Leona Florentino: Unang Makatang Pilipina
By Renato Perdon
Sydney, Australia
April 2, 2015
Ipinanganak sa makasaysayang bayan ng Vigan, Ilocos Norte, noong 19 Abril 1849 sa isang mayamang pamilya ng nasabing bayan. Ang kanyuang mga magulang ay sina Don Marcelino florentino at Donya Isabel Florentino, na ayon sa ilang talambuhay na nailathala na ay mag-pinsang buo, isang paraan upang ang mga ari-arian ng pamilya hindi magkawatakwatak. Ang ama ni Don Marcelino ay sinasabing siyang pinakamayaman sa buong lalawigan ng Ilocos. Samantala, si Donya Isabel naman ay nagmula rin sa isang mayamang angkan. Ito ay nagbibigay sa atin ng ideya kung anong paraan ang ginagamit ng mga mayayamang pamilya noon upang mapanatili ang kanilang kayamanan sa pamilya sa pamamagitan ng pagpapakasal ng kanilang mga anak sa mga anak ng kanilang mga pinsan na mayaman din.
Tulad ng isang tipikal na pamilyang Pilipino, ang pamilya Florentino ay maraming anak at kahit na mataas ang kalagayan nila sa lipunan, pinalaki nila ang kanilang mga anak nang simple ngunit istriktong pamamaraan, lalo na ng kanilang ina. Si Donya Isabel ang unang nagturo sa kaniyang mga anak na bumasa at sumulat. Kahit na mayaman ang Pamilya Florentino, si Leona ay nakatapos lamang ng primarya. Noong panahong iyon ang mga batang babae ay hindi na kailangang pag-aralin pa sa kolehiyo dahil halos, karamihan sa kanila, ay nananatili lamang sa kanilang mga tahanan at nag-aasikaso sa pamilya. Ngunit hindi ito naging sagabal upang si Leona ay magkaroon ng karagdagang edukasyon. Tuwing matatapos ang kaniyang mga tungkulin sa bahay, tinitiyak ni Leona na gamitin ang kaniyang natitirang oras sa pamamagitan ng pansariling pag-aaral sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat.
Tulad ng nakagawian noong panahong iyon, nag-asawa si Leona sa gulang na 14 taon at ang kanyang napangasawa ay ang mayaman at kilalang mamamayan ng Vigan, si Elias de los Reyes na minsan ay naging alkalde mayor ng lalawigan ng Ilocos Sur. Ang mag-asawa ay nagkaroon ng limang anak, ang pinakamatanda ay si Isabelo delos Reyes, na naging popular na senador, manunulat, mananalaysay, at kilala dahil sa kanyang interes sa mga lumang kuwentong bayan ng Pilipinas. Si Isabelo din ang siyang namuno sa kauna-unahang welga ng mga manggagawa sa Pilipinas noong unang bahagi ng 1900s. Ang gawain ni Leona bilang manunulat at ina ng tahanan ay napakahirap at dahil dito naging sakitin ang kanyang katawan. Noong 1880, makaraan ang 17 taon ng pagsasama, ang mag-asawa ay naghiwalay at dalawang taon ang makaraan ang kanyang asawang si Elias ay namatay.
Ang mga naisulat ni Leona ay binubuo ng mga tula at dula. Karamihan ay nakasulat sa wikang Ilokano. Ang pinakatema ng kanyang mga naisulat ay magkaka-iba – mula sa pinakamahalaga hanggang sa ordinaryong tema. Tatlong taon makaraang mamatay si Leona Florentino, ang kanyang mga nagawa ay nakatawag ng pansin sa mga sentro ng panitikan sa Europa. Ang ilan sa kaniyang mga sikat na tula ay itinanghal sa Internasyonal Eksposisyon, tulad ng pangkalahatang Eksposisyon ng Pilipinas na isinagawa sa Madrid noong 1887 at sa Internasyonal Eksposisyon sa Paris noong 1889. Sa isa sa mga aklatan at museo sa Paris, ang mga nagawa ng dakilang makatang Pilipinang ito ay bahagi ng milyung milyong koleksyon. Nakapanghihinayang na malaman na halos lahat ng kanyang mga bantog na tulat at dula ay nasira noong Himagsikang Pilipino.
Dahil sa mga problema sa pamilya at lumalalang kalusugan, namatay siya sa sakit na tisis sa edad na 35 noong 4 Oktubre 1884.
Mula sa ‘Kulturang Pilipino’ ng awtor na inilathala sa Sydney, Australya noong 2012
Tweet