacan
 


PAGDAMI NG TAO

(189)

Patuloy pa akong namasyal sa amin

At aking dinalaw dating ginigiliw

Siya ay nagulat ng ako’y dumating

‘Pagkat ‘kala niya’y nalimot na mandin.

(190)

Siya ay halos di ko nakilala

Pagkat matanda na, kaniyang hitsura

Sa hirap ng buhay, ito ay nakuha

At sa kunsumisyon sa kanyang asawa.

(191)

Biglang pasimula, kami ay nagkamay

Upang gunitain, aming nakaraan

Ang kaniyang pisngi’y aking hinalikan

Halik na nagmula sa ‘sang kaibigan.

(192)

Ako ay kaniyang masusing tiningnan

Mandi’y binabakas, aming nakaraan

Gusto mang yakapin ako’y napigilan

Baka magkasala sa ‘king minamahal.

(193)

“Mabuti pa ikaw at di nagbabago

Maganda siguro ang naging buhay mo

Buhay sa Canada ay hiyang sa iyo

Sa pagmumukha mo ay nakikita ko.”

(194)

Kaniyang sinabi’y ako’y nasiyahan

Ang pakiramdam ko’y tila gumagaan

Aking pakiwari’y ako’y naibabaw

Sa ulap na nasa ating kalangitan.

(195)

Nguni’t ang totoo’y di lang niya alam

Di na kagandahan aking kalusugan

Marami na ako na nararamdaman

Masakit ang tuhod at saka bayawang.

(196)

“Baka naman ako ay binobola mo

At pinatataba ang abang puso ko

Ang sinasabi mo kahit di totoo

Ay tatanggapin kong isang komplimento.”

(197)

“Tumigil na tayo sa pagbobolahan

Ating pag-usapan ay ang buhay-buhay

Ano ba ang iyong naging kapalaran

Magmula ng tayo ay magkahiwalay.”

(198)

Siya ay naglayo sa akin ng tingin

Halatang halatang siya’y naninimdim

Ng siya ay muling humarap sa akin

Pilit na sinabi ang kaniyang lihim.

(199)

“Ang kalagayan ko ay di umasenso

Di ko natapos ang kinukuha ko

Kami ay nagtanan ng naging mister ko

‘Pagkat akala ko’y nilimot mo ako.”

(200)

Saglit na lumungkot, aking pakiramdam

Ako’y nagkasala sa dati kong mahal

Talagang ganito ang takbo ng buhay

Hindi natin alam, ating kapalaran.

(201)

“Ating nakaraa’y huwag nang ungkatin

Mga alaala’y ibaon sa libing

Ang kasalukuyan, pag-usapan natin

At ang hinaharap ang bigyan ng pansin.”

(202

“Kapag di nilimot ang nangakaraan

Ito ay sabagal sa takbo ng buhay

Walang mangyayari kahit kaninuman

Kapag di natutong kalimutan iyan.”

(203

Naunawaan niya, ibig kong sabihin

Siya’y huminahon kahit naninimdim

Pinilit nilimot mga suliranin

Aming itinuloy, kahapo’y ungkatin

(204)

“O sige na nga, ako ay payag na

Ang nangakalipas ay kalimutan na

Kumusta ka na ba at iyong pamilya

Ang tanong ko’y ito sa pag-uumpisa.”

(205)

“Sa naging kabiyak ako ay mapalad

Siya ay maganda’t kay sarap magmahal

Sa ‘ming mga anak ay inang mahusay

Saka siyang ilaw ng aming tahanan.”

(206)

“Siya’y Pilipinang lumaki sa atin

Nag-aral sa U.P.’t kumuha ng Nursing

Siya’y napilitang umalis sa atin

Kaniyang pamilya’y matulungan mandin.”

(207)

“Kanyang kaarawa’y kami ay nagkita

Ang kaniyang ayos kay seksi’t kay ganda

Ito ay pag-ibig, unang pagkikita

Kaya napadali, ang pag-aasawa.”

(208)

“Nguni’t bakit ako’y nilimot mo giliw

Gayong nangako kang di mo papansinin

Ang ibang babaeng sa iyo’y darating

Doon sa Canada, ako ay dadalhin.”

(209)

“Di ko akalain na magkakaganito

Aking kapalaran biglang magbabago

Talagang ganito ang buhay sa mundo

Ating kapalara’y hindi kontrolado.”

(210)

Masakit man ito’y tanggapin na natin

Mga pangyayaring naganap sa atin

Walang mangyayari kahit gunitain

Ang ating kahapong puno ng paggiliw.

(211)

“Itinanong niya, “Ilan ang anak mo?”

Ang sagot ko naman, “Ako ay may tatlo”

“Kakaunti naman. Dapat sa ‘yo’y walo.”

Doon sa Canada’y, “Marami na ito.”

(212)

Kaniyang sinabing sampu ang anak niya

Sapagkat iyon lang ang tanging pag-asa

Para makaahon sa hirap at dusa

Sa kasalukuya’y nakasadlak siya.

(213)

Lumabas ang kaniyang kabiyak ng buhay

Na isang lasenggo’t walang hanapbuhay

Kung siya’y lumakad ay hahapay-hapay

Sa tingin ko’y siya’y walang kabuluhan.

(214)

“Pare ikaw bang dating kasintahan

Ng aking asawang kapiling sa buhay

Masuwerte ako sa babaing iyan

Masipag at saka mahusay sa bahay.”

(215)

Kami ay nagkamay ng kanyang asawa

Manipis ang kamay dahil tamad siya

Sa kanto’y tumoma ang libangan niya

Pagdating sa bahay ay hihiga siya.

(216)

Hindi ko sinabi ang aking napansin

Walang karapatang sa kanya’y banggitin

Ang bagay na ito kung aking sabihin

Baka s’ya magalit at ako’y murahin.

(217)

At sapagka’t kami ay kap’wa lalaki

Ay pinag-uusapan kahit walang silbi

Ito’y karaniwang mga pangyayari

Madalas maganap sa kanto’t sa tabi.

(218)

Ang kaniyang buhay ipinagyayabang

Walang ginagawa, siya’y nabubuhay

Ang sabi sa akin, siya ay tularan

Dapat kong manahin, lalaking matapang.

(219)

Sa aking narinig tainga’y nagpanting

Gusto kong sugurin at siya’y sakalin

Ako ay nagpigil matapos isipin

Baka sa kulungan ako ay damputin.

(220)

“Nguni’t kaibigan mayroon ka pa ba?

Sa karangalan mo ay pagpapahalaga

Dapat mong malaman sa iyong pamilya

Ikaw ang sandigan sa pakikibaka.”

(221)

At aking binanggit, dami ng anak n’ya

Kahit wala namang tarabaho siya

Ang pagpapalaki’y malaking problema

Kung walang panahon at kulang sa pera.

(222)

Nguni’t kababayan, masisisi mo ba

Ako’y nagkaanak ng isang dosena

Ang paggawa nito ang tanging ligaya

Na nakalulutas sa pangungulila.

(223)

“At saka isa pa, kami’y katoliko

Bawal ang gumamit ng nasa isip mo

Pag kami’y gumamit, magagalit ang orbispo

At kami’y hahantong doon sa imp’yerno.”

(224)

“Ngunit katoto ko, hindi mo ba alam

Mga suliranin ay nangakaabang

Pagdami ng tao’y pag di binagalan

Mga sulirani’y di malulunasan.”

(225)

“Puwedeng gamitin ang mga paraan

Pagdami ng anak ay upang bumagal

May itinalaga ang pamahalaan

Iba’t ibang sangay at mga tanggapan.”

(226)

“Ang pagpapasiya ay nasasaiyo

Pagkat di ko alam ang nasa isip mo

Pero kung gusto mong baya’y umasenso

Sana iyong dinggin ang sinasabi ko.”

===================

MAY KARUGTONG
Tweet

×
MN