ANG BIKTIMA AT ANG MANLILINLANG - Part 1
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Canada
January 7, 2018
IYO’Y isang burol at libing na dinumog ng mga tao ng dahil sa awa.
Umano, si Teodulo ng dahil sa sama ng loob dahil sa ginawang pagsasamantala sa kanya at sa kahihiyang idinulot sa kanyang pamilya ay namatay ng siya ay magkaroon ng aneurism habang hinahakot ang kanyang mga gamit sa kanyang condo, na ipinagkaloob ng hukom sa kanyang dating asawa.
“Ang buhay nga naman, ano ba talaga ang nangyari?” tanong ni Ambong Pilosopo kay Diegong Pakialamero ng sila ay pauwi na pagkatapos na manggaling sila sa burol na ginanap sa hapon ng Sabadong iyon.
“Mahabang salaysayin. Pero ito ang nalalaman ko kung gusto mong marinig,” sagot ni Diegong Pakialamero.
“Nakakahiya man dahil baka sabihin mo ay tsismoso ‘ko, pero sige na nga. Gusto kong marinig.”
“Hindi naman. Nasasaisip mo lang iyon. Maganda rin kung malaman mo para maibigay mo ang iyong kuro-kuro. Sayang na lang ang tawag sa iyong Ambong Pilosopo.”
“O sige, maaga pa naman. Dumaan tayo sa donut shop ng kuya ko at magkape. Maganda roon, hindi tayo paalisin kahit magtagal tayo dahil hindi naman sila abala sa oras na ito. Doon mo sabihin sa akin ang lahat ng nalalaman mo.”
ALANGANING oras at mangilan ngilan ang tao sa donut shop. Umorder sila ng regular na medium coffee at tig-isang apple fritter donut. Umupo sila sa pinakamalayong sulok upang walang makarinig sa kanilang usapan. Sa mabagal na pagsimsim ng kape at pagkagat nang maliit sa donut ay itinuloy nila ang kanilang kuwentuhan.
Bumuntunghininga si Diegong Pakialamero bago nagsalita, “Umpisahan na ba natin?”
“Sige na. “Ano ba talaga ang nangyari?”
NARITO ang pakuwentong pagsasalaysay ni Diegong Pakialamero.
Ayon sa bali-balita, itong si Carlota na isang flight stewardess, kasama ang isa pang kapuwa stewardess, ay nanalo sa Christmas raffle, ng dalawang araw na bakasyon at shopping sa Hongkong. Ang kanyang kasama, si Dahlia, ay naiwan dahil mayroon siyang kapatid doon. Ito namang si Teodulo ay pauwi naman para dumalo sa kanilang high school class reunion. Sa connecting flight sa Hong Kong/Manila ay sumakay itong si Carlota, na pauwi na, at nagkatabi sila sa upuan. Maganda ang mukha, pati tindig ni Carlota. Masasabing ang lahi nila ay naambunan ng dugo ng Kastila.
Mabigat ang handcarry ni Carlota kaya tinulungan siya ni Teodulo na ilagay iyon sa overhead bin.
“Salamat,” sabi ni Carlota.
“Walang anuman,” sagot ni Teodulo.
Naupo sila. Nataon naman na naantala ng kaunti ang kanilang paglalakbay dahil hindi pa sila pinapayagang mag take off ng control tower.
Mandi’y upang mabawasan ang pagkabagot ay sinimulang kausapin ni Teodulo si Carlota, “Taga saan ka sa atin?”
“Taga Manila ‘ko, pero Iloilo ang probinsiya ko.”
“Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Carlota. Ikaw?”
“Teodulo. Teo for short.”
“Galing ka sa Hongkong, o connecting flight mo lang ito?”
“Connecting flight.”
“Saan ka galing?”
“Sa Canada, sa Toronto. Ikaw?”
“Sa Hongkong lang.”
“Ano’ng ginawa mo sa Hongkong?”
“Nag shopping. Nanalo kasi ako sa raffle sa trabaho ko ng trip sa Hongkong. Ikaw, ano’ng gagawin mo sa Pinas?”
“High school class reunion namin. Ten years. Dadalo ako.”
“Ikaw lang, hindi mo kasama ang Misis mo?”
“Wala akong Misis. Binata ako. Ikaw? hindi mo kasama ang Mister mo?”
“Wala akong Mister. Dalana na.”
Natawa si Teodulo.
Binigyan na ng clearance ang eroplano. Lumipad na ito. Ayaw ni Teodulong mag-usap sila habang lumilipad ang eroplano dahil iyo’y nangangahulugan ng karagdagang ingay.
Malapit ang kanilang paglalakbay. Nagpalitan sila ng mga pangalan at cell phone number.
“Tatawagan kita. May hihilingin ako sa iyo. Baka matulungan mo ‘ko?”
“Hihintayin ko ang tawag mo.
Nagkahiwalay sila sa airport sapagkat nagmamadali si Carlota, mandi’y naghahabol ng oras, o may iniiwasan.
MAKALIPAS ng tatlong araw, nang inaakala ni Teodulo na kapuwa na sila nakapagpahinga, ay tinawagan niya si Carlota.
“Hello,” sagot ni Carlota.
“Carlota, si Teo ito.”
“Teo, akala ko ay hindi ka na tatawag. Kamakalawa ko pa hinihintay ang tawag mo.”
“Sorry, nag busy kasi ako.”
“Kumusta ka na?”
“Ok naman. Ikaw?”
“Mabuti naman.”
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa dahil wala ng panahon. May hihilingin sana ako sa iyo.”
“Kung kaya ko kahit hindi pa tayo matagal at masyadong magkakilala ay gagawin ko dahil sa tingin ko ay mabait ka. Ano’ng maitutulong ko?”
“Nabanggit ko sa iyo noon na may high school reunion kami pagkatapos ng sampung taon. Pormal ito, kailangang kasama ang partner, maging ito ay asawa, o girlfriend, o boyfriend.”
“Di isama mo ang girlfriend mo?”
“Iyon nga ang problema. Wala ako.”
Natawa si Carlota. “P’wede ba naman iyon, sa dami ng babae ngayon, kahit sampu ay makakakita ka.”
“Iyon ang problema. Walang magkagusto sa akin.”
“Kalokohan.”
“Iyon ang totoo.”
“Bakit naman?”
“Dahil marahil sobra akong mabait. Ang mga babae ngayon, naghahanap ng macho type.”
“Marahil, pero ano ang maitutulong ko?”
Sandaling hindi kumibo si Teodulo bago nagpatuloy, “Kung maari ay samahan mo ‘ko. Kunwari ay girlfriend kita para hindi naman ako magmukhang tanga.”
Alam ni Carlota na iyon ang hihilingin ni Teodulo. Ngunit ayaw niyang isipin nito na siya ay basta-basta. Ipinasiya niyang magpakipot muna. “Hamo’t iisipin ko.”
“Kailan ko malalaman?”
“Kailan ba ang reunion ninyo?”
“Ano bang araw ngayon?”
“Biernes.”
“Hindi bukas. Dalawang Sabado pa.”
“Sasabihin ko sa iyo sa darating na Sabado.”
“Tatawagan kita, o tatawagan mo ‘ko?”
“Tatawagan kita.”
May
Karugtong
Tweet