MUNTING NAYON
32 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Tue Jul 28 2020
MUNTING NAYON
32 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Tue Jul 28 2020
MUNTING NAYON
32 years of Community Service
×
 
Isang awit ni Rene Calalang
MALULUBHANG MGA SUGAT - Part 5


 
Ni Rene Calalang
Scarborough – ON-Canada
And Malolos-Bulacan
 


TULONG ANG KAILANGAN

(122)

Sa mga sandaling kami’y nag-uusap

Iniisip namin ang mga paraan

Upang si Maria’y aming matulungan

At ng kahirapa’y kanyang maahunan.

(123)

Sabi ko sa kanya, “Ay ating lapitan

Iba’t ibang pangkat at mga samahan

Mga kakilala’t mga kaibigan

Mga kamag-anak, mga kamag-aral.”

(124)

At ang sabi niya’y, “Ikaw ang bahala

At iyong ituloy, nasa mong dakila

Sa maraming taong tayo’y magkasama

Sapat na panahong, makilala kita.”

(125)

Sa ‘sang kaibigang sobrang rel’hiyoso

Ay aking binanggit, ang nasaksihan ko

Mukha ay lumungkot, kumunot ang noo

Tinanong sa akin,“Ano’ng gagawin ko?”

(126)

Sabi ko sa kanya, “Na ating tulungan

Kahit sobrang gamot ay ating ibigay

Maliit na pera kahit kusing lamang

Ay ating ipuni’t kay Maria’y ialay.”

(127)

Nawalan ng kibo ang kaibigan ko

Nang marinig niyang humihingi ako

Kaunting abuloy, kaunting balato

Kahit na ano lang, ay sapat na ito.

(128)

At sinabi niyang, “Ipagdarasal ko

Kahit araw-araw ay magro-rosaryo

Lakad na paluhod, ito’y gagawin ko

Lahat ng dalangin ay uusalin ko.”

(129)

Ako ay nangiti sa aking narinig

Ngunit ang totoo, ako’y naligalig

Tibok ng puso ko'y lumakas ang pintig

Tila nagsisikip itong aking dibdib.

(130)

Parang gusto niyang sabihin sa akin

At ipahiwatig sa aking damdamin

Tanging dasal lamang, kailangan natin

Upang sulirani’y malutasan mandin.

(131)

Marami sa ‘ti’y napakamadasalin

Ay kulang sa gawa’t sobra sa dalangin

Hindi ko maisip, hindi ko maatim

Ang bagay na ito ay hindi banggitin.

(132)

Di ko sinasabing bawal ang magdasal

Maski akong ito’y madalas umusal

Dalanging taimtim at dasal na banal

Sa Panginoong Diyos, nakikipag-ugnay.

(133)

Ang gawang magdasal ay di pahabaan

At di paramihan ng Santong inusal

Kundi dapat itong maging isang banal

Na pakikipag-usap sa Poong Maykapal.

(134)

Tulad ng paglikha nang magandang tula

Kahit na maikli ay matalinghaga

Mabuti na ito kaysa mahaba nga

Na paikot-ikot, wala namang wawa.

(135)

Ngunit kung ang dasal ay paulit-ulit

Ating binibigkas nang tila papilit

Saka inuusal nang wala sa isip

Kahit na ang Diyos ay baka magalit.

(136)

Ang ugaling ito na ating minana

Sa mga banyaga na mga Kastila

Sa pagdating nila ay kanilang dala

At upang matupad, ang kanilang nasa.

(137)

Ang kanilang nasa’y tayo ay lupigin

Sapagkat mayaman itong bansa natin

Pagiging Kristiyano ay paraan mandin

Upang magtagumpay, kanilang hangarin.

(138)

Kung ating basahin ating kasaysayan

Ating ulilatin, mga nakaraan

Ating mababasa mga kalupitan

Ng mga dayuhang sa ati’y humalay.

(139)

Nasaktang damdami’y kanyang pinayapa

At saka pinahid ang tumulong luha

“Sa panahon ngayo’y maraming kawawa

Tanging dasal lamang aking magagawa.”

(140)

Sapat na kayang tanging dasal lamang

Ating kailangan para malunasan

Ating nakikitang mga karamdaman

Ng mga nilalang sa ating lipunan.

-----------------------------------

MAY KARUGTONG
Tweet

×
MN