GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 2)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Ontario-Canada
October 22, 2017
SINABI ni Isabel kay Ric ang napag-usapan nila ni Mario.
Napahalakhak si Ric. “Bilib na ‘ko sa darling ko.”
“Teka muna, hindi ba fraud itong gagawin namin?” tanong ni Isabel. “Alam mo naman, nurse ako, at mahirap magkaroon ng criminal record. Baka kung magka record ako ay hindi ko na ma renew ang registration ko, e sayang.
“Hindi naman siguro dahil kung ikakasal kayo, legal naman iyon.”
“But it’s very dirty.”
“It’s dirty, but it’s legal. And it’s a dirty world.”
“Pa’no kung hindi bakla iyon at galawin niya ako.”
“Just enjoy it,” sabi ni Ric na tumatawa.
“Luko-luko. Akala ko ay mahal mo ako.”
“Nagbibiro lang ako.”
“Ikaw din. ‘Pag hindi bakla iyon at hindi pumayag na mag divorce kami, mawawalan ka ng magandang asawa.”
Muli, humalakhak si Mario. “Kailan ninyo gagawin iyon?”
“Balita ko ay uuwi siya sa katapusan ng Abril para narito sa Flores de Mayo para maging sagala. Noon namin siya kakausapin.”
Lalong lumakas ang halakhak ni Ric,” Para maging sagala. Baka transgender na iyon?”
“Malay ko.”
DUMATING si Isabel sa Toronto, hindi bilang nurse, kung hindi bilang fiancée. Walang pagpipilian ang pinsan ni Mario, si Ronaldo, kung hindi magpakasal sila ni Isabel at magsama.
Nadama ni Ronaldo ang bigat ng kanyang pinasukang pananagutan.
Nurse si Isabel sa Pilipinas ngunit hindi nangangahulugang nurse siya sa Ontario. Nagpa evaluate siya. Lumabas ang resulta at sinasabing kailangang mag-aral pa siya ng dalawang taon.
Wala siyang trabaho at alam niya na hindi siya tutulungan ni Ronaldo kung siya ay muling mag-aaral. Ayaw niyang magtrabaho at mag-aral sapagkat iyo’y nangangahulugan nang napakatagal na paghihintay at napakalaking sakripisyo. Nagpasiya siya na hahanap ng Sugar Daddy.
SA SALOON na pinapasukan ni Ronaldo, bilang beautician, ay dumating si Cipriano upang magpagupit at magpakulay ng buhok.
Tsismoso si Ronaldo at habang kinukulayan niya ang buhok ni Cipriano ay inuusisa niya ang personal na buhay nito.
“Nagpapabata yata kayo?” umpisa ni Ronaldo.
“Malungkot ang buhay ng nag-iisa. Alam mo naman, siyam na buwan ng patay ang Misis ko, baka maihanap mo ko ng kuwan. Alam mo na.”
“Marami riyan sa tabi-tabi.”
“Marami nga, pero wala akong matalisod. At saka iyong iba, napakabata para sa akin.”
“Hindi ba mas bata, mas maganda. Mas masabaw.”
Natawa si Cipriano. “Siguro. Kung hindi ako pababatain niyon ay papatayin ako.”
“Mabuti na iyong mamatay ka ng maligaya dahil siguradong sa langit ka mapupunta.”
Tawanan sila.
“Tutulungan mo ‘kong maghanap ng masabaw?”
“Hamo’t tutulungan kita.
NANG pauwi na si Ronaldo ng gabing iyon, sakay ng TTC bus, ay sumagi sa kanyang isipan na ito na ang pagkakataon para makawala siya kay Isabel, na alam niya na naghahanap ng Sugar Daddy. Ipakikilala niya si Isabel kay Cipriano, at kung magkakagustuhan sila ay idi divorce niya si Isabel.
Deretsahang sinabi ni Ronaldo kay Isabel ang kanyang plano,” Tutal, ang sa atin ay Marriage for Convenience kaya mabuti na rin kung alam mo ang aking plano. No hard feelings.”
“No hard feelings.”
SA ISANG beauty contest, na si Ronaldo ay isa sa mga hurado, ay pinagtagpo niya sina Cipriano at Isabel sa isang blind date.
Mukhang bata si Cipriano ng gabing iyon sa tulong nang bagong kakukulay na buhok. Sa edad niyang iyon na sinkuwenta’y nuwebe ay physically fit siya dahil sa kanyang paglalaro ng tennis, pagtakbo at pagsi swimming.
Seksi si Isabel ng gabing iyon. Kulay pula ang mini na suot niya. Wala itong manggas at nakayakap nang mahigpit sa kanyang katawan. Naka display ang kanyang maputi, bilugang mga hita. Manipis ang pahid ng lipstick sa kanyang mukha, ngunit nagbabaga ang kanyang mga labi sa pahid nang matingkad na kulay pulang lipstick. Malusog ang kanyang dibdib sa paggamit ng padded na bra.
Tapos na ang pagpili ng Reyna. Pinutungan na ng korona ang nagwagi. Ang sumunod ay ang gala night.
ANG unang pinatugtog ng DJ, bilang pagbubukas ng sayawan ay ang “Lady in Red ni Chris de Burgh.”
Maganda at romantiko ang musika. Tiningnan ni Cirpiano si Isabel. Tumingin si Isabel at nagkaunawaan ang kanilang mga mata. Tumayo si Cipriano at inabot ang kamay ni Isabel. Tumayo rin si Isabel. Lumakad silang magkahawak kamay patungo sa gitna ng bulwagan.
Nagsayaw sila sa saliw ng malambing na musika, na sa simula, si Cirpriano ay maingat at magalang. Hawak lampas balikat ng kaliwang kamay ni Cipriano ang kanang kamay ni Isabel. Nakayapos ang kanang kamay ni Cipriano sa baywang ni Isabel. Hindi pa magkadikit ang kanilang mga katawan.
Habang tumatagal ay nagkakalapit ang mga iyon at nakakaramdam ng pag-iinit ang katawan ni Cipriano. Unti unti na niyang kinakabig palapit sa kanya si Isabel. Hindi tumututol si Isabel. Pinadadama niya si Cipriano.
Nang nasa kalagitnaan na ng musika ay kinalas ni Cipriano ang pagkakahawak ng kanyang kaliwang kamay sa kanang kamay ni Isabel. Inilipat niya iyon sa kanang bahagi ng baywang ni Isabel at sinapo ng kanyang kanang kamay. Magkayapos ngayon ang kanyang dalawang kamay sa baywang ni Isabel.
Bilang pagpapaunlak sa ginawa ni Cipriano ay ipinalupot ni Isabel ang kanyang dalawang kamay sa leeg ni Cipriano.
Patuloy ang pag-iinit ang katawan ni Cipriano sa ginawa ni Isabel na naging dahilan upang hindi nila palampasing isayaw ang ano mang tugtog na malambing.
Sumabak din sila sa maharot na mga tugtog dahil si Cipriano, kahit na sincuenta’y nuwebe na, ay hindi pa laos sa larangan ng sayawan. At bakit nga ba hindi, sa kanilang salinlahi ay lumabas ang maraming mahaharot na mga tugtog at sayaw. Naroon sila sa bulwagan hanggang sa huling tugtog na masasabing sila ang nagsara ng sayawan.
Pasadong alas dose na nang matapos ang pagdiriwang.
MAY KARUGTONG
Ang Nakaraan:
GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 1)
Tweet