ANG BIKTIMA AT ANG MANLILINLANG - Part 3
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Canada
February 8, 2018
PAGKATAPOS ng anim na buwan ay nagpadala ng larawan si Carlota sa e-mail ni Teodulo, kasama ang baby daw nila.
Sinundan iyon ni Carlota nang pagtawag upang alamin kung natanggap ni Teodulo ang kanyang ipinadalang larawan.
“Natanggap ko,” sabi ni Teodulo sa boses na punong-puno ng kaligayahan, “Ang ganda ng bata, kamukha mo.”
“Siempre naman. Sa tingin ko ay may hawig din sa iyo,” may pambobolang sagot ni Carlota.
Tila kumagat si Teodulo sa bola ni Carlota. “Talaga naman. Saan pa magmamana iyan kung hindi sa ating dalawa.”
“Pero may problema ako.”
“Ano’ng problema mo?”
“Iyong gastos pagpapalaki nito: gatas, diapers, baby foods, stroller, medical check up, alam mo naman, wala akong pambili ng mga iyan. Nakakahiya mang sabihin sa iyo, kung maari ay tulungan mo ‘ko.”
“Walang problema dahil anak natin iyan. Siyempre, kasama mo ako noon sa sarap; kasama mo ako ngayon sa hirap.”
Natawa si Carlota.
“Magkano naman ang kailangan mo buwan-buwan? Sabihin na nating child support.”
“Sinuma ko. Sa palagay ko ay one hundred seventy five dollars a month ay sapat na,” sabi ni Carlota, mandi’y upang palabasin na hindi siya humihingi ng masyadong malaki.
“One hundred seventy five. I round off na natin sa closest hundred. Padadalhan na kita ng two hundred buwan buwan.”
Narinig ni Teodulo ang pakunwaring hikbi ng kaligayahan ni Carlota.
ISANG TAON at tatlong buwan na ang baby. Tinawagan ni Carlota si Teodulo at sinabing kailangang pabinyagan na.
“Sino naman ang magiging ninong at ninang ng anak natin?” tanong ni Teodulo.
Saglit na nag-isip si Carlota. Naisip niya na sasabihin niya na ayaw niya ng malaking handaan dahil sa iyon ay nangangailangan ng malaking gastos, na nangangahulugan na kung hihingi siya ng malaking halaga ay maaring makahalata si Teodulo. Kung sasabihin niya na isang ninong at ninang lang ang kailangan ay maaring isipin pa ni Teodulo na talagang practikal siyang babae, hindi gastadora at mahusay sa buhay. Nagpasiya din siya na ang kanyang sinundang kapatid, si Isagani, ang magiging ninong; at ang kanyang kapatid na babaeng sumunod sa kanya, si Norma, ang magiging ninang.
Binanggit niya iyon kay Teodulo.
“Baka naman magmukhang kawawa ang anak natin,” sabi ni Teodulo.
“Hindi naman siguro. Ang mahalaga ay Kristiyano na siya.”
“Magkano naman ang inaakala mong magagasta?”
Muli, pakunwaring nag-isip si Carlota kahit na alam na niya kung magkano ang kanyang hihingin. “Sa palagay ko, mga seven hundred ay sapat na. Kasya na iyon, kasama na roon ang gastos sa reception at kaunting abuloy sa simbahan.”
“Kailan mo naman balak at saan magpabinyag?”
“Gusto ko, sa katapusan ng buwan at sa cathedral para ang Bishop ang magbinyag. Ang binyagan kasi roon ay tuwing katapusan ng buwan lamang.”
“Ikaw ang bahala. Ibig sabihin nito, tatlong linggo magmula ngayon ang binyagan. Tamang tama, suweldo ko sa katapusan ng linggong ito, a kinse. Pagkasuweldo ko, deretso na ‘ko sa PNB Remittance.
Muli, narinig ni Teodulo ang pakunwaring hikbi ng kaligayahan ni Carlota.
“Salamat sa Panginoon,” sabi ni Carlota.
“Basta pag tapos na ang binyagan, padalhan mo ‘ko ng mga litrato, ha?”
“Siyempre naman. Hindi lang iyon, makikita mo rin kami sa Facebook.”
DALAWANG TAON at dalawang na buwan na ang bata. Naisip ni Carlota na panahon na para magpunta sa Canada. Binanggit niya iyon sa isa nilang pag-uusap ni Teodulo. “Ano sa palagay mo?”
“Sa palagay ko ay panahon na. Maganda rin kung dito lumaki ang bata, maasikaso ng pediatrician. Libre kasing lahat dito iyan. At saka ang bata, pag maliit ang income ng pamilya, may allowance pa sa gobyerno.”
“Magaling talaga diyan ano?”
TININGNAN ni Ambong Pilosopo ang kanyang relo. “Dalawang oras na tayo rito. Nakakahiya na yata kahit ba kapatid ko ang may-ari nito.”
“Kailan natin itutuloy?”
“Bukas. Pagkatapos ng libing ay dumaan uli tayo rito.”
KINABUKASAN, pagkatapos ng libing ay hindi na sila sumama sa reception na gaganapin sa isang “All you can eat Chinese restaurant.” Sa halip ay nagtungo uli sila sa donut shop ng kuya ni Ambong Pilosopo at itinuloy ang kanilang naantalang pag-uusap. Muli, umorder sila ng medium coffee, regular. Iniba nila ang donut na inorder, sugar twist sa halip na apple fritter. Muli, naupo sila sa pinakamalayong sulok at itinuloy ang kanilang usapan.
Tulad nang nagdaang araw, sa pagitan nang mabagal na pagsimsim ng kape at pagkagat nang maliit sa donut ay itinuloy nila ang kanilang usapan.
“Dumating ba kaagad si Carlota?” umpisang tanong ni Ambong Pilosopo.
“Hindi.”
“Bakit hindi?”
“Hingi ng hingi ng pera, postpone ng postpone nang pagpunta rito.”
“Ano raw ang mga dahilan?”
“Iba-iba.”
“Halimbawa?”
“Naroong may sakit daw ang kanyang ina at hindi niya maiiwanan kaya iyong ipinadala daw ni Teodulo na pambili ng kanyang airplane ticket ay gagamitin muna niya sa pagpapagamot ng kanyang ina.”
“Hindi ba naman nakahalata si Teodulo?”
“Sa una ay hindi dahil mahusay mag artista itong si Carlota.”
“Nang tumagal?”
“Nakahalata na rin.”
“Ano’ng ginawa niya?”
“Binigyan niya ng taning itong sa Carlota na ang ipadadala niyang pera para pambili ng ticket niya sa eroplano ay huli na, na kung hindi siya makararating sa loob ng tatlong buwan ay ititigil na niya ang pag i isponsor sa kanya bilang fiancee.”
“Pera? Bakit pera? Sana ay dito na bumili ng ticket si Teodulo para sigurado siya.”
“Nakumbinsi siya ni Carlota na kung sa atin siya bibili ng ticket ay makatitipid sila.”
“Di nakarating din?”
“Nakarating din.”
“Noong narito na?”
“Tumira sila sa bahay ng biyenan niyang hilaw dahil itong si Teodulo ay doon pa nakatira.”
MAY KARUGTONG
Ang nakaraan:
·
ANG BIKTIMA AT ANG MANLILINLANG - Part 1
ANG BIKTIMA AT ANG MANLILINLANG - Part 2
Tweet