ANG PANGARAP NI ESIONG
Kabanata 1

Scarborough-Canada
Tue 15th May 2012
MASASABING kung ang isang tao ay ipinanganak na may angking katangian, si Esiong ay isang ganap na halimbawa, dangan nga lamang na ang kanyang katangian ay nauwi sa paggawa ng kalokohan at hindi sa kabaitan.
Ang kanyang tunay na ugali ay lumabas noong siya ay bata pa at nasa mababang paaralan pa lamang.
Maglalaro sila ng kanyang mga kababata ng tatsing ng ibat ibang tansan: tansan ng pepsi, tansan ng coke, tansan ng cosmos, tansan ng seven-up, tansan ng beer. Nakapagtataka na si Esiong ang parating nananalo. Ang dahilan, natagpuan nila, ay ang kanyang pamato ay may kakaibang bigat. Lalagyan niya at ididikit ang pinipi at binilog na tingga sa pagitan ng tansang lata at panloob na tapon. Sa biglang tingin ay walang makakapansin nito sapagkat ang ayos ay tulad nang karaniwang tansan, ngunit kapag hinawakan ay dito mapupuna ang naiiba, di pangkaraniwang bigat.
Maglalaro sila ng kara o kurus na ang pangara ay tunay na pera na noong panahong iyon ay isang sentimo na may dayametrong isang pulgada at gawa sa tunay na tanso. Paglalabanan nila ang mga lastiko at tulad ng tatsing ay si Esiong ang parating nananalo. Natagpuan nila na ang pangarang ginagamit ni Esiong ay doble kara, nangangahulugang ang magkabilang mukha ay parehong tao na kanyang ginawa sa pamamagitan ng pagpapanipis at pag-alis nang kabilang mukha at pagdidikit ng dalawang pinanipis na natirang mukhang may tao.
Sa sandaling siyay nahuhuling nandaraya at mabubuko, si Esiong ay magaling na magpalusot, Ang daya mo, kaya pala ikaw ang parating nananalo, pasumbat na sasabihin ng kanyang mga kalaro.
Tatawa lamang siya ng malakas. Kung makalulusot lang naman.
PAGKATAPOS ng ikaanim na baitang, sa mga gabing sila ay walang magawa, siya, kasama ang kanyang mga kalaro ay nangakaupo sa bangko sa monumento sa harap ng eskuwelahan at nagkukuwentuhan. Napag-uusapan nila kung ano ang kanilang mga pangarap.
Ano ang iyong pangarap? itatanong nila kay Esiong.
Wala akong pangarap. Tapos na tayo ng elementary. Ayoko na. Mahirap mag-aral at saka ayaw kong mangamuhan.
Paano ka mabubuhay kung wala kang tinapos?
Marami naman diyang walang tinapos, bakit nabubuhay?
Iba iyong may tinapos.
Kahit na, ang pag-aaral ay hindi para sa akin. At saka, wala naman akong pangarap.
LUMAKI si Esiong na hindi kinunsinti ng kanyang mga magulang na sina Tata Felix at Nana Adora. Lumaki siya sa subaybay ng palo ng lanubo, ngunit ang lanubo ang nahubog, hindi si Esiong. Lumalaki siya nang walang pangarap ngunit walang magawa ang kanyang mga magulang.
Sinabi sa kanya ni Tata Felix, Kung ayaw mong mag-aral ay tulungan mo na lamang ako sa bukid.
Ayaw ko ho ng trabaho sa bukid.
Kung ayaw mong mag-aral at ayaw mong magtrabaho sa bukid ay ano ang gagawin mo?
Hindi ko ho alam. Basta ang alam ko ay tambay tambay muna ako.
Kung minsan ay gustong palayasin ni Tata Felix si Esiong ngunit hindi niya magawa. Sa lahi natin, bihirang magulang ang natitiis ang anak, kahit na maraming anak ang natitiis ang magulang.
May dalawang kapatid na nakatatanda si Esiong, na isang lalake at isang babae. Domingo ang pangalan ng lalake, na labing anim na taong gulang. Elvira ang pangalan ng babae, na labing apat na taong gulang. Pangkaraniwan lamang ang kanilang dunong ngunit sa pangaral (pangaral na ayaw tumalab kay Esiong) nina Tata Felix at Nana Adora ay pinipilit nilang makatapos kahit high school man lamang.
Habang ang kanyang mga kapatid ay nagsusunog ng kilay upang makatapos kahit high school man lamang, si Esiong ay abala sa kanyang buhay na walang pangarap.
PAGKUWAY labing tatlong taon na si Esiong. Ang daan sa pagkapalungi at daang kanyang tinatahak.
Kilala na si Esiong sa baryo Magiting sa bayang San Quentin sa lalawigan ng Bulacan . Kilala siya sa paggawa ng kalokohan.
Kapag may nawalang kamiseta sa sampayan ay alam na nila kung sino ang kumuha. Agad nilang (ang mga pinuno ng Kabataang Baranggay) pupuntahan si Esiong at tulad ng dati, si Esiong ay mahusay mangatwiran, Kinuha ko lang naman iyon dahil wala akong maisuot at hindi upang ibenta para magkapera. Kung magkasakit ako at mamatay, mas malaki ang problema ninyo, bakit kamo?
Bakit?
Dahil wala kaming pera at upang mailibing ako ay kailangang mag-ambag kayo.
Pero hindi iyon nangangahulugan na kailangang nakawin mo ang kamiseta sa sampayan. Bakit hindi mo na lang hingin?
Pareho din iyon. Sa akin din ang bagsak niyon.
Hindi pareho iyon. Pag may pahintulot, bigay; pag walang pahintulot, nakaw.
Hindi ko na uulitin.
Ipinapangako mo?
Ipinapangako ko.
O sige, pag inulit mo pa, ipakukulong ka namin.
ANG buhay ni Esiong ay tulad ng buhay ng isang hampaslupa - na walang pirmihang schedule. Kung ano ang dumating ay iyon ang kanyang araw.
Ngunit kakambal nang pagiging hampaslupa ay ang pagkakabilad sa maraming mga bisyo at mga kasalanan. Natuto siyang manigarilyo at nang malaunan, bilang katuwaan lamang ay sinubukan na rin niyang humitit ng marijuana.
Ang sa simula ay mga katuwaan lamang ay nauwi sa regular na bisyo at mga bisyong kailangan niya ang pera, ngunit mga perang wala siya. Kailangan niya ang pera upang matustusan ang kanyang bisyo, perang kinakailangang magkaroon siya.
HABANG lumalaki at tumatanda si Esiong ay lalong lumalakas ang kanyang loob, marahil, tulad ng anuman, ay nasasanay siya at nagkakaroon ng tiwala sa sarili. Ang dating maliliit na kalokohan, gaya ng pagnakaw ng mga isa o dalawang kamiseta sa sampayan o pagnakaw ng mga itlog sa pugad ng mga manok ng mga kapitbahay, na noon ay kanyang ginagawa upang malunasan ang mga pansariling pangangailangan, ngayon, ay kanya ng ginagawa ng dahil sa pera. Iba iba na ring mga bagay ang kanyang ninanakaw.
Nawawala ang set ng socket wrench ng jeep ni Mr. Reyes at alam na nila kung sino ang nagnakaw nito.
Magtatanong ang mga Tanod Baranggay sa mga inaakala nilang nakakita kay Esiong.
Nakita kong may dalang isang supot na sa tingin ko ay may lamang mga kasangkapan, isasagot ng isang napagtanungan.
Saan papunta?
Sumakay sa jeep papunta sa kabilang bayan.
Pupunta ang mga Tanod Baranggay sa paradahan ng mga pampasaherong jeepney sa bayang nabanggit at doon ay matutunton nila ang ninakaw na mga kasangkapan. Tutubusin nila iyon at ibabalik kay Mr. Reyes. Aarestuhin nila si Esiong at dadalhin sa kulungan sa munisipyo. Pagkalipas ng ilang linggong pagkakulong ay malaya na naman si Esiong. Sa kanyang paglaya ay balik na naman siya sa kanyang mga kalokohan.
Habang mainit pa ang mga mata ng mga maykapangyarihan, si Esiong ay nasa paradahan ng mga jeepney at mga Tamaraw FX bilang tagasigaw at taga ayos ng mga pampasaherong sasakyan. Sa bawat napunong sasakyan ay may sampung pisong bayad ang mga driver. Limang piso ang pupunta sa tagasigaw at lima sa Godfather.
Kani kanya sila ng teritoryo. Biyaheng monumento ang sa kanya. MONUMENTO!....MONUMENTO!...DITO ANG BIYAHENG MONUMENTO!
MAY KARUGTONG