Propesor Esteban A. de Ocampo: Rizalista at Mananalaysay
Ni Renato Perdon
Sydney, Australia
January 13, 2015
Nag-aral siya sa Mataas na Paaralan ng Cavite at noong 1926, tumanggap ng kanyang diploma para sa kanyang Sertipiko para sa Katulong sa Sining (Associate in Arts) at Ph.B mula sa Pamantasan ng Pilipinas noong 1928; Batsilyer sa Edukasyon sa Pamantasang Nasyonal (National University) noong 1931 at MA sa nasabing pamantasan noong 1947; at Ll.B sa Pamantasan ng Manuel L. Quezon noong 1948.
Nagsimula siya bilang isang titser noong 1931 at nagturo rin sa iba’t ibang mataas na paaralan sa Cagayan, Surigao, Leyte, at Cavite hanggang 1945. Noong sumunod na taon, nagturo siya sa Kolehiyo ng San Beda College hanggang 1953, habang patuloy ang pagtuturo niya sa Pamantasan ng Pilipinas, University of the East, Pamantasan ng Centro Escolar, Kolehiyo ni Chiang Kai Shek, at Pamantasan ng Far Eastern at Manuel L. Quezon na kung saan nagturo siya sa Paaralang Gradwado. Naging lektyurer din siya sa Western College sa Ohio, U.S.A. noong 1964-1965 bilang iskolar ng Fullbright-Hays. Dumalaw din siya sa Hapon, Taiwan at Hong Kong at noong 1972 dumalaw siya sa Tsina upang pag-aralan ang sistema ng edukasyon at ang uri ng buhay ng mga tao sa nasabing bansa. Tumanggap din siya ng may bayad na paglalakbay sa Estados Unidos. Noong 11 Pebrero 1955 naging pandangal na mamamayan siya ng New Orleans, Louisina.
Si Propesor de Ocampo ay naging punong mananaliksik ng Pambansang Komisyon sa Sentenyal ni Jose Rizal (National Jose Rizal Centennial Commission), miyembro ng Pambansang Komisyon ng mga Bayani (National Heroes Commission) at ng Komite ng Pilipinas sa mga Makasaysayang Pananda (Philippine Historical Markers Committee). Bilang pagkilala sa pinakamahusay na kontribusyon niya sa kasaysayan, binigyan siya ng
Gawad Sentenyal ni Rizal ng Order of Knights of Rizal sa pananaliksik at pagsusulat tungkol sa pambansang bayani noong 1961 at ng
Republic Cultural Heritage Award ng pamahalaan ng Pilipinas para sa pagsusulat ng kasaysayan at mga bayaning Pilipino tulad ni Rizal, Aguinaldo at iba pang mga bayani at pagpapalaganap ng kasaysayan sa mga Pilipino noong 1970.
Siya ay nahirang naTagapangulo at Patnugot Tagapagpaganap ng Lupon ng Pambansang Komisyon ng Kasaysayan (NHC) noong 1971 hanggang ang Komisyon ay buwagin at itatag ang Pambansang Suriang Pangkasaysayan (NHI) noong 1972 nang magkaroon ng reorganisasyon ang pamahalaan. Siya ang nahirang na Tagapangulo at Patnugot Tagapagpaganap ng bagong ahensiya ng gobyerno hanggang 1981 nang siya ay magretiro. Sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang puno ng NHI, sinimulan niya ang pananaliksik sa mga Pag-aaral sa Muslim, kasama na ang mga programang pang-alaala ng ika-600 taong anibersaryo ng Islam sa Pilipinas noong 1980. Ang iba pang nagawa ni Propesor de Ocampo sa panahon ng kanyang panunungkulan ay ang preserbasyon ng mga lumang dokumento mula noong ika-18 Siglo; ang Pagtatanghal Pangkasaysayan sa Tren (Rolling Historical Exhibits) mula sa Maynila hanggang sa San Fernando, La Union noong 1975-76; ang pang-alaalang selebrasyon ng ika-100 taong kapanganakan ni Presidente Manuel L. Quezon noong 1978 at ang paglilipat ng kanyang mga labi mula sa Hilagang Sementeryo at inilipat ito sa Dambanang Pang-alaala kay Quezon, Lungsod ng Quezon, noong 1979. Sa panahon din ng kanyang panunungkulan nang simulan ang pagbibigay ng halaga sa kasaysayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng
Linggo ng Kasaysayan na isinasagawa taon-taon; ang pamamahala sa
Paglalakbay Makabayan o Historical Tour, ang pag-aaral at paglalagay ng mga palatandaang pangkasaysayan sa mga makasasayang pook sa Pilipinas, at ang pang-alaalang selebrasyon ng ika-100 taong kaarawan nina Presidente Sergio Osmeña at Jaime de Veyra, isang iskolar, at iba pa.
Bago siya nahirang na tagapangulo at patnugot tagapagpaganap ng NHC, si Propesor de Ocampo aktibong miyembro ng iba’t ibang samahan sa sining, kultura at agham tulad ng Philippine Booklovers Society at ng Pambansang Samahan Pangkasayan ng Pilipinas (PHA) na itinatag noong 18 Setyembre 1955. Kasama ni Propesor de Ocampo sa pagbuo ng PHA ang mga pinagpipitaganang mga mananalaysay ng panahong iyon sina Dr. Encarnacion Alzona, Gabriel Fabella, Gregorio F. Zaide, Nicolas Zafra, Celedonio Resurrecion, Dr. Domingo Abella, at Teodoro A. Agoncillo. Si Propesor de Ocampo ay naging pangulo ng PHA noong 1960, 1963-1964; 1969; at 1970.
Ang layunin ng PHA ay isulong ang pagpapayaman ng kaalaman at pag-aaral ng kasaysayan; pangungulekta at preserbasyon ng mga relikya, manuskrito, dokumento at iba pang bagay na nauukol sa Pilipinas; at pagsasagawa ng mga gawain upang palaganapin ang mga gawain at layunin ng samahan.
Si Propesor de Ocampo ay nakapagsulat na ng maraming aklat, mga polyeto at artikulo, karamihan ay tungkol sa kasaysayan at Jose Rizal. Naging editor at pabliser siya ng
The Filipino Teacher at nagbigay ng panayam sa iba’t ibang pagpupulong at miting tungkol sa mga dakilang bayani ng Pilipinas tulad ni Rizal, Bonifacio at Aguinaldo. Nagkaroon din siya ng arawang kolum sa dalawang pambansang pahayagan noong sentenaryo ng kapanganakan ni Dr. Rizal noong 1961 at ni Heneral Emilio Aguinaldo noong 1969.
Tweet