MUNTING NAYON
31 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Sun Jan 26 2020
MUNTING NAYON
31 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Sun Jan 26 2020
MUNTING NAYON
31 years of Community Service
×
 
ANG GANTIMPALA SA KATAPATAN NI JULIA - (Part 1)


 
Ni Rene Calalang
Scarborough-Canada
November 11, 2019
 


KUNG ano man ang nakaraan ni Rolando Sarmiento at walang nakakaalam ngunit hindi nawawala ang bulong-bulungan.

Umano, si Rolando ay isang seaman ngunit dahil sa nagkaroon siya ng problema sa kanyang kalusugan ay hindi muna siya makasasakay sa barko. Pansamantala ay kinakailangan niyang magpahinga at magpagaling.

Dahil sa ang kanilang tirahan ay sa Lunsod ng Cebu, iminungkahi ng manggagamot na tumingin sa kanya na kung maari ay sa isang lugar na tahimik at sariwa ang pagkain at hangin siya magpagaling.

Ngunit mahirap makakita nang ganoong lugar sa panahon ngayon, na ang pinakamalapit na lugar na may ganoong paligid ay sa bahay ng kanyang Kuya Rudy sa Baryo Salvacion sa bayan ng Guadalupe sa katabing lalawigan.

Kinausap ni Rolando ang kanyang kuya at ipinaliwanag ang kanyang katayuan. Pumayag naman ito.

Ngunit sa Baryo Salvacion, kahit na malayo sa kabihasnan ika nga, ang inuman ay bahagi ng buhay ng mga lalake.

Isang bagay ang hindi maikakaila kay Rolando, malakas siyang uminom, na sa Baryo Salvacion ay sagisag nang pagiging magaling na lalake. Mahusay din siyang makisama, na nangangahulugan na mahilig siyang magpainom basta may pera.

Pinaalalahanan siya ng kanyang Kuya, “Akala ko ay narito ka para magpagaling.”

“Nakikisama lang, Kuya. Kaunti lang ako kung uminom. At saka ang sakit ko naman ay hindi dahil sa pag-inom.”

“Ikaw ang bahala. Matanda ka na para paalalahanan kita. Sana ay alam mo ang iyong ginagawa.”

“Salamat sa paala-ala, Kuya.”

Dahil sa kanyang angking magagandang katangian(?) ay madali siyang nakagiliwan sa Baryo Salvacion.

NAGKAKILALA sina Rolando at Julia ng si Julia ay treinta otso anos na, na sa ating kinagisnang kawikaan ay nakasakay na sa bus ng huling biyahe. Ayaw ni Julia na tumandang dalaga, na ayon din sa kanyang paniniwala, kung siya ay mamamatay ay hindi siya tatanggapin sa langit.

IYO’Y isang mabilis na ligawan at mabilis din na kasalan sa Huwes.

Tumira sila sa minanang maliit na bahay ni Julia. Nagkaroon sila ng dalawang anak, si Precy, na naging Precious; at si Alexander. Dalawang taon ang pagitan nina Precy at Alexander.

Habang nagpapagaling si Rolando ay patuloy pa rin siya sa kanyang mahusay na pakikisama. Sa perang kanyang tinatanggap sa disability insurance, malaking bahagi nito ang kanyang gingugol sa pakikisama. Ang matira ay pinipilit pagkasiyahin ni Julia pambili ng kanilang pagkain at mga pang araw-araw na pangangailangan.

Ngunit hindi sapat ito. Paminsan – minsan, bilang karagdagang kita ay tumatanggap si Julia ng trabaho sa kaisa-isang sastre sa baryo Salvacion bilang tagalagay ng mga butones sa mga tinanggap na tahiin.

PAGKARAAN ng apat na taon ay magaling na si Rolando at maari na naman siyang sumakay sa barko.

Na kanyang ginawa.

Sa pagsakay ni Rolando ay gumaan ng kaunti ang buhay ni Julia. Ang kanilang dalawang anak na lamang ang kanyang aalagaan. Karagdagang dahilan ay ang pagdating ng kalahati ng suweldo ni Rolando, na sapagkat dollar ay sapat na upang sila ay mabuhay ng maluwag.

NGUNIT isang araw ay dumating ang masamang balita kay Julia, galing sa Philippine Consulate – namatay si Rolando sa isang aksidente. Umano, sa isang Ports of Call ay lumabas sina Rolando, kasama ang ilang kaibigan. Dahil nakainom na sila, sa kanilang pag-uwi, ang kanilang inarkilang sasakyan ay bumangga sa isang malaking puno. Dalawa silang namatay at tatlo ang sugatan.

Sa pagkamatay ni Rolando ay muling bumigat ang buhay ni Julia. Ngayon ay naiwan siyang walang dumarating na pera at may dalawang anak na aalagaan at palalakihin.

SA BAYAN ng Guadalupe ay may isang nakaririwasa, Si Atty Ricardo Suarez, na isang dating malinis at matagumpay na abogado. Hindi rin niya winaldas ang kanyang kinitang pera, kundi ginamit niya ito sa pagpapatayo ng dalawang malaking gusali, na mga rental properties ng mga professionals. Ang isa ay ginawa niyang medical building, at ang ikalawa ay ginawa niya para sa iba pang mga professions gaya ng Accounting, Travel Agency at Legal Offices.

Balo na si Atty. Ang kanyang asawa, si Gina, ay professor ng Political Science sa isang State University sa kanilang bayan, ay isang dating aktibista na kanyang ginagawa pa rin sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong na financial at logistics sa Samahan.

Ngunit ng sila ay magkaroon ng anak, si Cristeta, ay ipinasiya niyang tumiwalag na sa Samahan dahil alam niyang minamatyagan siya ng Military. Ayaw ng Samahan ng ganoon dahil nangangamba sila na baka niya ipagkanulo ang Samahan.

Isang gabing si Gina ay pauwi na, galing sa pagtuturo, ng sa sabanang bahagi ng highway na kanyang dinadaanan, siya ay tinabihan ng isang motorsiklong may dalawang sakay. Nang kaagapay na ng motorsiklo ang kanyang kotse ay bumunot ng baril ang nasa likod ng motorsiklo itinutok ang baril sa ulo ni Gina, kinalabit ang gatilyo, at tatlong putok ang pumailanlang, na tumamang lahat sa ulo ni Gina.

Nawalan ng control ang sasakyan ni Gina, at iyon ay bumangga sa malaking puno ng mangga sa tabi ng highway.

Mandi’y upang palabasin na pagnanakaw ang dahilan ng pag-ambush kay Gina ay kinuha ng dalawang mamamatay tao ang handbag at mga alahas ni Gina.

Ngunit alam ng tao na iyon ay hit ng assassination team ng Samahan.

LABIS ang pangungulila ni Atty Suarez magmula nang pumanaw si Gina – kalungkutang binigyang lunas ng siya ay alembungan ng kanyang sekretaya, si Jennifer.

Tinangkang itago ni Atty Suarez ang kanilang affair ni Jennifer. Noong si Jennifer ay nagdadalang tao ay pinauwi muna niya ito sa kanyang probinsiya sa Bicol, sa Albay. Sinusuportahan na lamang niya siya.

Lalake ang kanilang naging anak, na pinangalanan nilang Albert.

“Magbalik ka na lamang dito kapag malaki-laki na si Albert,” sabi niya kay Jennifer.

“Mga ilang taon siya sa palagay mo pag dinala ko diyan?”

“Dalawang taon siguro ay Ok na.”

“Pagkatapos?”

“Aampunin ko.”

“Pa’no ko?”

“Bibigyan na lang kita ng puhunan para makapag-umpisa ka ng maliit na negosyo sa inyo na siya mong pangarap.”

---------------------------

MAY KARUGTONG
Tweet

×
MN