ANG GANTIMPALA SA KATAPATAN NI JULIA - (Part 3)
Ni Rene Calalang
Scarborough-Canada
December 8, 2019
NAGHAHANAP noon ng trabaho si Julia upang magkaroon ng karagdagang kita sa tinatanggap niyang benefits sa Insurance ni Rolando, na noon ay ayaw sana niyang gawin ngunit sa pagkakaroon ng dalawang anak ay wala siya ngayong pagpipilian.
Nalaman niya ang pangangailangan ng caregiver ni Atty Suarez.
Nagtungo siya sa tahanan ni Atty Suarez.
Madaling tinanggap ni Cristeta si Julia, dahil kilala si Julia bilang mabait at maasikasong tao.
ANG private nurse si Atty Suarez sa araw ay nag-uumpisa sa ikapito ng umaga hanggang ikaanim ng gabi. Magmula sa ikaanim ng gabi hanggang ikapito ng umaga ay si Julia ang caregiver .
ISANG araw ay dumating ang isang masamang balita:
Sa isang lalawigan sa Norte ay ipinadala si Cristeta upang siyasatin ang kalagayan ng mga Private Army roon na hawak ng mga pulitiko.
Isang araw, ayon sa balita, ay tinambangan umano ng Private Army ng kasalukuyang gobernador, na nagpapanggap na mga sundalo sa isang check point , ang sasakyan ng Private Army nang natalong Bise Gobernador, na isa si Cristeta sa mga sakay nito.
Patay ang walong sakay ng tinambangang sasakyan, kasama na si Cristeta.
SA PAGKAMATAY ni Cristeta ay kinuha ni Atty Suarez ang ABC Property Management Inc, na ari ng isa niyang dating kasama sa Law Office, si Atty. Concepcion, bilang tagapamahala ng kanyang mga rental properties , na isang buwang upa ang mapupunta rito bilang kabayaran sa paamamahala.
Hindi niya tinangkang ipaubaya kay Albert ang pamamahala.
Hindi rin nagtangkang magtanong, kahit pakagat bunga man lang, si Albert kung bakit hindi ipinaubaya sa kanya ang pamamahala. Hindi naman talaga naman siya interesado sa pamamahala nito. Ang inaasahan niya ay kung mamamatay ang kanyang daddy, siya bilang kaisa-isang anak ang magmamanang lahat ng maiiwanang yaman.
NGUNIT naganap ang isang di inaasahan. Nagbitiw ang prívate nurse ni Atty upang mag abroad.
PINAKIUSAPAN ni Atty Suarez si Julia na siya na ang mag-alaga sa kanya bilang full time caregiver sa buong araw, na siya na rin ang maghanap ng kanyang kinakailangang tulong.
Tinanggap ni Julia ang pakiusap ni Atty Suarez. Kinuha niya ang kanyang kumare, si Mameng, bilang panggabing tulong.
NATURAL na maasikaso at masipag si Julia. Alas sais pa lamang ng umaga ay gising na siya at naghahanda na ng almusal ni Atty: dalawang boiled egg sa halip na fried egg dahil ayaw niyang kumain ng may mantika si Atty; sariwang mga prutas na dinala sa kanilang suki sa palengke: atis, guyabano tsiko, saging, anunas; kalamansi juice na ginawa ni Julia sa pagpiga ng bagong kapipitas na kalamansi na kanyang pinitas sa puno sa bakuran ni Atty; 1% homogenized milk na kanyang binibili sa kaisa-isang supermarket sa Guadalupe; kaunting fried rice sapagkat tinatangka niyang bawasan ang kanin sa pagkain ni Atty.
Sa pagsikat ng araw, tulak ang wheel chair , ay ipapasyal ni Julia si Atty Suarez sa katabing subdivision upang ito ay masinagan ng araw.
“Hindi ka ba napapagod sa ginagawa mo?” itatanong ni Atty Suarez.
“Hindi naman ho. At saka kailangan ho ninyo ang sikat ng araw sa umaga. Pag tanghali na ho ay masyado ng mainit at maari pa kayong magkaroon ng skin cancer .”
“Pag sa umaga?”
“Vitamin D ho ito.”
Pagkatapos niyang paarawan si Atty Suarez ay uuwi sila at kakain si Atty ng inihandang almusal ni Julia.
Pagkatapos ay itatanong niya kung ano ang gusto niyang gawin: magpahinga, manood ng TV, mag shower , o dalhin sa umpukan ng kanyang mga kakilala.
Madalas ay pinipili ni Atty Suarez na makipagkuwentuhan na lamang.
Minsan ay naitanong ni Julia kung bakit.
“Mas enjoy ako doon. Pinag-uusapan namin ang buhay noong araw. Hindi ka maniniwala ay marami sa kanila ang mas maligaya noon at ngayon kaysa sa akin. Bakit kamo?”
“Bakit, Sir?”
“Dahil mas maganda ang kanilang kalusugan, Hindi kagaya ko. Wala silang mga kayamanang mayroon ako, pero mas maligaya sila. Naiintindihan mo ba ‘ko.”
“Oho, Sir.”
“Ano’ng tinutukoy ko”
“Tinutukoy ho ninyo na hindi lahat sa daigdig ay pera, na basta malusog ka ay mayaman ka na rin.”
“Tama.”
“Hindi lang iyon, gawin mo na ang lahat na makapagpapaligaya sa iyo, na kung maari ay iyong mga bagay para gumanda ang daigdig.”
“Halimbawa, Sir,”
“Marami sa atin, lalong-lalo na ang mga pulitiko ay walang iniisip kung hindi pera. Kailangan nila ang pera para mánalo sa susunod na halalan at madagdagan pa ang kanilang yaman. Kung sa bagay ay ganyan din ako noong araw. Ngayon na lang na nangyari sa akin ito na nalaman ko ang aking pagkakamali.”
MARAMING mga bagay na ginagawa si Julia, na hindi naman niya dapat gawin ngunit kanyang ginagawa. Hindi siya humihingi ng karagdagang bayad sa karagdagang trabaho. Alam iyon ni Atty Suarez kaya siya pa ang nagsabi kay Julia na kumuha siya ng isa pa niyang katulong para hindi siya masyadong mahirapan.
Nahuhulog ang loob ni Atty Suarez kay Julia. Sa panahon ng kanyang pagkabuhay ay marami na siyang nakilala at nakasama, ngunit walang hihigit pa sa kalingang ibinibigay sa kanya ni Julia – kalingang walang pagkukunwari at walang pailalim na imbing hangarin.
Sa simula ay nag-iisa lamang na kumakain si Atty. Nakaupo siyang mag-isa sa gawa sa kahoy na narra na breakfast table . Pinangangalagaan ng bilugan ding salamin ang makinis at makintab na ibabaw ng breakfast table .
Sa ibabaw ng mesa ay maayos na nakahanay ang masustans’yang pagkain na dahil sa kalagayan ni Atty ay maingat na pinili at inihanda ni Julia: Habang nag-aalmusal si Atty ay naroon si Julia sa dining room, na habang nanonood ng TV ay naghihintay ng tawag at utos ni Atty.
Isang araw ay tinawag siya ni Atty.
“Bakit ho?” sagot ni Julia.
“Maupo ka at saluhan mo ako.”
Naupo si Julia.
Ang sumunod ay sandaling katahimikan. Lumilinga ang mga mata ni Atty. Paminsan-minsan ay tumitingin siya kay Julia, mandi’y may gustong sabihin ngunit hindi masabi.
Sa pagtatama ng kanilang mga mata ay nagbababa ng tingin si Julia.
Hindi na nakatiis ay sinabi ni Atty ang kanyang nasasaisip, “Julia, may sasabihin ako sa iyo pero huwag kang magagalit, ha?”
“Kung hindi ho masama ay bakit naman ako magagalit.”
“Hindi masama ang sasabihin ko pero hindi ko alam kung magugustuhan mo.”
May hinala si Julia sa gustong sabihin ni Atty gayunman ay hindi siya nagpahalata.
Saglit na katahimikan. Nagpatuloy si Atty, “Julia, gusto ko, kung papayag ka ay ikaw ang aking maging maybahay.”
Hindi nabigla si Julia dahil inaasahan niya iyon. Hindi siya kumibo ngunit siya ay nag-iisip.
Mabilis ang kanyang pasiya, “Wala ho akong plano na maging maybahay ninyo.”
“Bakit naman?” Malaya naman ikaw at malaya naman ako.”
“Kahit na ho. Ano na lang ang sasabihin ng tao.”
“Huwag mong intindihin ang sasabihin ng tao. Pag pinansin mo iyon ay maloloka ka. Alam mo naman ang tao, sala sa init at sala sa lamig.”
“Kahit ho hindi ko pansinin iyon, ang sinusunod ko lang ay ang damdamin ko.”
“Pero…”
“Huwag na ho ninyong ituloy dahil para sa akin ay hindi tama. Isipin na lang ninyo, isang mayamang balo na may isang anak, pinangasawa ng kanyang caregiver , marahil ay dahil sa kanyang yaman. Para hong morally wrong .”
“Isa nga iyon sa mga dahilan. Gusto kong iwanan sa iyo ang iba kong yaman na mas madali kong maiiwanan kung asawa kita.”
“Hindi ko ho kailangan iyon. Sapat na ho ang ibinabayad ninyo sa akin para mabuhay kaming mag-iina”
“Pero…”
Hindi na nagpatuloy si Atty. Ayaw niyang ipagpilitan ang kanyang sarili dahil baka magalit si Julia ay iwanan siya nito.
“Iginagalang ko ang pasiya mo. Bigyan mo na lang ako ng payo kung kailangan ko.”
“Basta ho sa akala ko ay sa ikabubuti ay hindi ho problema iyon.”
“May kaunting problema ako.”
“Tungkol ho sa ano?”
“Hamo’t isang araw ay sasabihin ko.”
“Kayo ho ang bahala.”
============================
MAY KARUGTONG
====================
Ang Nakaraan: