ANG DIWA NG PASKO
Ni Rene Calalang
Scarborough, Ontario
And Malolos, Bulacan
December 28, 2019
Ang diwa ng Pasko’y tayo’y magtulungan
At bigyang ligaya ang salat sa buhay
Kahit ano na lang na makakayanan
Ay ating ihandog ng may kasiyahan.
Ang diwa ng Pasko’y tayo’y magmahalan
Kahit ano’ng araw, kahit ano’ng buwan
Ang ating gawai’y pawang kabutihan.
Ang diwa ng Pasko ay walang hanggahan.
Ang diwa ng Pasko ay ating iwasto
Ang takbo ng buhay na mali at liko
Baluktot na landas ay ituwid ito
At ating itama, mga paglililo.
Ang diwa ng Pasko ay pagiging isa
Kahit na ano man at kahit ano ka
Kahit ibang kulay at sukat at ganda
Ibang relihiyon, iyong sinasamba.
Ang diwa ng Pasko ay pagpapatawad
At ating mahalin kahit na kaaway
Si Kristo’y namatay, si Kristo’y nabuhay
Kanyang pinatawad ang mga humalay.
Ngunit nagaganap ay kabaligtaran
Kaya ang daigdig pulos kasalanan
Mga kasamaa’t mga kaliluhan
Ating nakikita at natutunghayan.
Ating nalimot na ang dahilan nito
Ang DIWA NG PASKO na maging kristiyano
Kahit ano’ng hirap ng buhay sa mundo
Di dapat patalo sa udyok ng tukso.