Pura Santillan-Castrence: Diplomat at Lingguwista
Ni Renato Perdon
Sydney, Australya
January 15, 2015
Si G. Perdon ay nagbigay ng napakahusay na interbyuu at si Bb. Buenaventura naman ay nagpamalas ng pagsuporta sa kaniya. Matapos kung marinig ang interbyu, lalo akong nagkaroon ng mas malawak na pananaw tungkol sa nasabing aklat.
Habang malinaw ang pakay ng awtor na gawing nakakatawa ang titulo ng kanyang aklat, ito ay nagbibigay ng suporta sa pagkakaroon ng malinaw na unawaan ang dalaweang bansa, ang Australya at ang Pilipinas, at ang mga mamamayan nito, at ang aklat ay nagtataguyod sa malawak na pinag-uusapang isyu ng multikulturalismo.
Ang kanyang gawain ay isang mananalysay (at ang kanyang kasalukuyang trabaho ay isang arkibero or archivist) at maliwanag na nakikita sa kanyang aklat na tumatalakay sa buhay ng mga Pilipino na nandarayuhan at naninirahan na sa Australya ng matagal na panahon at sa huli itinuring nila ito ang bagong bansang kanilang tirahan.
Ang katotohanan ng mga tinalakay ng awtor at ang kanyang paglalarawan sa mga katangian ng mga Pilipino ay nagbibigay na malinaw ang kanyang layunin na maunawaan ng ibang tao ang mga gawi ng mga taong tinawag niyang ‘brown Americans.’
Nagbigay din siya ng mga may kaugnayang mga kaalaman tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas na alam niya na makakatulong sa mga babasa ng aklat na maunawaan ang Pilipinas.
Sa kabuuan, ang aklat ay isang pagsusumamo para sa magkatugmang pang-uunawa ng mga taong nagmula sa iba’t ibang lahi, at ito ay napapanahon na ambag sa mahusay na hangarin ng prinsipyo ng multilturalismo’.
Ang desisyon ko na isulat ang talambuhay ni Pura Santillan-Castrence ay hindi samjo ng kanyang natatanging pagrerebyu ng aking aklat na
Brown Amercians of Asia, kundi para sa akin at sa mga makakabasa ng talambuhay niya ay masasabing napapanahon na upang buhay ng isang makabayan na tulad ni Pura Santillan-Castrencey dapat malaman ng nakararami sa ating mga Pilipino, hindi lamang sa mga naninirahan bilang migrante sa Australya, kundi pati na rin sa ating sariling bansa na tinatwag ni Nanay Pura na ‘the old country.’
Mapalad ako sa aking naging trabaho bilang mananaliksik ng kasaysayan at may natatanging interes sa kasaysayan na mag-karoon ng pagkakataon na maging kaibigan ng mga taong ang kanilang mga nagawa noong nabubuhay pa sila ay nagkaroon ng kahalagahan sa bayang aking sinilangan. Ang aking tinutukoy ay sina Propesor Teodoro A. Agoncillo, mananalaysay; Emilio Aguilar Cruz, editor, manunulat at embahador ng Pilipinas sa UNESCO; Dr. Domingo Abella, isang mediko at mananalysay; Dr. Sixto Roxas, isang Rizalista; Padre Horacio de la Costa, isang mananalaysay; at Propesor Esteban A. de Ocampo, isa ring Rizalista, na sa maraming kaparaanan ay nagbigay ng inspirasyon sa akin upang maging isang mananaliksik ng kasaysayan, at ang mga bagay na karaniwan nating hindi binibigyan ng kahalagahan – ang pamana ng ating lahi at kultura.
Ang mga taong ito ay nasa kabilang buhay na ngunit ang mga naiwan nilang kontribusyon sa ating kultura ay buhay pa at kailangang pasalamatan ng bawat Pilipino.
Isa pang tao na aking iginagalang at hinahangaan, at binibigyan ng respeto dahil sa kanyang mga nagawa para sa pagpapayaman ng pamana ng ating lahi at kultura, kasama na ang kanyang walang pagod na pag-aalala sa ating bansa na tinawag niya ‘ang lumang bayan’ – ang Pilipinas.
Ang taong aking tinutukoy ay isang dakilang babae na nag-iwan ng mahahalaga at matibay na tatak ng panitikang Pilipino, pamamahayag, at sa kasaysayan ng diplomasya ng Pilipinas. Mananatili siyang tagapagpagunita kung paano maging isang tunay na Pilipino ang isang Pilipino. Yumao siya sa gulang na 101 noong 15 Enero 2007, kulang ng ilang linggo bago dumating ang kanyang 102 araw ng kaarawan.
Nakatakda akong dalawin siya ng Nobyembre ng taong iyon. Ang babaeng ito na natutuhan kong pahalagahan, hangaan, ituring na hindi iba sa akin dahil sa kababaan ng kanyang loob, kahit na siya ay naging tanyag at nagkamit ang mga pagkilala sa mga gawain na bibihira sa ating mga Pilipino ang nakakamit, naging isang matalik na kaibigan ko siya, kahit na magkalayo ang aming tirahan, siya sa Melbourne nakatira noon at ako naman ay nakatira sa Sydney.
Nang taong iyon na siya ay namayapa, ang kabuuan ng naiaambag ng kanyang buhay sa ‘lumang bayan (old country)’ ay nakatakdang bigyan ng parangal ng isang tumatanaw ng loob na bansa nang ang Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining ay nagpasiya na igawad sa kanya ang Gawad ng
Dangal ng Haraya, isang gawad para sa mga nagawa niya sa buong buhay niya.
Para sa akin, ang gawad ay hindi nahuli kahit wala na siya. Dalawang linggo bago siya yumao, nalaman niya ang tungkol sa nabanggit na Gawad ng NCCA. Kaya, gumawa pa siya ng kaniyang pagtanggap sa nabanggit na Gawad at ipinadala niya ito sa NCCA sa pamamagitan ng awtoer na ito. Ang hindi niya alam ay hindi na niya mahahawakan pa ang medalyon at maririnig ang teksto ng pagkilala sa kanyang mga nagawa para sa kanyang bayan.
Ang huling araw na nakita ko siya ay noong ipagdiwang niya ang kanyang 100 taong kapanganakan noong 2005. Makaraan ang nabanggit na mahalagang okasyon, nagpatuloy kami sa aming ugnayan, kalimitan sa pamamagitan ng telepono. Ako ay lugod na nasiyahan sa pagpapalitan namin ng mga ideya, lalo na ang tungkol sa kanyang kolum sa
Bayanihan News, ang pahayagan ng mga Pilipino sa ipinamamahagi sa buong Australya.
Naalaala ko pa ang isang kolum na kaniyang sinulat at kung paano niya ipinaliwanag sa akin ang kahalagahan ng mga detalye na nais niyang iparating sa mga nagbabasa ng kanyang kolum. Makaraan ang mahigit sa dalawang oras na pag-uusap, napagtanto ko ang dahilan kung bakit hindi siya nag-aplay na maging mamamayan o ‘citizen’ ng Australya at ipinagpatuloy niya ang pagiging mamamayan ng Pilipinas hanggang sa huling sandali ng kaniyang buhay. Walang hangganan ang kaniyang pagmamahal sa kanyang bayang sinilangan. Isa siyang tunay na Pilipino, sa isip at sa gawa.
Tinutukoy ng nabanggit na kolum ang isang insidente na nangyari sa kanyang buhay noong pananakop ng mga Hapon na kanyang binanggit sa isang artikulong pinamagatan niya na ‘Pangangailangan at Sagot’ (Need and Response). Siya noon ay nagsisimula pa lamang sa kanyang karera bilang diplomat sa isang tanggapan ng gobyerno na sa huli’y naging Kagawaran ng mga Ugnayang Panglabas (DFA) sa distrito ng Ermita, Maynila. Matapos ang oras ng kanyang katungkulan sa nabanggit na tanggapan, siya ay nagtuturo ng wikang Pranses sa dating UP Padre Faura.
Sinabi niya sa akin na matapos ang kanyang pagtuturo, naglalakad lamang siya pauwi ng kanilang tahanan, ngunit kaysa gamitin niya ang mas madaling daan pauwi, nilalakad niya ang mas maligoy na daan dahil iniiwasan niya ang mga kanto ng kalye. Nang itanong kung bakit, sinabi niya na sa bawat kanto ng madaling daanan pauwi, may mga Hapon na nakatalaga sa mga sentri na kung saan ang mga Pilipino ay kailangang sumaludo.
Idinagdag niya na mas pipiliin na niya ang maglakad ng dagdag na milya, kaysa sumaludo sa mga banyagang nananakop sa kanyang bansa. Sinabi niya sa akin na iyon ang kanyang paraan upang gayahin ang estilo ni Gandhi sa pagprotesta sibil, na alam niyang ginagawa niya.
Bilang kaibigan at tagahanga, isang karangalan para sa akin na makadalo sa kanyang ika-100 taon ng kapanganakan, isang napaka-halagang bagay sa kanyang buhay. Para sa akin, isang malaking karangalan na maibilang sa tinatawag niyang malalapit na mga kaibigan, at personal na ipinakilala sa pamilya Castrence. Apat sa kanyang mga anak ay dumating mula sa ibayong dagat upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan, kasama na ang maraming apo niya na nakatira sa Australya. Ang kanyang anak na si Ricardo, na nasa Pilipinas, at ang isang anak na si Sylvia na nasa Estados Unidos, ay tumawag na sa kanilang ina at binati ang butihing babae sa napakahalagang araw na iyon.
Ang mga sinulat at nagawa ni Pura Santillan-Castrence ay nalaman ko noon pa mang ako ay naglilingkod pa sa Pilipinas bilang administrador kultural at mananaliksik ng kasaysayan sa Pambansang Suriang Pangkasaysayan (NHI). Ang NHI noon ay pinamumunuan ni Propesor Esteban A. de Ocampo, ang kanyang balae, dahil si Prop. de Ocampo ang ama ni Embahador Susan Castrence, ang asawa ni Ricardo Castrence, bunsong anak ni Gng. Castrence.
Kilala ko rin ang marami niyang mga sanaysay sa Ingles na lumabas sa
Philippine Prose and Poetry, ang teksbuk sa mataas na paaralan na ginamit namin noon sa klase sa Ingles sa Pilipinas. Ang kanyang mga sanaysay ay ilan lamang sa mabibilang na paborito ko sa panitikang Pilipino sa Ingles, dahil sa estilo ng kaniyang pagsulat.
Nasa unang bahagi ng taong 1980 – nakapagretiro na siya sa gobyerno – nang makadaupang palad ko siya at makilala ng personal. Siya noon ay nagsasalin ng mga aklat tungkol sa Pilipinas na nakasulat sa Pranses na itinalaga sa kanya ng NHI. Noong magdesisyon akong magmigrante sa Australya dakong huli ng taong 1988, nakadaupang palad kung muli siya sa pamamagitan ng dating
The Filipino Herald, isang pahayagan sa Komunidad Pilipino sa Sydney na pinamamahalaan ni Vilma Tuaño, na kung saan kami ay nagpapadala ng aming mga artikulo.
Noong lumabas ang
Bayanihan News noong 1999, hiniling sa kanya ng editor at pabliser nito na sumulat siya ng mga sanaysay para lamang sa
Bayanihan News dahil ang iba niyang mga sinulat na sanaysay ay inilalathala na sa Estados Unidos at ng dalawa pang pahayagan sa Australya.
Siya noon ay 94 taong gulang na at may kapansanan sa pandinig at hindi na nakakakita, ngunit pumayag pa rin siya na gumawa ng mga bagong sanaysay para lamang sa
Bayanihan News. Ang pahayagan noon ay nagpapalaki pa ng bilang ng mga mambabasa nito, lalo na ang mga hindi pa nakakakilala sa kanyang mga sinulat.
Nagulat ako na malaman na kahit na sa huling mga taon ng kanyang buhay, napanatili niya ang kanyang natatanging estilo sa pagsulat o interpretasyon ng mga nangyayari sa kanyang kapaligiran at ang mga nakaraang pangyayari, pero malinaw pa niyang naaalaala. Nawiwili akong makipag-usap sa kanya kapag tumatawag siya sa akin mula sa Melbourne o tinatawagan ko siya mula sa Sydney upang pag-usapan ang mga sanaysay na kanyang ipinadadala sa
Bayanihan News.
Ang malaking dahilan kung bakit hindi siya nakapagsulat ng maraming sanaysay sa limang taon na pagsusulat niya sa pahayagan ay ang kanyang kalagayan na itinuturing na siyang legal na bulag at mahina na ang pandinig.
Mabuti na lamang, si Gina Lytras, ang kanyang tapag-alaga sa Melbourne ay pumayag na tumulong na isulat ang mga sanaysay na kanyang sasabihin at kahit na mahirap ang ganoong katayuan, nais pa rin niyang maiparating sa kanyang mga mambabasa ng pahayagan ang kanyang mga ideya at obserbasyon tungkol sa buhay. Ang kolaborasyon na iyon ay tumagal hanggang sa unang bahagi ng taong 2006 nang ipangako ko sa kanya na ilalathala ko ang kanyang mga artikulo bilang isang aklat na magsisilbing pamana niya sa mga nagbabasa ng kanyang mga artikulo.
Para sa akin, ang pagkalathala ng pinagsamang mga sanaysay na sinulat niya sa
Bayanihan News bago siya binawian ng buhay ay napakahalagang bahagi ng kanyang buhay bilang awtor at mamamahayag. Ginamit ng libro ang titulo ng kanyang kolum sa
Bayanihan News at ito ay tinawag na
As I See It: Filipinos and the Philippines (
Sa Aking Paningin: Mga Pilipino at ang Pilipinas).
Ang kanyang mga tagahanga ay natuwa sa paglabas ng kanyang pinakabagong libro at hindi nila akalain na iyon na ang pinakahuling libro nito. Isa sa kanyang nakasama sa pagsusulat ay nagsabi: ‘Ang kanyang mga pananaw ay maaaring simple lamang, ngunit nagsisilbi itong mitsa sa patuloy na pagtatalo tungkol sa kung ano ang sakit ng pamayanang Pilipino.’ Nabanggit din na ang kanyang mga sinulat ay nagsasabi ng kanyang mga damdaming makabayan at ang kanyang hindi matinag na pananalig sa mga mamamayang Pilipino.
Pinuri naman ni Propesor Randy David ang kanyang huling aklat at sinabi: ‘Mula sa pananaw na ginagamit ni Pura Santillan-Castrence sa pagsulat tungkol sa kanyang bayan ay katangi-tangi. Siya ay 100 taong gulang, nakatira sa labas ng bansa, at bulag na ng maraming taon ngayon. Ngunit ang kanyang mga sinusulat ay nagmumula sa kanyang mahusay na alaala o gunita at hindi mapapasubalian. Sinusulat niya na may kulay ang tungkol sa Pilipinas at isang mahusay na manunulat na Pilipino na nakaranas ng mga dakilang panahon at may katalinuhan ng isang propeta na nakikita ang darating na mangyayari.’
Isa namang miyembro ng akademiko, si Dr. Mina Roces, ng Paaralan ng Kasaysayan, Pamantasan ng New South Wales sa Sydney, ang nagsabi na itinuturing niya ang libro ni Castrence na isang ‘Kuwento ng buhay na kung saan ang isang may sariling pagmumuning 100 taong gulang na babae ay naipa-parating pa rin sa kanyang mga mambabasa ang nasa isipan, sa pamamagitan ng sariling pagmu-muni sa kanyang karera, edukasyon at bilang magulang.’
Itinuturing din ni Dr. Roces na mahalaga ang nabanggit na aklat dahil ‘nailalarawan ng awtor (isa siyang babaeng tagapagta guyod ng karapatan ng mga babae na makaboto) ang mga maliliit na pangyayari ng buhay sa Pilipinas bago dumating ang ikalawang digmaang pandaigdig at talakayin sa pamamagitan ng kanyang karanasan, halimbawa, kung ano ang Karnabal ng Maynila, o kung paano nagdedesisyon ang mga titser at mga magulang para sa pansariling kagustuhan sa buhay.
Ang mga karanasang ito bago dumating ang ikalawang digmaang pandaigdig sa Pilipinas ay natatangi at mahalaga para sa mga mananalaysay at mga Pilipinista na mahilig sa mga naratibo ng nakaraan.’
At isa pang tagahanga ni Dr. Castrence, si Dr. Nicanor G. Tiongson, Dekano ng Kolehiyo ng Audio-Biswal ng Komunikasyon, Pamantasan ng Pilipinas, ang nagsabi: ‘Sa kanyang 100 taong kapanganakan, wala nang mabuting parangal kay Pura Santillan-Castrence, nangungunang peminista o naniniwala sa katangian ng babae at respetadong manunulat, kundi ang paglalathala ng kanyang pinakahuling mga artikulo, karamihan sa mga ito ay mahahalagang saksi ng mga nangyari at mga tauhan na di-mapag-aalinlanganan sa kasaysayan ng Pilipinas.
Bukod pa, ang aklat ay isang mahusay na katibayan na ang kaisipan ng tao ay maaaring magtagumpay laban sa edad at kapansanan upang maiparating sa kabataang henerasyon ang mga pananaw na halaw sa buhay na dinaanan ng wasto at mabuti.’ Kaya ang tinipon na kanyang huling mga sinulat ay hindi pa huli, tulad ng sinabi ng isang bayograper niya noong huling bahagi ng 1960, nang ilarawan nito ang kahalagahan ng panitikan ni Castrence bilang isang taong mayroong ‘kaganapang-gulang, mayaman sa karanasan at pinagmulan, isang paniniwala sa buhay at isang estilo na mabisa at naibabagay.’
Si Pura Santillan-Castrence ay ipinanganak sa Sta. Mesa, Maynila noong 24 Marso 1905 sa mag-asawang Gregorio Santillan at Encarnacion Sandiko (Sa taong ito gugunitain ang kanyang ika-110 taong kapanganakan). Ginugol niya ang kanyang kabataan sa Bulakan ngunit nag-aral ng elementarya at mataas na paaralan sa sistema ng paaralang pampubliko ng Maynila. Nagtapos siya sa Pamantasan ng Pilipinas na kung saan natapos niya ang B.S. sa Parmasya noong 1925 at ng kanyang M.A. sa Kimistri noong 1929. Nagpatuloy siya sa kanyang pag-aaral, bilang isang Iskolar Barbour para sa kanyang Doktor sa Pilosopiya sa Pamantasan ng Michigan na kung saan tinutukan niya ang pag-aaral ng mga wika. Nang bumalik siya sa Pilipinas, ipinagpatuloy niya ang kanyang pagtuturo sa Pamantasan ng Pilipinas.
Siya ay isang lingguwista at sanay sa Kastila, Pranses, Aleman, Italyano at Ingles, lalo na sa wikang Tagalog. Bilang manunulat sa Ingles, si Castrence ay nahirang na ‘Pinakatanyag na Babaeng Manunulat sa Ingles noong 1949 ng Civic Assembly of Women at ang ‘Pinakabantog na Manunulat noong 1957 ng Far Eastern University.’ Iba’t iba pang mahahalagang pagkilala at gawad ang sumunod. Tumanggap siya ng Smith-Mundt Leadership noong 1957 at naging miyembro ng pinagpipitaganang
Akademya ng Wikang Pambansa.
Bilang isang diplomat, isa siya sa mga nanguna sa larangan ng diplomasya sa Pilipinas sa Tanggapan ng mga Ugnayang Panlabas, sa totoo lang, siya ang unang babaeng naging ministro ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA). Naitaas siya sa tungkulin sa DFA, dahil sa kanyang trabaho at kasiyahan sa sarili na maglingkod sa bayan. Hindi nagtagal siya ay nagkaroon muli ng promosyon sa trabaho at naging minister na tagapayo siya sa Alemanya, at sa huli naging Pangalawang Kalihim para sa mga suliraning pangkultura ng DFA, na may ranggong embahador hanggang siya ay magretiro sa paglilingkod sa pamahalaan noong 1970.
Hindi mapapasubalian, bilang manunulat, na naiambag niya ang kalidad sa kanyang mga sinulat sa pinakamataas na antas. Noong 1967, ang isang maikling talambuhay niya ay lumabas sa
Women of Distinction at ang sumulat nito, si Conchita Faustino-Villena. Tinalakay nito ang mga katangian ng kanyang mga ginawa sa panitikan at nagsabi: ‘Bilang manunulat ng mga sanaysay, binibigyan niya ng kalidad na parang buhay ang kanyang trabaho sa pinakamataas na antas. Siya ang nagsimula ng modelo at pamantayan, hindi sining, kung hindi realidad. Dahil sa kanyang realismo, nag-iwan siya ng tatak sa buhay ng mga Pilipino, lalo na sa kababaihan.
‘Bilang kolumnista, ginawa niya na ang kanyang kolum na magsasalamin ng patuloy na pagpapalit ng mga mga anyo ng mabilis na takbo ng kasalukuyang panahon, dahil dito, nagiging mahalaga ang kanyang mga sinulat dahil naiaakma niya ang mga pangkasalukuyang isyu sa panahon ng kanyang sinulat ang mga ito. Ang kanyang mga kolumn, na hinawakan niya sa loob ng wastong pamamahayag, ay nakatulong ng malaki sa kabutihan ng karamihan hindi lamang naging mayamang pinagkukunan ng entertainment, pagpapatawa, at kawili-wiling pagbabasa.
‘Bilang kritiko, marami siyang nagawa sa kabutihan ng bayan, dahil siya ay mayroong matinding pagkamulat sa takbo ng buhay. Bilang isang mamamahayag, hindi siya natakot na isiwalat ang kasamaan at katiwalaian ng kanyang panahon at matapang niyang tinawag ang pansin ng bayan tungkol sa mga bagay na dapat ayusin.’ Ang parangal na ito ay sinulat noong 1967, nang siya ay 62 gulang pa lamang. Kaya maaari nating isipin ang dami at kahulugan ng kanyang nagawa sa mga sumunod na apat na dekada ng kanyang buhay bago siya namaalam sa kanyang minahal na Pilipinas.’ Paalam iginagalang kong kaibigan.
Tweet