ANG BIKTIMA AT ANG MANLILINLANG - Part 2
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Canada
January 22, 2018
NGUNIT ang totoo, itong si Carlota ay may live in partner, si Arthur, na Commerce graduate at nagtatrabaho sa call centre sa Bonifacio Global City. May isa silang anak, si Henry, na dalawa at apat na buwang taong gulang, at si Carlota ay tatlong buwang buntis para sa ikalawa.
Hindi kalakihan ang suweldo ni Arthur, na sapagkat may inuupahang silang apartment at may binabayarang nanny, kaya umisip sila ng paraan para gumaan ang kanilang buhay at magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang magiging dalawang anak. Nagpasiya sila na ang pagpunta sa Canada ang magiging lunas dito.
Alam nila na kung sa point system ibabatay ang kanilang qualification para makapunta sa Canada, ay hindi sila papasa. May paraan, naisip nila, kahit na alam nila na iyon ay hindi tama, para makapunta sa Canada. Gagamitin ni Carlota ang kanyang angkinh ganda at pang-akit.
Kay Teodulo ay nakita niya ang isang lalakeng mabait at malambot na maari niyang gamitin para matupad ang kanilang binabalak.
SINABI ni Carlota kay Arthur ang napag-usapan nila ni Teodulo.
“Pumayag ka. Padamahin mo. Konting pakipot pa para hindi naman niya isipin na basta-basta ka.”
“Pumayag kaya ako pero sabihin ko na wala akong isusuot.”
“Huwag muna. Iisipin niyon na bago-bago kayong magkakilala ay humihingi ka na kaagad ng pabor. Iisipin noon ay gold digger ka. Isipin mo na ang long term goal natin ay mapunta tayo sa Canada.”
NANG dumating na Sabado ay tinawagan ni Carlota si Teodulo, “Hello, Teo. Si Carlota ito.”
“Good. Kinabahan na ‘ko. Akala ko ay hindi ka na tatawag.”
“P’wede ba naman iyon. ‘Pag sinabi kong tatawag ako, tatawag ako.”
“Good. Ano? Napag-isipan mo na ba?”
“Oo.”
“Ano’ng pasiya mo?”
“Payag ako pero pasen’sya ka na sa isusuot ko dahil mahirap kami.”
“Kung ibili kita ng maganda gandang damit.”
“Ayoko nga. Bago bago tayong magkakilala, baka sabihin mo ay gold digger ako.”
“Wala sa isip ko iyon.”
“Ganitong gagawin natin. Isusuot ko ang damit, s’yempre nakaayos ako, tapos i i e-mail ko sa iyo. What you see is what you will get.”
“Magandang idea iyan.”
Na kanilang ginawa.
“Champion,” sabi ni Teodulo pagkatapos niyang tunghayan ang larawan ni Carlota sa ipinadala nitong e-mail at tawagan niya si Carlota.”
IYO’Y gabing ang sikat ay ang mga nangibang bansa, lalong lalo na ang mga galing sa Canada, sa USA, Western Europe, at sa mga Scandinavian Countries. Sikat sila, dahil sa pamumuno ng isa nilang kamag-aral, ay tulong tulong silang nag-ambag upang ang pagdiriwang na iyon ay maging matagumpay.
Humanga ang mga kaibigan ni Teodulo sa ganda ni Carlota.
“Tingnan mo nga naman si Teo, mahusay mamili. Kahit na matagal na naghintay, sulit naman.”
“Iyan ang mamimili, maluluma ang artista.”
IYON ang simula ng pagkakalapit nina Teodulo at Carlota – pagkakalapit na ang mapusok ay si Carlota dahil gusto niya, kahit pakunwari ay magkaanak kay Teodulo, kahit na ang katotohanan ay tatlong buwan na siyang may laman bago pa naganap ang kanilang unang pagtatalik.
Bagito si Teodulo sa larangan ng pag-ibig at romansa. Sunod sunuran lamang siya kay Carlota. Sinamantala ni Carlota ang nakita niyang kahinaan ni Teodulo.
BUMALIK na sa Canada si Teodulo at tulad ng kanilang kasunduan ay itinuloy nila ang kanilang pag-iibigan. Nagtawagan sila at nagpalitan ng mga text at mga e-mails.
Sa isa nilang pag-uusap makalipas ang tatlong buwan ay tinawagan ni Carlota si Teodulo at ipinagtapat ang kanyang kalagayan, “Hello, Darling.”
“Hello, Love,” sagot ni Teodulo.
“May maganda akong balita sa iyo.”
“Basta ikaw ang tumawag, alam ko naman na magandang balita iyon. Ano’ng balita.”
“Iyo’ng kuwanan natin, nagbunga.”
“Ha?”
“Oo. Kaya magiging daddy ka na.”
“Sigurado ka?”
“Oo. Tigil na ang period ko. Para maging sigurado, gusto kong magpa check up. Pero alam mo naman, wala kaming pera dahil mahirap kami.”
Saglit na natigil ang kanilang pag-uusap. Masasabing nag-iisip si Teodulo kung ano ang kanyang gagawin. Pagkuwa’y itinuloy nila ang kanilang pag-uusap, “Magkano naman ang kailangan mo?”
“Hindi ba nakakahiya sa iyo kung sabihin ko.”
“Hindi. Bakit ka mahihiya gayong para naman sa ating magiging anak ito.”
“Kahit na. baka sabihin mo, kuwan ako.”
“Wala sa isip ko iyon. Sabihin mo na.”
“Nagtanong ako. Six thousand pesos daw. Medyo may kamahalan dahil gusto ko kasing sa private clinic magpatingin para siguradong first class ang check up ko.”
“Iyon lang pala. Gagawin ko ng eight thousand para may kaunting sobra para panggastos mo. Sa palitan ngayon, na palagay na natin na 40:1, humigit kumulang, iyon ay two hundred dollars.”
“Pa’no mo ipadadala iyon?”
“Maganda kung bank to bank. Magbukas ka ng PNB account diyan sa pangalan mo at ipadadala ko doon sa pamamagitan ng PNB remittance dito. Mahirap kasi kung door to door. Baka matiktikan ay maholdap ka pa.”
“Kung iyon ang gusto mo, di sige. Bukas na bukas din ay magbubukas ako.”
Iyon ang simula ng pagpapadala ng pera ni Teodulo kay Carlota.
MAY KARUGTONG
Ang Nakaraan:
ANG BIKTIMA AT ANG MANLILINLANG - Part 1
Tweet