K A L A Y A A N
Ni Rene Calalang
Scarborough-ON
and Malolos-Bulacan
June 11, 2020
Kay hirap makamtan nitong kalayaan
Kay dami ng tao’ng naghandog ng buhay
Andres Bonifacio’t Marcelo H. del Pilar
Benigno Aquino at Gat Jose Rizal.
Kay sarap sabihing tayo ay malaya
Sa mga tulisan at mga banyaga
Sa Amerikano at mga Kastila
Sa batas militar at sa diktatura.
Sa araw na ito, tayo’y nagdiriwang
May mga parada at talumpatian
At ginugunita ang nangakaraan
Upang ipaalam ang kabayanihan.
Nguni’t hindi sapat na ang kalayaan
Lamang ay makamtan sa mga dayuhan
Kundi kalayaan sa loob ng bayan
Sa mga Pinunong maling manilbihan.
Kapag kalayaan ay naging lubos na
Wala ng dayuhang nagsasamantala
At walang pinunong aapi sa Kanya
Saka lamang siya magiging masaya.
Nguni’t habang maraming pinuno ay sakim
Kay dami rin ng taong di pa nagigising
‘Di rin ginagawa kanilang tungkulin
KALAYAA’Y hindi, lubos at maningning.