Ang Paglilitis kay Bonifacio
Ni Manny G. Asuncion
Melbourne, Australia
Guhit ni Joel MagpayoI
November 26, 2016
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya?
Sa pagkadalisay at pagkadakila,
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa pa? Wala na nga wala.,
Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ( Andres Bonifacio 1863-1897).
Si Andres Bonifacio ay siyang supremo ng Katipunan at kinikilalalang pangunahing lider ng Katipunan. Taliwas sa adhikain ng repormista at ilustrado na sina Dr Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena at Marcelo H. del Pilar, ang marubdob na layunin ni Bonifacio ay maging ganap na malaya ang Pilipinas sa pagkakagapos sa mga kamay ng pamahalaang Kastila.
Bagamat di-gaanong nakapag-aral, pinaunlad ni Bonifacio ang sariling kaisipan sa pagbabasa ng mga aklat at masusing pagmamasid na siyang nagpatibay sa kanyang layuning palayain ang bayan sa pagmamalabis ng mga dayuhan.
Sa tulong ng kanyang mga kaibigan na sina Ladislao Diwa, Teodoro Plata at Deodato Arellano, itinatag nila ang Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK noong ika 7 ng Hulyo 1892 sa Tondo, Maynila.
Ang lihim na samahang ito ay nagkaroon ng maraming kasapi sa Maynila at sa mga karatig lalawigan.
Sa pagkakatuklas ng Katipunan ng pamahalang Kastila, sinimulan ang tahasang paghihimagsik noong ika 29 ng Agosto 1896 na lalong kilala sa tawaq Unang Sigaw sa Balintawak. Dito ay sabay-sabay na pinunit ng mga Katipunero ang kanilang mga sedula bilang tanda ng paglaya sa mula sa paniniil ng pamahalaang Kastila.
Sa pamumuno ni Bonfacio , nilusob nila ang arsenal ng mga kastila kahit kulang ang kanilang mga armas na siyang naging bunga ng maraming pagkasawi ng kanilang mga kasamahan.
Sa lagbalab ng paghihimagsik , lumitaw naman ang isang batambata at magiting na pinuno na nagmula sa Kabite, si Heneral Emilio Aguinaldo. Ang Heneral na ito ay kinakitaan ng talino sa kanyang istratehiya sa pakikidigma. At di tulad sa mga pagsalakay ni Bonifacio, karamihan sa kanyang mga paglusob (ni Aguinaldo) ay naging matagumpay.
Sa Kabite, may dalawang magkaribal na konseho ng Katipunan. Ang Magdiwang na pinamumunuan ni Mariano Alvarez (tiyo ni Andres Bonifacio) at Magdalo na ang pangulo ay si Baldomero Aguinaldo (pinsan ni Heneral Aguinaldo).
Lalong nahati ang pangkat ng Katipunan nang imungkahi ni Aguinaldo na magkaroon ng isang Rebolusyunaryong Pamahalaaan.
Nagkaroon nang mainit na pagtatalo kung sino ang dapat mamuno sa itatatag na Rebolusyunaryong Pamahalaan. Sinabi ng mga kasaping Magdalo (kampi kay Aguinaldo) na sila ang dapat mamuno sa nasabing pamahalaan dahil sa kanilang mga tagupmpay sa paglusob. Samantala, iginigiit naman ng mga Magdiwang (kampi kay Bonifacio) na sila ang may higit na karapatang mamuno sapagkat sila ang unang nagpasimula ng Rebolusyon sa Kabite. Sila ang dapat kilalanin ng Rebolusyunaryong Pamahalaan.
Sa ganitong pagtatalo-talo, ipinahayag ng mga Pinuno ng Mgagdiwang na isa lamang makakalutas ng hidwaang ito na walang iba kundi si Bonifacio. Isang paanyaya ang ipinadala kay Bonifacio na nooy nasa Bundok Montalaban. Tinanggap ni Bonfacio ang paanyaya.
Noong ika 11 ng Disyembre 1896 , nagpulong ang mga lider rebolusyunaryo sa Imus, Kabite subalit walang napagkasunduang palitan ang Katipunan ng Rebolusyunaryong Pamahlaaan at kung sino man ang dapat kilalaning pinuno ng himagsikan. Sa pulong na ito mas lalong malaking alitan ang namagitan kina Bonifacio at Aguinaldo.
Noong Marso 2,1897, nagkaroong muli ng pagpupulong ang konseho ng Magdiwang at Magdalo sa Tejeros, isang baryo ng San Francisco de Malabon para pag-usapan ang pagkakaisa ng dalawang konseho sa dahilang dumatng na kasi ang puntong hindi na nagtutulungan ang dalawang pangkat sa pakikidigma laban sa mga kaaway.
Muli na naman nilang inimbitahan s Bonifacio na siya naming nagpaunlak. Wala noon si Aguinaldo sapagkat yon ang araw ng kanyang kapanganakan at naghahanda pa rin sa pagsalakay sa Pasong Santol, isang baryo ng Imus.
Subalit ang napagkasundan sa Imus ay di pinag-usapan. Bagkus, ang mga pinuno ay nagpasyang maghalal ng mga opisyales para sa Rebolusyunaryong Pamahalaan. Para kay Bonifacio, labag sa kanyang kagustujan ang pagpapatibay ng asemblea ng Rebolusyunaryong Pamahalaan.
Bago umpisahan ang halalaan, ay napagkaisahang igaLang ang desisyon ng nakararami. Si Bonifacio ang siyang namuno sa halalan. Ang mga naiboto ay sina : Pangulo, Emilio Aguinaldo; Pangalawang Pangulo- Mariano Trias; Capitan Heneral, Artemio Ricarte; Director ng Digmaan, Emiliano Riego de Dios at Director Interior, Andres Bonifacio.
Para kay Bonifacio, ito ay isang malaking sampal sa kanya at sa Katipunan. Sa pagiging Director Interior ay nagpapatunay na siya ay tuluyan nang inalisan ng kapangyarihan bilang lider ng himagsikan. Dagdag pa na insulto ay ang protesta ni Daniel Tirona sa kanyang posisyon. Paliwanag pa ni Tirona na si Andres Bonifacio ay di puede sa ganitong klaseng posisyon pagkat wala siyang diploma sa pagka-abogado. Susuog pa ni Tironang si Jose del Rosario, na isang Kabitenyong abogado, ang siyang mas may karapatan sa puwesto.
Sa tinurang ito ni Tirona, lalong sumulak ang galit ni Bonifacio at tinangka niyang barilin si Torona. Mabuti na lamang at dagling may umawat sa Supremo. Galit na nagwika si Bonifacio: Bilang Tagapangulo ng asembleyang ito, at bilang pangulo ng pinakamataas na Konseho ng Katipunan, idinedeklara kong ang asembleyang ito ay buwagin at ipinawawalang - bisa ko ang lahat ng sinang-ayunan at pinagkayarian! Pagkawika noon, nagpupuyos sag alit na lumisan si Bonifacio sa asembleya.
Gayun paman, nanumpa si Aguinaldo sa kanyang tungkulin bilang presidente ng Rebolusyunaryong Pamahalaan pagkatapos ng pagpupulong sa Tejeros. Ang pangkabuuang pamunuan ay binubuo nina : Emilo Aguinaldo, Presidente; Mariano Trias, Bise Presidente ; Artemio Ricarte, Kapitan Heneral ; Emiilano Riego de Dios, Director ng Digmaan; Pascual Alvarez, Direktior Interior; Jacinto Lumbreras, Director ng Estado ; Baldomero Aguinaldo Director ng Pananalapi; Mariano Alvarez, Director ng Komersiyo at Severino delas Alas, Director ng Hustisya.
Mapapansin na maliban kay Artremio Ricarte na taga Batac ilokos Sur, ang lahat ng mga pinuno ay taga Cavite. Masasabing ang mga nahalal na mga opsiyaless ay pawang kabilang sa Magdalo at Magdiwang na konseho. Masasapantaha nn ang iringan ng dalawang konseho ay nalutas sa pag-alis ng mga hindi taga cavite. Sa kabilang dako, winalang- halaga ni Bonifacio at ng kanyang mga kaalyado ang bagong tatag na pamahalaaan sampu ng kanilang mga pinuno.
Nagpalabas si Bonifacio ng dalawang dokumento na pirmado ng kanyang mga tauhan. Ito ay ang ACTA DE TEJEROS at sa pangmilitar na kasunduan sa Naic. Sa dokumnetong ito, isinaaad ni Bonficaio na siya pa rin ang lider ng Katipunan. Dito ay idiniklara niya na ang halalan sa asembleya sa Tejeros ay isang pandaraya at kung igigiit ng bagong pamahalaan ang kanilang kapangayarihan, sila (ang kampo nji Bonifacio) ay tumututol. Sa deklarasyon ding ito nakasulat na si Aguinaldo ay isang taksil at nakikipagsabwatan sa mga Kastila.
Ang deklarasyong ito ay nilagdaan nina Pio del Pilar, Artemio Ricarte, at Severino de las Alas. Ang lahat ng lumagda sa Pangmilitar na kasunduan ng Naic ay sumasangayon na ipagpatuloy nila (kampo ni Bonifcaio) ang direksyon ng rebolusyon.
Inatasan ni Bonfcaio si Pio del :Pilar na siyang maging punong-tagapag-atas ng hukbo ng himagsikan, gayun din si Emilio Jacinto na maging heneral sa mga lalawigan ng Morong, Bulacan, Nueva Ecija at Maynila,
Dahil dito, lalong lumalala ang tensyong dati nang namagitan sa dalawang lider ng himagsikan. Nagdalawang isip ang ang mga pinuno kung sino ang kanilang papapanigan . Sapagakat Kabitenyo si Aguinlado at nanalo sa eleksyon ( na akala nilang may higit na legaliad, bukod pa sa may kakayahang pangmilitar kaysa kay Bonnifacio, si Aguinaldo ang pinanigan ng mga ilustradong pinuno ng Katipunan.
Ilan sa mga pinuno ni Bonifacio ang umanib kay Aguinaldo. Kabilang na rito sina Pio del Pilar, Artemio Ricarte at Severino delas Alas.
Ipinalagay ni Aguinaldo na si Bonifacio ay isang banta sa panganib ng bagong tatag na pamahalaan. Kaya bilang pangulo mg Rebolusyung Pampamahalaan, iniutos niya sa pamumuno ni Agapito Bonzon, na arestuhin si Bonifacio pati na ang kanyang mga kasamahan.
Dinakip sina Bonifacio, Procopio (kapatid ng supremo) sampu ng kanyang asawang si Gergoria de Jesus sa Lombon, baryo ng Indang Cavite. Sa pagdakip na ito ay nasugatan nang malubha si Bonifacio at napatay si Ciriaco, isa sa mga kapatid ni Bonifacio.
Sa Maragondon, nilitis sa hukumang militar sina Bonifacio, Gregoria de Jesus at Procopio sa salang sedisyon at pagtataksil sa Pamahalaang Rebolusyunaryo. Ang naging taga-usig ay si Jose Elises, samantalang Si Teodorop Gonzales naman ang naging tagapagtanggol ni Procopio at si Placido Martinez ang kay Bonifacio.
Ayon kay Renato Constantino (Vol 1. The Philippine Past Revisited), ang paglilitis kay Bonifacio at sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus at kapatid na si Procopio ay isang balintuna.
Si Bonifacio ay kaaway ni Aguinaldo. Halos lahat ng miyembro ng Konseho ng Digmaan ay mga tauhan ni Aguinaldo. Ang tagapagtangol ni Bonifacio, si Placido Martinez na sa halip na tulungan ang supremo ay waring naging taga-usig pa at sinabi pang ang parusang mas masahol pa sa kamatayan ay karapat dapat kay Bonficoio dahil sa pagtatangka niyang pagpatay kay Aguinaldo
Sinasabi ring pinaniwalan ng hukumang military ang pahayag ni Tinyente Koronel Giron , isang kapanalig ni Bonfacio na tumayong saksi na binigyan siya ni Bonfiacio ng sampung piso para patayin si Aguinaldo.
Sa mismong paglilitis, sinabing hindi makakatestigo si Giron sapagakt napatay ito sa labanan sa Naic. Subalit matapos na mapatay si Bonifacio, si Giron daw ay nakitang kasama ng mga taga-usig.
Napatunayan ng hukumang militar na si Bonifacio at Procopio ay nagkasala at hinatulan ng kamatayan. Ang paglilitis sa kanila ay tumagal lamang ng isang araw, ika 5 ng Mayo at bumaba ang hatol noong ika 6 ng Mayo 1897.
Ang ,mga papeles at desisyon ay ibinigay kay Aguinaldo. Matapos nang masusing pag-aaral sa kaso ay pinagaan ni Aguinaldo ang sentensiya kina Bonifacuio at Procopio na habambuhay na pagkabilanggo at pagpapatapon sa malayung lupain.
Subalit nang malaman ito nina Mariano Noriel at Heneral Pio del :Pilar (dating mga kaalyado Bonifacio ) ang desisyon ni Aguinaldo, agad silang nakipagusap sa Heneral at sinabing pairalin ang dating desisyon (kamatayan) para mapangalagaan ang kapakanan ng rebolusyon at hadlangan din pagkasira ng moralidad ng mga pinuno at mga tauhan ng himagsikan.
At noong ika 10 ng Mayo, 1897, isinagawa ni Major Lazaro Makapapagal at ilang mga tauhan ang kaukulang kautusang militar sa Bundok Buntis . Si Andres Bonifacio, ang dating Supremo ng Katipunan ay pinatay sa edad na 34 taong gulang lamang.
( TALIBABA: Subalit magpasahangga ngayon, marami pa ring haka-haka at agam-agam kung pano isinagawa ang parusang kamatayan kay Bonifacio at sa kapatid nitong si Ciriaco. Isa pa ring malaking palaisipan ang pagkamatay ni Bonifacio sa madugong kasaysayan ng himagsikan sa Pilipinas ).