MUNTING NAYON
31 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Mon Dec 30 2019
MUNTING NAYON
31 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Mon Dec 30 2019
MUNTING NAYON
31 years of Community Service
×
SI WILLIAM AT ANG MABANGONG KUWINTAS NG ILANG-ILANG - (Part 2)


 
Ni Rene Calalang
Scarborough-Canada
And Malolos-Bulacan
October 25, 2019
 


ANG pangunahing dahilan ng pag-uwi naming ito ay upang dalawin ang maysakit kong biyenan. Pangalawang dahilan ay gamitin ang init at alinsangan ng panahon upang ako ay pawisan at bawasan ang aking timbang sa pamamagitan ng paglalaro ng tennis sa umaga.

Isang araw na basa ang court at hindi kami nakapaglaro ng tennis ng aking bayaw na si Tony O, na sa halip ay dumeretso ako sa ancestral home.

Nataon naman na naroon si William sa labas dahil sa sobra ang alinsangan at nagtutuhog ng mabangong kuwintas ng Ilang-Ilang.

Humingi ako ng paumanhin kay William na kung maari ay panoorin ko siya kung paano niya ginagawa ang mga Kuwintas ng Ilang-Ilang.

“Walang problema, Sir.”

“P’wedeng makuhanan kita ng litrato habang nagtutuhog ka?”

“Wala ring problema, Sir.”

Minasdan ko ang pagtutuhog-tuhog niya ng mga bulaklak ng Ilang-Ilang. Kay bilis ng kanyang mga kamay. Iyo’y tila makinarya na ang lahat ay tila robotic na kumikilos.

“Kuha ng karayom. Sulot ng uhay ng abaca na tila sinulid sa karayom. Sambot ng tatlong bulaklak ng Ilang–Ilang. Tuhog sa karayom na humahawak sa sinulid. Gagawin ito ng tatlong beses. Sambot ng mga dalawang bulaklak ng kamya. Tuhog sa karayom na humahawak ng sinulid. Uulitin ito sa kabilang dulo. Pagtataliin ang dulo ng sinulid. Binggo. Nang matapos ay kuwintas ng mabangong Ilang-Ilang at Kamya.”

“Sulot uli ng uhay ng abaca na tila sinulid sa karayom. Sambot uli ng tatlong bulaklak ng Ilang–Ilang. Tuhog sa karayom na humahawak sa sinulid. Gagawin ito ng tatlong beses. Sambot ng mga dalawang bulaklak ng sampagita. Tuhog sa karayom na humahawak ng sinulid. Uulitin ito sa kabilang dulo. Pagtataliin ang dulo ng sinulid. Binggo. Nang matapos ay kuwintas ng mabangong Ilang-Ilang at Sampagita.”

“Sulot uli ng uhay ng abaca na tila sinulid sa karayom. Sambot uli ng tatlong bulaklak ng Ilang–Ilang. Tuhog sa karayom na humahawak sa sinulid. Gagawin ito ng tatlong beses. Sambot ng mga dalawang bulaklak ng rosal. Tuhog sa karayom na humahawak ng sinulid. Uulitin ito sa kabilang dulo. Pagtataliin ang dulo ng sinulid. Binggo. Nang matapos ay kuwintas ng mabangong Ilang-Ilang at Rosal.”

Uulit-ulitin ito hanggang ang kabuuang bilang ay mga limampu ang bawat uri.

Sakay ng kanyang hinuhulugang motorsiklo ay pupunta siya sa kabayanan ng apat na bayan na kanyang teritoryo at iaalok iyon sa mga tindahan, sa mga namamalengke, sa mga magnobyo, sa mga nagliligawan; at kung Araw ng Linggo, pagkatapos ng misa ay nakaabang na siya sa harap ng simbahan, ay sa mga nagsipagsimba.

“Mabangong bulaklak ng Ilang-Ilang, Mam, Sir, Bili na kayo ng mabangong bulaklak ng Ilang-Ilang.”

Uulit-ulitin niya ang pag-aalok sapagkat sa kanyang ginagawa ay kailangan ang tiyaga. Hindi lahat ay tatanggap ngunit hindi siya mawawalan ng pag-asa sapagkat sila, ang kanyang mga nakababatang kapatid, ay naghihintay ng kailangang baon at perang pambili ng mga gamit sa kanilang pag-aaral.

PAMINSAN-MINSAN ay nagkikita rin kami ni William kung kami ay nakaupo sa tagiliran ng ancestral home at nagkukuwentuhan.

Isang araw ng Linggo ay dumating siya kasama ang isang batang lalake na sa palagay ko ay mga labing-isang taong gulang.

“Sino siya?” naitanong ko.

“Assistant ko, Sir.”

“May assistant ka na?”

“Oo, Sir. Dalawa sila.”

“Kasama mo sila araw-araw?”

“Hindi Sir. Kung Linggo lang dahil nag-aaral sila. Tulad din ng mga kapatid ko ay gusto kong makapag-aral sila.”

“Paano mo sila binabayaran?”

“Kalahati Sir ng benta nila ay sa kanila?”

“Pumapayag naman ang mga magulang nila na magtinda sila?”

“Natutuwa Sir, dahil kung malakas ang benta nila, karagdagang baon iyon sa kanilang pag-aaral.”

SA isa pang pag-uusap namin ay binigyan ko siya ng payo ng tungkol sa buhay, “Kung tapos na ang mga kapatid mo ay ituloy mo ang iyong pag-aaral.”

“Matanda na Sir ako noon.”

“Walang matanda kung ang hangad mo ay karunungan. Isa pa, mahaba pa ang landas na iyong tatahakin. Kung gusto mong maging Police Officer o militar ay magiging Police Officer o militar ka. Ang nagaganap ngayon ay pansamantalang balakid lamang.”

“Sisikapin ko, Sir.”

“Gawin mo.”

“Gagawin ko, Sir.”

“May anak ka na titingalain ka kaya kailangang maging matatag ka.”

“Sisikapin ko, Sir.”

“Gawin mo.”

“Gagawin ko, Sir.”

“Good.”

“Sir, gusto kong ikuwento sa inyo ang buhay namin ni Myra, ‘yong girlfriend ko.”

“Magaling. Mahusay akong tagapakinig.”

“Sir, hindi naman ako basta iniwan na lang.”

Dinukot niya ang kanyang pitaka at doo’y inilabas ang isang maliit, nakatuping sulat. “Heto Sir, basahin ninyo.”

Tinanggap ko iyon, inilahad at binasa. Sinasabi ng sulat:

Mahal,

Unang-una ay humihingi ako sa iyo ng kapatawaran sa aking pag-alis ng hindi mo alam. Nangangamba kasi ako na dahil sa mahal na mahal mo ako ay baka hindi mo ako payagan.

Gusto kong malaman mo na ginawa ko ito upang isang araw ay makapagsimula tayo ng isang magandang simula.

Sana ay maunawaan mo ako.

Love you always,

Myra

Naramdaman ko na parang gusto kong maiyak. Pinigil ko iyon at sa basag na boses ay aking sinabi,”Sa tingin ko ay mahusay na babae iyong girlfriend mo.”

“Thank you, Sir. Sir, mayroon akong magandang balita sa inyo.”

“Ano iyon?”

“Nag text Sir ‘yong girlfriend ko kagabi.”

“Ano’ng sabi?”

Inilabas ni William ang kanyang cell phone at ipinabasa sa akin ang text. Sinasabi ng text:

“Ganito pala ang malayo sa iyong mga minamahal. Araw –araw ay laman kayo ni Boyet ng aking isip.

Tatapusin ko lamang ang isang taong kontratang aking pinirmahan. Sana, sa panahong iyon ay makaipon ako ng sapat na halaga para makapag-umpisa tayo ng sarili nating buhay.

Huwag mong isipin na nilimot na kita dahil ang ginagawa ko ay para sa atin – ako, ikaw at si Boyet.

Magtiis lang tayo ng kaunti aking mahal. Darating din ang araw na liligaya tayo.”

Love you always,

Myra

Pagkatapos kong basahin, ang mga luhang ilang minuto lamang ang nakalilipas ay gustong tumulo, ngayon ay hindi ko na napigilan. “I am so sorry,” sabi ko.

Pinalipas namin ang ilang sandali ng katahimikan.

“Sir, may gusto sana akong gustong hilingin sa inyo.”

“Sir, gusto ka sana na kung ikakasal kami ay ikaw an aming maging ninong.”

Hindi kaagad ako kumibo at sa sumunod na katahimikan, ako’y nag-iisip: Marahil, dahil sa pagkamatay ng kanyang ama ay naghahanap siya ng father figure ng magbibigay sa kanya ng payo at mga salita ng inspirasyon sa panahong lito ang kanyang isip. Marahil, ay sa akin niya natagpuan iyon.

Walang dahilan upang ako ay tumanggi, “Isang malaking karangalan,” sabi ko.Ibinigay ko sa kanya ang aking home address, phone No. at e-mail address.

“Balitaan mo na lang ako kung ano man ang mangyayari,” pagpapatuloy ko.

Tumayo kami at nagyakap at nagtapikan sa balikat.

**************************

SI WILLIAM AT ANG MABANGONG KUWINTAS NG ILANG-ILANG - Part 1

( muntingnayon.com/105/105705/index.php )
Tweet

×
MN