MUNTING NAYON
30 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by couple Eddie Flores and Orquidia Valenzuela.
Last Update: Wed Nov 14 2018
MUNTING NAYON
30 years
of
Community Service
News and Views
of the
Filipino Community Worldwide
Munting Nayon (MN), an online magazine, is home to stories and news about our Filipino compatriots scattered around the world.
MN is operated by couple Eddie Flores and Orquidia Valenzuela.
Last Update: Wed Nov 14 2018
MUNTING NAYON
30 years of Community Service
×
Kuwentong Bayan

Ang Mutya ng Ilog Pasig


Sa muling pagsasalaysay ni Manny G. Asuncion
Larawang- guhit ni M.G. Asuncion
Melbourne-Australia
September 7, 2014




Ang makisig na binatang ito na tatawagin nating Rodrigo ay nakatira sa kabilang ibayo ng Pasig na kilala ngayon sa tawag na Quadalupe. Noon ay wala pang tulay na siyang nagdurugtong sa dalawang pampang kayat para makarating si Rodrigo sa pinipintuho ay kailangan niyang sumakay ng bangka.

Samantala, lingid kay Rodrigo, isang magandang sirena ang lihim na umiibig sa kanya. Ito ay si Mutya. Isa sa siyam na anak ni Haring Bangkusaw , ang hari ng mga siyokoy at mga sirena sa Ilog Pasig.

Araw-araw, lihim na sinusubaybayan ng magandang sirena ang binata. Mula sa malayo, buong pagmamahal niyang pinagmamasdan ang makisig na lalaking kanyang pangarap sa buhay.

Ang kanyang pusoy nginangatngat nang matinding panibugho sa tuwi niyang makikitang masayang nag-uusap ang dalawa sa balkonahe na nakaharap sa pampang ng ilog.

Ang kanyang mga kapatid na sirena ay nagpayo sa kanya na kalimutan na ang binatang ito sapagkat totoong magkaiba ang kanilang daigdig. Subalit hindi nakinig ang dalaga sa payo ng kanyang mga kapatid. Bagkus, patuloy pa rin niyang sinusubaybayan ang makisig na binata sa tinutuluyan nitong kuwartel . Talagang masayang-masaya siya sa tuwing makikita niya si Rodrigo.

Tinanggap ni Luisa ang pag-ibig ni Rodrigo. Subalit tumutol ang kanyang mga magulang at mga kapatid. Hindi nila gusto ang Kastilang binata para sa dalaga. Pinakiusapan nilang kalimutan na ni Luisa si Rodrigo at ibaling ang kanyang pag-ibig sa kauri. Pinagbantaan pa siya ng kanyang ama na ilalayo siya sa lugar na iyon kung magpupumilit siya sa kanyang pag-ibig. Sinabi nilang hindi liligaya si Luisa pagkat magkaiba ang kanilang lahi.

Bagamat labag sa kanyang kalooban, sinunod ni Luisa ang utos ng kanyang mga kamag-anak. Sinabi niya kay Rodrigo na kalimutan na siya at ibaling na lamang sa iba ang pag-ibig. Ganun na lamang ang pagkabigla ni Rodrigo sa dagliang pagbabago ng dalaga. Alam niyang may pag-ibig din ito sa kanya. Di niya mapapayagang mapawalay pa sa kanya ang minamahal. Sa kapipilit ng binata napilitang ipagtapat ni Luisa ang tunay na dahilan. Nagpasya si Rodrigo na itanan ang dalaga. Tatakas sila at magpapakalayo-layo sa pook na iyon.

Subalit ang lahat ng itoy narinig ni Mutya na nooy lihim na nagkukubli sa malagong halamang-tubig. Lalong sinaklot nang matinding panibugho ang kanyang puso sa gagawing pagtatanan ng dalawa. Kailanman ay di maaaring maangkin ng iba si Rodrigo. Ang binata ay sa kanya lamang at walang sinumang mag-aangkin. Kamatayan lamang ang maaring maglayo sa kanya at sa binata.

Nang gabing iyon ay napakasungit ng panahon. Sagsag ang tagas nang malakas na ulan at sinasabayan pa nang nakatutulig na dagundong ng kulog at hagupit nang matatalim na kidlat. Nakaantabay na si Rodrigo sa pampang ng ilog upang sunduin ang katipan. Mula sa liwanag ng matalim na kidlat ay naaninaw niya ang nahihintakutang dalaga na dala-dala ang nakabalot na ilang pirasong damit. Agad silang sumakay sa nakaabang na bangka sa gitna ng umaalimbukay na daluyong ng panahon. Nag-aalimpuyo ang hampas ng mga alon na animoy nananaghoy sa nalalapit na kasawian. Bumabat tumaas ang munting bangka na tila isang yagit na sinisiklut-siklot lamang ng dambuhalang alon . Napayakap si Luisa sa minamahal na kasintahan sa malaking pagkatakot.

Si Mutya na siyang saksi sa lahat ng itoy halos baliw na humahalakhak sa sindak na sumasapuso ng magsing-irog. Kailangang mawala si Luisa para mapasakanya si Rodrigo. Ito na ang pagkakataong hinihintay niya!

Mabilis na sumisid ang sirena sa kinaroroonan ng bangka at ubos lakas na itinaob ito. Tuloy- tuloy na bumulusok ang magsing irog sa madilim na kailaliman ng ilog. Sinamantala naman yon ni Mutya at dagli niyang dinagit ang walang-malay na katawan ng binata. Subalit sa kasamaang palad, sa pag-ahon niya sa tubig, isang rumaragasang alon ang mabilis na tumangay sa katawan ni Rodrigo at nawala ito sa kalaliman ng nagaalimpuyong ilog. Nagulumihan si Mutya. Hindi niya makita si Rodrigo. Taranta siyang sumisid muli sa kailaliman ng ilog upang hanapin ang katawan ng binata. Maraming beses siyang sumisid pero talagang hindi niya ito matagpuan. Patuloy pa rin ang pagsusungit nang panahon na siyang piping saksi sa malagim na pangyayari.

Nang halos wala na siyang pag-asa pang makita ito, nakita niyang lumulutang-lutang na ang walang buhay na katawan ni Rodrigo. Mabilis niyang dinala ito sa pampang. Masuyong hinagkan, hinaplos ang maamo nitong mukha. Niyakap nang mahigpit - sa pagbabakasakaling pagsaulian pa ito ng buhay. Ngunit talagang patay na si Rodrigo.

Nagugulumihanang pinagmasdan niya ang lalaki. Muling hinagkan ang malamig nitong mga labi. At lumuluhang nagwikang: Paalam, Rodrigo Paalam.

Windang ang pusong bumalik si Mutya sa kanilang kaharian. Naiwan ang bangkay ng minamahal sa gitna nang nagngangalit na unos.

Kinabukasan, tumambad sa mga taumbayan ang walang buhay na katawan nina Luisa at Rodrigo sa pampang ng ilog Pasig.

Ngayon, marami pa raw sa matatandang naninirahan sa baybay ng Ilog Pasig ang nakakakita sa magandang sirenang si Mutya na malungkot na umaawit sa pampang ng ilog Pasig kapag masungit ang panahon. Sinasabi nilang ang sirena ay naroroon pa rin at inaalala ang isang malungkot na wakas ng isang bigong pag ibig.
Tweet

×
MN