MALULUBHANG MGA SUGAT
Isang awit ni Rene Calalang
Scarborough, Ontario and
Malolos, Bulacan
December 2, 2019
PAUNANG SALITA
Sa awit na ito’y aking ilalahad
Mga sakit ng lipunang aking nalalaman
Sa pakiwari ko’y ito ang dahilan
Kung bakit sa hirap tayo’y nararatay .
Ang tanging hangad ko ay ibunyag lamang
Ang sakit na ito na cancer sa laman
Marami sa ito ay kaugaliang
Masaklap na bunga nang maling lipunan.
Kung may tinamaan sa awit na ito
Di ko hinahangad na masaktan kayo
Dahil kasabihan nating Pilipino
Huwag magagalit, parang batu-bato.
ANG PAGBABALIK
(1)
Ako’y isang taong puso’y makabayan
Hindi nalilimot ang pinanggalingan
Ako ay umalis upang malunasan
Ang dinaranas kong mga kahirapan.
(2)
At ako’y umuwi para ko malaman
Mga pangyayari sa bayang iniwan
Dating kaibiga’y aking pinuntahan
Upang gunitain, mga nakaraan.
(3)
Nagulat pa sila ng ako’y magpunta
‘Pagkat ‘kala nila ay nalimot ko na
Bayang sinilanga’t mga kakilala
Dating kaibiga’t mga kaesk’wela.
(4)
At kami’y nag-usap at nagkuwentuhan
Mga pangyayaring naganap sa buhay
Iba ay totoo’t iba’y gawa lamang
Buhanging nilubid at kasinungalingan.
(5)
Sila ay naghanda nang dumating ako
‘Pagkat ‘kala nila, ako ay kung sino
Hindi nila alam, saka ang totoo
Ako’y pumapasok bilang empleyado.
BALATKAYO
(6)
Sa bahay nang dating lumang kaibigan
Aking nakausap kaniyang magulang
Nang ako’y mangusap, sila ay nagulat
Bakit daw ba ako’y parang si Balagtas.
(7)
Sila ay nasindak, sila ay nagtaka
Sa wikang binigkas ng lingkod na aba
Nagkamot ng ulo’t itinanong niya
“Totoo bang ika’y galing sa Canada?”
(8)
Aking namalayan ibig n’yang sabihin
‘Pagkat marami nang nalimutan mandin
Kinagisnang wika, ito ay bigkasin
Wika ng banyaga ang gustong gamitin.
(9)
“Pananalita mo, ang isip ko’y gulo
Sa mga kilos mo, ako’y nalilito
Maraming tulad mo nang umuwi dito
Ayaw nang gamitin, wikang Pilipino.”
(10)
Ang sagot ko naman, “Bakit Tata Isko?
Ng ako’y umalis, malaki na ako
‘Di ko mabawasan kahit aking punto
Malimot ko kaya, sariling wika ko.”
(11)
“Hindi ka katulad nang ibang gaya mo
Nang umalis dito’y isang Pilipino
Pero nang bumalik, akala mo sino
Saka kung umasta’y parang Amerikano.”
(12)
Sa suot kong T-shirt, sila ay nagtaka
Bakit daw suot ko ay ang “Marca Pina”
Dapat daw suot ko’y “Made in Canada”
O kaya’y mayroong “Tatak Amerika.”
(13)
At aking tiningnan, T-shirt na suot ko
At saka sinabing, “Nakikita ninyo?
Maganda ang yari, pati ang istilo
Matagal maluma’t matibay ang kayo.”
(14)
Ako ay nagitla sa aking narinig
Parang hindi pansin ang gawa sa atin
Ang sagot ko naman, isang sumbat mandin
Dapat na mahalin ang sariling atin.
(15)
Sa paglalakad ko’y aking nakabangga
Dating kaibigang lubhang mabunganga
Nang kausapin ko’y English ang salita
Ako ay nagulat at saka nabadha.
(16)
At ako’y bumili ng diaryo’t magasin
Mga pangyayari’y upang siyasatin
Ako ay nabigo sa aking mithiin
‘Pagkat puro English, aking babasahin.
(17)
Ang gusto ko sana ay diaryong Tagalog
Upang gunitain ang wikang nalugmok
Mayroon ngang isa, laman ay pakulog
Sa katabing pader, ako ay nadagok.
(18)
Matagal na akong umalis sa atin
Tatlumpung taon na, na nagliliwaliw
Hindi nagbabago ang aking mithiin
Habang tumatanda’y lalong dumidiin.
(19)
Hindi ko mawari kung bakit ganito
Marami sa ati’y nagba-BALATKAYO
Kahit na pilipit ang salita ninyo
Pilit ginagaya itong Amerikano.
(20)
Kay dali ng tao na makalimutan
Ang nangakaraan at pinanggalingan
Madaling magbago’t madaling madarang
Madaling limutin BAYANG TINUBUAN.
(21)
Ang ganitong uri at klase ng tao
Na sadyang mahilig na mag-BALATKAYO
Hindi mo dapat pagtiwalaan ito
Malamang na sila'y mga manloloko.
----------------------------------------------
MAY KARUGTONG