ANG GANTIMPALA SA KATAPATAN NI JULIA- (Part 2)
Ni Rene Calalang
Scarborough-Canada
November 27, 2019
SAMPUNG TAON na si Cristeta at dalawang taon si Albert nang ampunin ni Atty si Albert. Hindi maligaya si Cristeta sa pagkakaroon niya ng kapatid, na alam niyang anak sa labas ng kanyang Daddy. Hindi dahil nagkaroon siya ng kaagaw sa pagmamahal at kalinga ng kanilang ama kung hindi dahil napansin niya kaagad ang mga hindi magagandang katangian ni Albert. Matigas ang ulo nito at lumalaban sa kanya kahit na ito ay napakabata pa.
Ng si Albert ay nagsimula ng mag-aral sa Junior kindergarden, si Cristeta ay nagsimula ng mag high school .
Sa high school ay tila minana ni Cristeta ang pagiging makabayan ng kanyang ina. Student leader , organizer at aktibista siya sa paaralan. May malasakit siya sa mga mahihirap at mga inaapi.
Pagkatapos ng high school ay ipinasiya niyang kumuha ng Journalism at magpapakadalubhasa sa Investigative Journalism upang ibunyag ang mga katiwalian sa pamahalaan, lalong-lalo na ang mga pulitiko, na alam niyang isa sa mga pangunahing dahilan ng paghihirap ng bansa.
NAGTAPOS ng Journalism si Cristeta sa isang pangunahing pamantasan ng bansa. Madali rin siyang natanggap bilang Investigative Reporter ng isang pangunahing pahayagan. Kung saan-saang bahagi ng bansa, at kung minsan ay sa labas pa, siya ipinadadala upang mag imbestiga at mag-ulat. Kung saan mayroong sensational event na nagaganap ay naroon siya: Kidnapping sa Sulu. Labanan ng Military vs. Muslim sa Mindanao. Labanan ng Military vs. NPA sa Southern Tagalog. Political Violence sa Ilocos Region. Drug raid sa Metro Manila…Kung saan mainit ay naroon siya.
Pagkalipas ng tatlong taon ay Senior Investigative Reporter na si Cristeta. Samantala ay teen-ager na si Albert, disisais anyos na. Tapos na rin siya ng high school.
IBA si Albert kung ihahambing kay Cristeta. Tila wala siyang pangarap at wala na rin siyang balak ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.
Ang dahilan umano kaya ayaw na niyang mag-aral ay sapagkat silang dalawa lamang ni Cristeta ang magmamana nang maiiwanang yaman ni Atty Suarez.
Isang araw ay nabanggit niya sa kanyang kaibigan at kabarkada, kay Tirso, “Sa kalagayan ko ay kalukuhang mag-aral pa ako. Bakit kamo?”
“Bakit?”
“Sa mamanahin ko, kahit lima ang asawa ko ay kaya kong buhayin.”
“Suwerte mo naman.”
Ang kabarkada ni Albert, si Tirso, ay tulad niyang wala ring pangarap. Laki siya sa layaw at anak ng mayor ng Guadalupe.
Sa kanila, ang buhay ay pagpapasasa lamang ng kaligayahan; na ang buhay ay maikli, at kailangang samantalahin upang ikaw ay lumigaya.
Masamang inpluwensiya si Tirso kay Albert. Alam ni Atty na kung hindi niya ilalayo si Albert ay baka makayag nito si Albert sa iba pang masasamang mga bisyo tulad ng illegal drugs , na sa Guadalupe ay sagana.
Tigil na rin ng pag-aaral si Albert. Alam din ni Atty na kung hindi mag-aaral si Albert ay lalong lalaki ang kanyang problema.
May nagpayo sa kanya, “Ipasok mo sa boarding school . Doon ay titino siya.”
Na ginawa ni Atty.
Ngunit tumanggi si Albert. Sa halip ay nagbigay siya ng kanyang mungkahi. Sinabi niyang gusto niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa isang mamahalin, pribadong pamantasan sa Maynila.
“Bakit doon?” tanong ni Atty.
“Dahil doon ay pili lamang ang nakakapasok at matitino ang mga nag-aaral. Isa pa, kung doon ay baka malayo ako sa mga masasamang mga bisyo, na alam kong pinangangambahan mo,” sabi ni Albert.
Ngunit ang totoo ay gusto niyang makaumpugang balikat ang mga anak ng mayayaman at may kapangyarihan.
“Saan ka titira doon?” tanong ni Atty.
“Magbo-board and lodging ako.”
Alanganin si Atty kung papayag siya. Hindi siya sigurado kung magiging seryoso si Albert sa kanyang pag-aaral. Naisip niya na mabuti na ito kaysa sa hindi nag-aaral si Albert.
Pumayag na rin siya. Una ay malalayo si Albert sa kanyang barkada; at pangalawa, kahit papaano ay nag-aaral si Albert. Anak niya si Albert, at walang magulang na hindi nagnais ng magandang kinabukasan ng kanyang anak. Sinabi niya sa kanyang sarili na dadagdagan niya ng panalangin, na kahit himala ay ituloy nga ni Albert ang kanyang nahintong pag-aaral.
SA pamantasan ay madaling nagkaroon ng mga kaibigan si Albert, na mga anak ng mayayaman at mga may kapangyarihan.
Sa umpisa ay ang seryosong pag-aaral, ngunit habang tumatagal sa pagkakaroon ng mga bagong kaibigan ay may nasingit na drug pusher , si Kyle.
Sa simula ay patikim tikim muna.
“Subukan mo lang.”
“Ayoko. Baka maging addict ako.”
“Hindi.”
“Ano’ng epekto sa akin niyan?”
“Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan.”
“Ayoko.”
“Ikaw ang bahala. Isipin mong maigi.”
KINABUKASAN ay nagbalik si Kyle kasama ang isang hulog ng langit. At sinong makatatanggi kay Margie, gayong ang alok nito ay kaligayahang babae lamang ang makapagdudulot.
Iyon ang simula nang pagiging drug addict ni Albert, na naging dahilan upang siya ay gumawa ng maraming mga kalokohan upang matustusan ang kanyang masamang bisyo: Naroong hindi na pala siya pumapasok, at ang kanyang allowance, na malaki, ay kanyang ginagamit sa pagbili ng shabu. Naroong humihingi siya ng karagdagang pera dahil kailangan niyang bilhin ang ganito at ganireng mga gamit. Naroong kailangan niya ang karagdagang pera sa kanilang field trip .
Isang araw ay tumanggap si Atty Suarez ng isang sulat galing sa na pinapasukan ni Albert. Sinasabi sa isang bahagi ng sulat:
Dear Sir:
“We wish to inform you that because of non-attendance, we are expelling Mr. Albert Suarez from our school.”
Sa isa pang bahagi:
“There is also a suspicion that he is on drugs, and has been under surveillance by the police.”
Sa sama ng loob ni Atty Suarez, isang araw na siya ay nakahiga ng patagilid ay nagdilim ang kanyang paligid, namanhid ng kaliwang bahagi ng kanyang katawan, at siya ay nahilo. Biktima siya ng stroke.
Naging paralitiko si Atty Suarez. Siya ngayon ay bihag ng wheel chair .
Sa naging katayuan ni Atty Suarez ay walang pagpipilian si Cristeta kung hindi maghanap ng full-time nurse o caregiver . Madali siyang nakakita ng prívate nurse sa araw, ngunit ang panggabi, dahil sa alanganing oras, ay naging suliranin niya.
================================
MAY KARUGTONG