GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 1)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Canada
October 12, 2017
MAGKASINTAHAN sina Isabel, na kapapasa lamang ng Nursing at si Ric na isang IT Specialist.
Ambisyosa si Isabel. Kaya ng kanyang puso na gumawa ng mga kalokohan at gamitin ang ibang tao upang matupad ang kanyang mga pangarap ng hindi siya babagabin ng kanyang budhi. Ang kanyang kasintahang si Ric ay ganoon din. Ang sa kanila ay pakunwaring pagmamahalan at paggamit sa isa’t isa.
SILA, katulad ng maraming mga Pilipinong professionals, ay nangangarap na sa pinakamabilis na paraan ay makapag – abroad, na ang patutunguhan, kung sila ay masusunod ay sa States, sa Canada, o sa Western Europe.
Ngunit sa kasalukuyan, ang Immigration sa mga bansang ito ay mabagal, na kung sila ay mag-a-apply at pararaanin sa legal at malinis na pamamaraan, iyon ay nangangahulugan nang matagal na paghihintay, o dahil sa recession at sa dami nang walang trabaho sa nasabing mga bansa ay maari ring pansamantalang isara.
Masidhi ang pagnanasa ni Isabel na makaalis. Sawa na siya sa kinagisnang buhay. Nangangarap siya ng maluhong buhay – iyong buhay na de kotse; iyong buhay na nakapaglalakbay sa iba’t ibang panig ng daigdig sa pamamagitan ng sea cruises, river cruise, land tours; iyong buhay na sagana sa mga makabagong kasangkapan.
Gusto rin niyang tulungan ang kanyang mga magulang at ang dalawang nakababatang kapatid na si Pilar at si Oscar.
Nagmamadali siya na makamtan ang kanyang mga pangarap sapagkat sa kanya, ang buhay ay maikli, at maaring magwakas sa isang kisapmata.
MAY nanliligaw kay Isabel na isang guro sa kanilang bayan, si Mario. Isang araw na sila ay nag-uusap ay nabanggit ni Isabel ang kanyang pangarap.
“Kung sa Canada ka pupunta ay may sasapo sa iyo roon. May mga pinsan ako sa Canada,” sabi ni Mario.
“Saan sa Canada?”
“Sa Toronto, sa Vancouver, sa Montreal at sa Winnipeg.”
“Gusto ko sa Toronto dahil iyon ang sentro. Iyong pinsan mo sa Toronto, binata ba, o may pamilya?”
“Binata iyon. Hindi iyon mag-aasawa dahil bakla.”
“Ha?”
Biglang bigla ay may kumislap sa isipan ni Isabel. Maari niyang gamitin ang pinsan ni Mario para maging mabilis ang pagpunta niya sa Toronto.
SINABI ni Isabel kay Ric ang napag-usapan nila ni Mario.
“Magaling. Sagutin mo, tapos pa sponsor ka sa pinsan niyang bakla. Tapos, siempre ikakasal kayo. Pagkatapos ng mga isa o dalawang taon, i divorce mo at isponsoran mo ‘ko.
“Bilib na talaga ‘ko sa darling ko. Sa ganitong mga bagay, hindi madedehado.”
“Sa panahon ngayon, kailangang utak ang ginagamit, kung hindi, gutom.”
“Pa’no si Mario?”
“Magpahinog siya. Sobrang bait niya.”
“Di kawawa naman?”
“Sorry, pero talagang ganyan ang buhay.”
HINDI tipo ni Isabel si Mario dahil sa ito ay sobrang mabait, sobrang tapat sa tungkulin at gusto lamang ang simpleng pamumuhay. Alam ni Isabel na sa angking mga katangian ni Mario ay mahirap makamtan ang kanyang mga pangarap.
Gayuman ay sinagot ni Isabel si Mario.
ISANG araw, pagkatapos ng kanyang trabaho sa Provincial Hospital, ay sinundo ni Mario ng kanilang private jeepney si Isabel.
Bilang umpisa ng kanilang napag-usapan ni Ric ay sinimulan ni Isabel ang pagsasakatuparan nito, “Gusto ko, kung magkakatuluyan tayo ay sa Canada tayo manirahan,” sabi ni Isabel.
“Pa’no natin gagawin iyon. Balita ko ay sarado ang Immigration ngayon sa Canada. Isa pa, kung ako ang masusunod, ang simpleng pamumuhay ay sapat na. Kakaunti ang sakit ng ulo. Siguro naman, ang suweldo mo bilang nurse at ako bilang teacher ay sapat na para mabuhay tayo ng komportable.”
“Para sa akin ay hindi. Magkano lang ang magiging kabuuang suweldo natin. Paano kung magkaanak tayo ng isa, dalawa, o tatlo. Paano natin sila papag-aralin?”
Saglit na nag-isip si Mario bago sumagot.
“Ikaw ang bahala. Paano nga tayo makapupunta roon.”
“May naisip akong paraan para mapunta tayo roon.”
“Ano’ng naisip mo?”
Hindi kaagad sinabi ni Isabel ang kanyang nasasaisip. Gusto niyang palabasin na kung ano man ang kanilang gagawin, iyo’y bunga nang tamang pagtimbang kung tama nga o hindi. “Pag-isipan natin.”
Limang araw silang nag-isip at sa ikaanim ay tinawagan ni Isabel si Mario, “May idea ako.”
“Ano?”
“Hindi ko p’wedeng sabihin sa iyo sa telepono. Magkita tayo”
“Saan?”
“Sa dati nating tagpuan, sa Jolibee Restaurant.”
“Baka marinig ng mga tao ang ating usapan.”
“Hindi kung pupunta tayo roon ng alanganing oras, alas tres ng hapon halimbawa. At sa second floor tayo, sa pinakamalayong sulok.”
“Kailan?”
“Bukas.”
“Bye darling.”
“Bye sweetheart.”
SA pinagkasunduang lugar at oras, at sa pagitan nang madalang na pagsubo nang inorder na pagkain, sila ay mahinahong nag-uusap.
“Nabanggit mo na may pinsan ka sa Toronto na bakla?” umpisa ni Isabel.
“Oo.”
“Tamang tama.”
Tamang tamang ano? May iniisip ka?”
Ngumiti si Isabel – na ngiting demonyo. “Mayroon. Pero kung papayag ka lang?”
“Kung ipaliliwanag mo, pag-iisipan ko.”
“Ganitong gagawin natin. Makinig ka.”
“Nakikinig ako.”
Bumuntunghininga si Isabel bago nagpatuloy, “Ang pinsan mo kahit bakla, sa mata ng batas ay lalake iyon at binata. Ang gagawin natin, kung papayag siya, kunwari ay fiancée niya ako, at sapagkat fiancée ay iisponsoran niya ako.”
“Hindi papayag iyon. Straight iyon.”
“Financially, OK ba siya rito?”
“Hirap.”
“Gaano kahirap?”
“Apat silang magkakapatid, tatlo ‘yong nag-aaral pa. “’Yong sumunod sa kanya, nasa kolehiyo. ‘Yong susunod, magkokolehiyo na rin. ‘Yong bunso, first year high school.”
“Tamang tama, doon natin siya titirahin.”
“Ano’ng ibig mong sabihing titirahin?”
“Babayaran natin siya para isponsoran ako. ‘Yong kalahati, ibibigay natin sa simula; at ang pangalawang kalahati, ibibigay natin kapag dumating na ang visa ko.”
“Magkano naman ang nasasaisip mo?”
“Pag-isipan natin at saka kung saan tayo kukuha ng pera.”
APAT na araw ang kanilang pinalipas bago sila nag-usap sa dating lugar.
“Sa palagay mo ay magkano?” tanong ni Mario.
“Sa umpisa, mababa muna. Babaratin natin. Sincuenta mil halimbawa. Beinte sinco sa umpisa, Beinte sinco pag dumating na ang visa ko.”
“Kung hindi pumayag dahil mababa?”
“Talagang hindi papayag iyon. Ang gagawin niyon, magka counter offer. Sasabihin niyon, masyadong mababa. Pag sinabi niya iyon, ibig sabihin interesado siya. Sasabihin natin, magkanong gusto mo? Sa palagay ko, sasabihin niya; Doblehin niño”
“Ano’ng isasagot natin?”
“Magsalubong tayo sa gitna. Otsenta mil, halimbawa.”
“Ikaw talaga.”
“Ikaw naman para kang hindi kuwan… At saka ang buhay ngayon, kailangang gamitin mo ang utak. Pag hindi mo ginamit, gutom.”
MAY KARUGTONG
Tweet