GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 3)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Canada
November 11, 2017
SINADYA ni Ronaldo na palawigin pa ang pagkikilala nina Cipriano at Isabel.Nilapitan niya si Cipriano at binulungan, “Ikaw na ang bahalang maghatid sa kanya. Mauuna na ‘ko.”
“Saan ka sasakay?”
“Di doon sa pinakasakayan namin.”
“Ikaw ang bahala.”
Nangiti si Cipriano. Alam niya ang ibig sabihin ng ginawa ni Ronaldo.
SA SASAKYAN ay tinangkang hawakan ni Cipriano ang kamay ni Isabel, na pinabayaan naman nito.
Ng sila’y nasa apartment na, pagkatapos niyang iparada ang sasakyan sa Visitor’s Parking, ay bumaba si Cipriano sa sasakyan upang ihatid hanggang sa loob ng apartment si Isabel. Ngunit siya’y pinigil ni Isabel, “Hamo’t ako na lang.”
“Safe ka ba diyan?”
“Oo naman.”
Kinabig ni Cipriano si Isabel at tinangkang halikan sa labi, ngunit namagitan sa kanilang mga mukha ang palad ng kanang kamay ni Isabel. “Hindi kasama iyan. Iisang araw pa tayong magkakilala.”
“Pareho din iyon.”
“Hindi.”
“O sige, kung ayaw mo doon, sa pisngi na lang.”
Pumayag si Isabel na halikan siya sa pisngi ni Cipriano.
Naglakad silang magkahawak ang mga kamay patungo sa bungad ng apartment.
“Ok na ‘ko rito,” sabi ni Isabel ng sila’y nasa bunganga na ng pintong pasukan.
Muli, ginawaran ni Cipriano ng halik sa pisngi si Isabel.
“Magtawagan tayo,” mungkahi ni Cipriano.
“Ikaw ang bahala.”
ANG sumunod ay mga tawagan sa telepono at maraming mga pagtatagpo.
Nanood sila nang maraming mga “Broadways” sa Ed Mirvish at Princess of Whales Theatres gaya ng Mama Mia, Kinky Boots, The Bodyguard….
Nanood din sila ng mga palabas sa Casino Rama at Fallsview Casino gaya ng Elvis, Fab Four, Engelbert Humperdick, Tom Jones, Donnie & Marie, Christmas Special…
Sa kanilang maraming mga dates ay ayaw pumayag si Isabel sa gustong maganap ni Cipriano.
Nag-isip si Cipriano ng paraan kung paano niya makukuha ang gusto niya kay Isabel. Nakaisip siya.
ENERO at sukdulan ang lamig ng panahon. Low season at ang mga beaches sa Carribean ay naghihintay.
Inanyayahan niya si Isabel na mag holiday sila sa Cuba.
“Wala akong pera,” sagot ni Isabel.
“Pag akong nag-aya, akong bahala. Mayroon na ba tayong pinuntahan na inaya kita na nagbayad ka.”
“Wala pa.”
Iyon ang gustong marinig ni Isabel. Pumayag siya.
SA Cuba ay naganap ang gustong maganap ni Cipriano.
Maligaya na si Cipriano. Nalunasan na ang kanyang kauhawan sa laman. Nalunasan na rin ang kanyang pangungulila.
Maligaya na rin si Isabel. Alam niya na nakakita na siya ng Sugar Daddy.
ISANG araw na sila ay manonood ng palabas sa Fallsview Casino, sapagkat maaga pa ay ipinasiya nilang kumain sa Chinese Buffet Restaurant.
Habang kumakain ay naitanong ni Cipriano, “Pa’no mo nagustuhan si Ronaldo ay bakla iyon?”
“Ipagtatapat ko na sa iyo. Ang sa amin ay Marriage for Convenience, kung alam mo ang ibig kong sabihin?”
“Nauunawaan ko. Huwag na nating ituloy. Ayaw ko nang malaman ang mga detalya. Ang mahalaga ay narito ka na, at hindi na kita kukuhanin sa Pilipinas. Gusto kong magsama na tayo.”
“Hindi ba napakaaga naman?”
“Iyon din ang kauuwian noon.”
“Ang mga anak mo?”
“Umalis na silang tatlo. Tapos na at may mga trabaho na. Kaya ng magsarili.”
“Pa’no ang pag-aaral ko?”
“Ako’ng bahala doon. Tutulungan kita.”
“Pa’no si Ronaldo?”
“Matutuwa iyon dahil liliit ang kanyang gastos.”
Natawa si Isabel. “Pa’no ‘yong kasal namin?”
“Umpisahan mo na ang divorce proceedings.”
“Hindi ko alam ang gagawin ko.”
“Madali iyan dito.”
SA TUWA ni Ronaldo ng sabihin ni Isabel na lilipat na siya sa bahay ni Cipriano ay siya pa ang nag-alok na magbabayad sa van na gagamitin sa kanyang paglipat. Tatawagin na rin niya ang ilan sa kanyang mga kaibigan para tumulong.
TATLONG araw na silang nakalilipat. Naiayos na nila ang mga gamit ni Isabel. Noon lamang napansin ni Isabel kung gaano kalaki ang bahay ni Cipriano. “Ang laki ng bahay mo?”
“Ok lang.”
“Balita ko, pag malaki ang bahay, malaki rin ang mortgage? Baka madamay pa ‘ko sa pagbabayad nito?”
“Bayad na ‘to. Nang mamatay si Misis, ang nakuha ko sa Insurance niya, ibinayad ko sa mortgage.”
“Suwerte ng mapapangasawa mo?”
“Ikaw iyon?”
“Talaga.”
TAPOS na ang mga proceedings tungkol sa pagdi divorce nina Ronaldo at Isabel. Opisyal na diborsiyado na sila. Malaya na si Isabel at nakawala na si Ronaldo.
FULL TIME na sa pag-aaral ng Nursing si Isabel, na ang lahat ng gastos ay sagot ni Cipriano.
Kung maaga ang pasok ni Isabel o gabi na ang uwi nito ay inihahatid at sinusundo siya ni Cipriano.
ALAM ni Isabel na mahal na mahal siya ni Cipriano, na naging dahilan upang lalo niyang pagsamantalahan ito.
Oktubre at ang simoy ng hangin, ang mga musika sa radio, ang mga palabas sa telebisyon, at ang mga paninda sa mga department stores ay nagpapa-alaala sa darating na kapaskuhan. Nakasilip si Isabel ng pagkakataon para makahingi ng pera kay Cipriano.
“Gusto kong magtrabaho ng part time kapag Sabado at Linggo,” sabi ni Isabel isang araw na siya ay sinundo ni Cipriano pagkatapos ng panggabing aral.
“Bakit naman? Sa paniniwala ko ay OK naman ang perang ibinibigay ko sa iyo.”
“Hindi iyon.”
“Kung hindi ay ano?”
Pinalungkot ni Isabel ang kanyang mukha. “Magpapasko at alam mo naman sa atin, kapag Pasko ay kailangan ang pera,” nag-aartistang sabi ni Isabel.
Saglit na nag-isip si Cipriano. Pagkuwa’y naunawaan niya ang ibig sabihin ni Isabel, “Gusto mong magpadala?”
“Kung makakakita ako ng part time job.”
“Ano namang trabaho ang nasasaisip mo?”
“Kahit ano. Sa fast food restaurants, sa donut shops…kahit ano.”
“Magkano naman ang inaakala mong maipadadala mo?”
“Kung makapagpapadala ako ng two hundred dollars buwan-buwan hanggang Pasko ay malaki ng tulong sa kanila iyon at maligaya na ako.”
“Pa’no ang pag-aaral mo?”
“Ok naman siguro. Iyon nga lang, maaring bumaba ang mga grades ko. Maari ring magkaroon ako ng “F”.
Saglit na katahimikan. Nag-iisip si Cipriano. “Pag-usapan natin bukas. Hamo’t iisipin ko kung ano ang mabuti nating gawin.”
MAY KARUGTONG
Ang Nakaraan:
·
GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 2)
·
GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 1)
Tweet