MUNTING NAYON
31 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Tue Dec 17 2019
MUNTING NAYON
31 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by Eddie Flores.
Last Update: Tue Dec 17 2019
MUNTING NAYON
31 years of Community Service
×
Mga Tula ni Rene Calalang
 
BAKIT?


 
Ni Rene Calalang
Scarborough, Ontario
& Malolos, Bulacan
 


Bakit mayro’ng taong masyadong malupit?
Walang pakundangan, walang malasakit
Sa mga mahirap, sa mga kapatid
Kapakanan nila’y hindi iniisip.
 
Bakit ibang tao’y masyadong mabait?
Konting hingi lang agad nang lalapit
At handang magbigay sa nangagigipit
Sa nangangailangan at namimilipit.
 
 
Bakit mayro’ng taong masyadong mayabang?
Mahilig magpanggap, mahilig mang-agaw
Mahilig magsabi ng kasinungalingan
Mga pangyayaring hindi totohanan.
 
 
Bakit ibang tao’y mapagpakumbaba?
At hindi mahangin, loob ay mababa
Hindi nagsasabi ng may alintana
Kahit ari niya’y milyon-milyon, laksa-laksa.
 
 
Bakit mayro’ng taong masyadong matapang?
Hindi umaatras, hindi umaayaw
Kapagka siya’y nasa kagipitan
Ay handang lumaban hanggang kamatayan.
 
 
Bakit ibang tao ay may karuwagan?
Ang lahat ng laban ay gustong iwasan
Nguni’t kapagka nasa talikuran
Siya ang matapang sa usap-usapan.
 
 
Bakit kaya iba’y napakagahaman?
Luwa ng ang mata’t bundat na ang tiyan
Ang lahat ng yaman ay gustong makamtan
At gustong madala hanggang kamatayan.
 
 
Bakit mayro’ng taong daling lumigaya?
Kaunting ari lang lagi ng masaya
Laging nakangiti’t laging nakatawa
Walang kalungkutan at walang pangamba.
 
 
Bakit ibang tao’y mainit ang ulo?
Kaunting bagay lang agad nang susubo
Away kaguluhan walang sinisino
Sa ano mang gawa, ang hanap ay gulo.
 
 
Bakit mayro’ng taong napakahinahon?
Kahit anong gawi’y hindi nagmamaktol
Isipa’y malawak hindi nagugumon
Nag-iisip muna bago mag-desisyon.
 
 
Bakit ibang tao’y masyadong madaldal?
Bibig walang tigil at kangkang ng kangkang
Kahit sinasabi’y walang katuturan
Hindi ka magiit, hindi ka masalang.
 
 
Bakit mayro’ng taong napakatahimik?
Sa mga usapa’y di siya iimik
Di siya tatawa, hindi hahagikhik
Waring nahihiyang magbukas ng bibig.
 
 
Bakit mayroong tao na napakasaya?
Kaunting bagay lang agad nakatawa
Ito ang magandang katangian niya
Puso ay malusog, mukha ay maganda.
 
 
Bakit mayro’ng taong ‘pakamalungkutin?
Walang iniisip kundi pamahiin
Mga pangyayari’t nakaraan natin
Laging iniisip, dasal ay taimtim.
 
 
Bakit mayro’ng taong napakatalino?
Kaunting aral lang, kaydaling matuto
Kahit di nagtapos at walang titulo
Alam niyang lahat ng dahil sa libro.
 
 
Bakit ibang tao’y mahina ang ulo?
Kahit anong aral at basa ng diaryo
Kahit na pukpukin ang kaniyang ulo
Pinag-aarala’y di maisaulo.
 
 
Bakit mayro’ng taong di nababahala?
Kahit anong lalim nang dalang problema
‘Di natitigatig, di nag-aaksaya
Ng gintong panaho’t mahalagang pera.
 
 
Bakit ibang tao’y napakaseryoso?
Kaunting problema ay halos maloko
Madalas sa ganito na uri ng tao
Ay mental hospital ang babagsakan mo.
 
 
Marami pa sana akong sasabihin
‘Pagkat iba-iba, katangian natin
Kapagka ang lahat aking babanggitin
Baka sa pagbasa, ika’y umagahin.
Tayo’y pinanganak na magkakaiba
Ang ating ugali at ang ating nasa
Iba si Maria at iba si Petra
Iba si Tomasa’t, iba si Juana.
 
 
Kapagka tayo’y di nagkaintindihan
Di natin tinanggap ang katotohanan
Sa ating isipan ay may alinlangan
Buhay nati’y gulo ang kahihinatnan.
 
 
Ngunit kapag tayo’y naging maun’wain
Natutong tanggapin kaibahan natin
Kapagka nanaig sa ati’y pag-ibig
Ligaya’t tagumpay ay kusang darating.
 
Tweet

×
MN