Isang awit ni Rene Calalang
MALULUBHANG MGA SUGAT – Part 8
Ni Rene Calalang
Scarborough, Ontario and
Malolos, Bulacan
April 17, 2020
HALALAN SA ISANG BAYAN
(227)
Nagkataon namang ng panahong iyon
Ay magkakaroon ng isang eleks’yon
Nagdiwang ang mga pulitikong pulpol
Pagkakataon na para makabangon.
(228)
At sa isang bayan, aking nasaksihan
Ang isang magulo’t masamang halalan
Bandera’y nagsabit at mga larawan
Kay raming paputok at talumpatian.
(229)
Tao’y nagsasaya, tao’y nagdiriwang
Ang sabi pa nila’y kuwarta na naman
Ako’y manghihingi’t bulsa ko’y aapaw
Pati ang bibig ko’y mamantikaan.
(230)
Sa halalang ito’y dalawang naglaban
Parehong nagsabing pag-asa ng bayan
Isa ay sangganong masyadong mayabang
Isa’y manggagawang walang kayamanan.
(231)
Ang sangganong ito ay maraming yaman
May mga gusali at mga tindahan
Ito ay napundar sa pamamaraang
Hindi maka-Diyos, hindi makabayan.
(232)
Sa pagkakampanya ay kasa-kasama
Mga manganganta at saka artista
Dumating ang tao at kay dami nila
At nagsisigawang, “Kay seksi! Kay ganda!”
(233)
Ang sangganong ito’y mayroong padrino
Na pinakamayaman sa bayan na ito
Siya ay magaling mambilog ng ulo
Kaya ang nangyari’y nabola ang tao.
(234)
Ang kalaban niya’y lider manggagawa
May dunong, may giting, kahit isang dukha
Maglingkod sa bayan ang kanyang adhika
Ang tao at bayan ay nang sumagana.
(235)
Lider manggagawa ay sinuportahan
Ng lider sibiko’t mga kaagapay
Kanilang sinabing isyu’y kapakanan
Nitong INANG BAYAN, saka mamamayan.
(236)
Ngunit ‘di nakinig ang maraming tao
Ang sabi pa nila, ang iboboto ko’y
Si Bertong sanggano na kalaban ninyo
Sapagkat malaki, sa aki’y balato.
(237)
Sasabihin pa ba kung sinong nanalo
Sa halalang ito na lubhang magulo
Kundi ang sangganong namili ng boto
At saka tinakot itong mga tao.
(238)
Mabilis lumipas ang gintong panahon
Napansin ng taong bakit naging gano’n
Lalong sumasama ang administrasyon
May kurakot dine’t, may kurakot doon.
(239)
Tao’y nagtataka, tao’y nagigitla
Kung bakit ang lahat tila sumasama
Trapiko’y kay sikip, ang bisyo’y sagana
Kay dumi ng hangin, lagi pang may baha.
(240)
Ngunit hindi alam ng mga katoto
Na kaya si Berto’y namili ng boto
Kapagka naupo na’y lilimasin nito
Ang kaban ng bayan at mga proyekto.
(241)
Bakit nagtataka, mga mamamayan
Ngayong nililimas ang kaban ng bayan
Sapagkat si Berto’y kaya namuhunan
Ay upang gamitin ang kapangyarihan.
(242)
Sapagkat ang puno ay si Bertong Sutil
Nalagay sa puwesto ay mga sutil din.
Mga basurero’y kubrador ng ‘weteng
Basura’y laganap, sakit kumalat din
(243)
Kung sa munisipyo’y mayroon kang gusto
Nais mong ayusin ang iyong titulo
Masisindak ka sa makikita mo
Tumitingin dito ay kulang sa modo.
(244)
Mga empleyadong nalagay sa puwesto
Karamiha’y tamad kung hindi man bobo
Wala ng pangahas kung hindi si Berto
Magtrabaho’t hindi’y tuloy ang suweldo.
(245)
Sasabihin nila pagpasok mo lamang
“Boss, Ano po ba inyong kailangan?
Papeles kikilos at ito’y uusad
Pag inyong nilagyan ng mga padulas.”
(246)
Sa kawalan nila tamang kaalaman
Sa pamamalakad ng pamahalaan
Kay bilis dumami nitong kasamaan
Ang makikita mo’y pulos kasakiman.
(247)
At sapagkat sila’y walang pakialam
Sa kinabukasan at ganda ng bayan
Walang malasakit sa kapaligiran
Kaya ang paligid naging basurahan.
(248)
Ang mga basura’y ganap na nagkalat
Pampublikong lugar, mga kalsadahan
At ang mga tao ay walang pitagan
Dumi’y itatapon kahit na kung saan.
(249)
Pati na ang ilog na inaagusan
Tubig na malinis at saka malinaw
Ito ay ginawa na isang tapunan
Lahat ng basura’y doon ilalagay
(250)
Mayroon ding pulis na tagapagpatupad
Mga patakaran at saligang batas
Di sila kikilos kung walang padulas
Kaya mga tiya’y nagsilobong lahat.
(251)
Ilang mga pulis na tungkulin sana
Sa tao’y maglingkod at saka pag-asa
Ng mga mahirap at mga biktima
Ng mga inapi’t nalugmok sa dusa.
(252)
Nguni’t hindi ito ang kinalabasan
Kung hindi marami ay kabaligtaran
Ila’y naging tuta at sunud-sunuran
Ng mga pinunong sila ay may utang.
(253)
At sapagka’t ila’y ipinasok lamang
Kahit na kulang angking kakayahan
Kailangan nila ngayon ay gantihan
Ang mga padrinong nasa katungkulan.
(254)
Tao’y nagtataka kung bakit ganito
Ilang mga pulis ay umaabuso
Ibang mga tao na nasa gobyerno
Tuloy na sumama’t nawalan ng modo.
(255)
Ngayo’y mga tao ay nagsisisihan
Bakit ba ganito ang daloy ng buhay
Ngayong naghihirap itong sambayanan
Ay sino raw kaya ang may kasalanan
(256)
Isang palaisip, matandang barbero
Na laging kahunta nang maraming tao
Wala raw may sala kung hindi raw tayo
Sapagkat kay Berto’y nagbili ng boto.
(257)
Wala raw lunas kung hindi ang bayan
Ay dapat turuan nang tamang paghalal
Ilagay sa puwesto ang taong may dangal
Maglingkod nang tapat ang tanging patnubay.
--------------------------------
MAY KARUGTONG