Mga Pamahiin at Matatandang Paniniwala

Melbourne, Australia
Mon 20th June 2011
Wag kakanta sa harap ng kalan habang nagluluto! ito ang sabi ng aking nasirang lola sa mga kapatid kong dalaga sapagkat baka raw di sila makapag-asawa.
Pero ewan ko ba , yong panganay naming kapatid na babae na mahilig kumanta ay agad nakapag-asawa at sunud-sunod pa ang naging mga anak.
Ang ating mga ninuno ay maraming pamahiin at paniniwala na kung iisipin nating mabuti ay talagang taliwas sa larangan ng siyensiya. Pero kahit ngayon, sa ating makabagong panahon, kahit na ang tao ay nakarating na sa buwan , mayroon pa ring mga pamahiing pinaniniwalaan o sinusunod ng ating mga kababayan lalo na sa baryo at mga lalawigan.
Natatandaan ko pa noong akoy maliit pa, pinagbabawalan kami ng aming nanay na maligo sa gabi pagkat bababa raw ang presyon ng dugo at lalabo ang aming mga mata kung matutulog nang basa ang buhok. Madalas nga akong makagalitan dahil sa kahit na anupamang pagbabawal ang gawin ng nanay sa akin, hayut panay pa rin ang paligo ko sa gabi (kaya siguro nakasalamin ako ngayon). Tinanong ko nga sa kaibigan kong doktor kung may relasyon ang panlalabo ng aking mga mata sa aking paliligo sa gabi pero maliwanag pa sa sikat ng araw na ang sabi niyay wala.
Ang pamahiin ay mga paniniwala ng ating mga ninuno sa mga bagay-bagay na mahiwaga at di maipaliwanag na mga pangyayari maging ito man ay pisikal o spirituwal. Sa pamahiin, hinahanap ng ating matatanda ang kasagutan sa mga bagay o di maipaliwanag na pangyayaring naging sanhi ng sakit, kalungkutan, kaligayahan, kapahamakan, kapalaran o pagkabigo.
Malas raw na numero ang 13 . Kahit na ang mga may-ari ng mga makabagong gusali ay iniiwasan ang pagkakaroon ng ikalabing tatlong palapag. Ang gagawin nila ay biglang gagawing ikalabing apat ang nasabing palapag.
Natatandaan ba ninyo ang serye ng pelikulang Friday the 13th? May kilabot pa ring nararamdaman kung ang Biyernes ay tumama sa petsa 13. Pati rito sa Australya, ang mga broadcasters sa radyo at telebisyon abut-abot ang payong maging maingat sa araw na ito lalong-lalo na sa pagmamaneho.
Sa pagrenta ng bahay o apartment, iniiwasan ang address na may numero trese. Malas daw. Isang kaibigan ko sa Pilipinas ang umupa ng apartment na may numerong 13. Tatlong buwan pa lamang matapos silang lumipat ng kanyang pamilya, nawalan siya ng trabaho, naakasidente ang panganay nilang anak, namatay ang kanyang ama at iba pang kamalasan ang sumunod sa kanilang buhay. Dahil dito, agad silang lumipat ng tirahan.
Samantala, taliwas naman ang nangyari sa isa kong kaibigan. Down na down siya noong lumipat sila ng kanyang anak sa isang maliit na apartment na may numero 13 (dahil sa malaking pagkakautang ay nailit ay kanilang bahay sa Makati at nagkahiwalay silang mag-asawa). Pero noong lumipat sila sa nasabing apartment, nagkasunud-sunod ang kanyang suwerte sa buhay. Na-promote siya sa trabaho. Natapos ng pagka-inhinyero ang kanilang kaisa-isang anak. At higit sa lahat muli silang nagkabalikan ng kanyang asawa. Hanggang ngayon ay nakatira pa rin sila sa apartment bilang 13.
Sa paglalagay ng hagdanan, ang ating mga matatanda ay bumibigkas ng Oro, Mata, Plata. Ang katapusan daw ng baytang ay dapat maging Oro (ginto) o Plata (pilak) at hindi Mata (Kamatayan) kundi, ang mga nakatira raw sa bahay na yon ay dadapuan ng kamalasan. Kaya naman, sa tuwing papanhik ako sa hagdanan nang anumang bahay, mahinang tumitiktik sa aking utak ang katagang Oro, Mata, Plata.
Ang paglilihi ay isa ring uri ng pamahiin ng ating mga matanda na hanggang ngayon ay pinanniniwalaan pa rin ng marami ng ating mga kasambahay. Kung ang bata raw ay maputi, ito raw ay ipinaglihi sa labnanos. Kung maitim naman sa duhat. Kung may maitim na at mabalahibong balat sa anumang bahagi ng katawan, ang sanggol raw ay ipinaglihi sa baboy. Kung ang mga daliri ng mga kamay at paa ay matataba at baluktot ang bata raw ay ipinaglihi sa luya. Sabi ng nanay ko, ipinaglihi raw ako sa suman kaya raw ako payat na payat noong iniluwal sa sangmaliwanag!
Kaya nga, kung ang isang maybahay ay naglilihi, dapat puro magaganda raw ang kanyang pagmamasdan o titignan. Huwag titingin sa kuba, sa duling o sa ngongo pagkat magkakaganuon din daw ang isisilang na anak. At siyempre pa, huwag na huwag na manonood o magbabasa ng mga horror stories kundi disaster daw ang mangyayari.
Kung pangit raw ang hitsura ni Misis sa kanyang pagbubuntis, lalaki raw ang kanyang magiging anak, at kung maganda naman daw ang histura niya , babae ang isisilang.
Madalas, panakot sa atin ng mga matatanda ang mumo o aswang. Sa oras na binalaan tayo ng ating nanay o lola na may multo o mumo, mabilis pa sa alas kuatrong papasok tayo sa loob ng bahay. Kung hindi tayo sumusunod sa nakatatanda sa atin, sinasabihan tayong kukunin tayo ng bumbay. Hindi magandang ugali subalit epektibong panakot sa mga sutil o pilyong mga anak .
Mayaman ang mga Filipino sa mga bagay na supernatural. Nariyan ang mga asawang at manananggal na naglipana raw sa pusikit na karimlan. Walang sinabi ang mga pelikulang Amerikano at Ingles sa mga kuwento ng multo, bampira, mangkukulam, mambabarang , manggagaway, sirena, siyokoy at mga pinagkakatakutang mga bahay (haunted houses), isama pa ang di mabilang na mga lamang lupang tulad ng mga duwende, ada, lambana, tiyanak, Nuno sa punso at mga di nakikitang mga espirito at mga anak ng karimlan na gaya ng tikbalang, kapre at mga engkantado.
Sa mga probinsiya, bayan at baryo ay popular naman ang mga albularyo, mga mananawas at mga manghihilot na siyang kumukontra sa masasamang espiritu. Gayun din naman ang mga agimat o mga anting-anting na pangontra raw sa anumang kapahamakan.
Doon sa lugar namin sa Paco, may pinagkakatakutang bahay na ginawa raw garison ng mga hapon noong panahon ng digmaan. Gabi-gabi raw, may naririnig na mga yabag na animoy hinihilang mga mabibigat na kadena, panaghoy, tilian at hiyawan lalo na sa pagsapit ng hatinggabi. Yon daw ay mga biktimang pinahirapan at pinatay ng mga Hapon. Kung totoo man o hindi, walang makapagsabi. Minsan, kaming magkakalaro ay nagkatuwaang puntahan ang nasabing haunted house. Pero noong malapit na kami ay nagkaripasan na kami ng takbo dahil sa takot. Ngayon, ang bahay na kinatititirikan nito ay ginawa nang gasoline station.
Bago pa nauso ang Feng Sui ng mga Tsino, marami na ring pamahiin ang mga Filipino sa pag-aayos ng bahay. Dapat raw nakatapat ang pintuan sa pang-umagang sikat ng araw para raw malayang pumasok ang grasya ng Diyos; ang posisyon ng kama ay huwag ilagay sa tapat ng pintuan pagkat lalabas raw ang suerete; luwangan raw ang mga bintana upang makapasok ang kapalaran; gayun din naman ang komedor o kainan para magkaroon ng maraming bisita at kasagaanan. Huwag na huwag magwawalis sa gabi pagkat aalis raw ang suwerte.
Marami rin tayong pamahiin sa kasal. Huwag raw isukat ang damit pangkasal pagkat malas raw. Maaari raw hindi matuloy ang kasal. Kung sino raw ang unang lumabas ng simbahan ay siyang magiging puno ng pamilya. Kung ang babae raw ang maunang lumabas ng simbahan , magiging ander de saya raw ang lalaki. Kapag natapakan daw ng lalaki ang laylayan ng wedding gown magiging dominante raw ang lalaki at magdaranas ng katakut-takot na pagdurusa ang babae bilang maybahay. Hindi rin daw dapat magkasabay na magpakasal ang magkapatid (sukob) sa iisang taon pagkat may masama raw mangyayari.
Sa bahagi naman ng katawan kung may nunal daw sa tabi ng labi, karaniwang ang tao raw na itot matabil at madaldal; kung salubong ang mga kilay, mainitin ang ulo at masamang magalit; kung may nuna; sa ibaba ng mata o tuluan ng luha, ang taong yon magkakaroon ng mahirap na buhay; kung may nunal sa balikat, magdaranas sangkaterbang hirap; kung may nunal sa paa, galawgaw, di mapakali at mahilig maglakbay; kung may nunal sa kamay, hindi raw mawawalan ng pera at kung may mataas na uno, ang tao raw na itoy matalino.
Marami tayong pamahiin tungkol sa Patay. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maubos maisip kung bakit lahat ng mga salamin ay may tabing kung may nakaburol sa bahay. Sabi ng mga matatanda, masama raw. Wala namang makapagsabi sa akin ng tiyak na dahilan. Ang kabaong raw ay di dapat igawi sa may pintuan pagkat tiyak na may susunod raw na mamamatay. Hindi raw dapat mapatakan ng luha ang mukha ng bangkay pagkat mahihirapan daw itong umakyat sa langit. Ganoon din naman ang pagsusuot ng sapatos sa namatay paniwala ng matatanda na maririnig raw ang mga yabag ng patay sa oras an dumalaw ito. Huwag maliligo habang may nakaburol.
Noong ilibing ang aking nanay, lahat ng aming mga pamangkin ay binuhat at idinaan sa ibabaw ng kabayong nito. Ito raw ay mungkahi ng isa naming tiya upang hindi raw dalawin ang aking mga pamangkin ng aking pumanaw na ina.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga pamahiin at mga paniniwalang minana pa natin mula sa ating mga nakatatanda. Ang mga paniniwalang ito ang siyang humubog sa lipunan at kultura ng ating mga ninuno mula sa kanilang pagsilang hanggang sa kamatayan .
Sa ating siglo ngayon, na pinamamayanihan ng computer, website, mobile phones, Ipad, Facebook at Internet at iba pang mga mega-gadgets, sumusulpot pa rin ang mga pamahiing ito kung may pangyayaring hijndi sukat maipaliwanag ng makabagong sensiya at medisina.
dharlyn
daraga,alabay
Sat 10th March 2012
wala naman masama kung maniniwala sa mga pamahiin db.,,,,,,,,:)
daraga,alabay
Sat 10th March 2012
wala naman masama kung maniniwala sa mga pamahiin db.,,,,,,,,:)