GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 4)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
November 23, 2017
IYO’Y gabing kahit ano man ang gawin ni Cipriano ay hindi niya maiwaksi sa kanyang isipan ang sinabi sa kanya ni Isabel. Hindi dahil sa pag-aaral nito kung hindi dahil nangangamba siya na baka mawala sa kanya si Isabel.
Maganda si Isabel at bata pa. Alam niya na sa binabalak nitong papasukang trabaho, na alam niyang madali siyang makakakita, ay marami ang maaring maganap: Naroon na maaring maligawan si Isabel ng kaedad nitong guwapong lalake. Maari rin na baka alukin siya ng pirmihang trabaho, restaurant manager halimbawa, dahil si Isabel ay may magandang personality at mahusay magpanggap. Naisip din niya na sa edad niyang iyon ay mahirap na siyang makakita ng katulad ni Isabel.
Bumangon siya at patiyakad na nagtungo sa kusina upang sumahin kung magkano ang kanilang buwanang gastos at kung magkano ang kabuuang halaga na dumarating sa kanya buwan-buwan.
Kumuha siya ng lapis at papel at itinala ang isang pahapyaw na “Income and Expenses Statement”.
Nangiti siya pagkatapos ng pagsuma dahil may sobra siyang $475.00 buwan-buwan, na ngangahulugan na maluwag niyang maibibigay kay Isabel ang $200.00. Lumaki ang kanyang ngiti dahil ang sobrang pera ay maari nilang gamitin sa pagtakas sa lamig ng winter sa pamamagitan ng pagpunta sa mga resorts sa Dominican Republic, sa Cuba, sa Jamaica, o sa Mexico.
Patiyakad siyang nagbalik sa kanilang kuwarto at maingat na nahiga upang hindi magising si Isabel. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at nakangiting nakatulog.
KINABUKASAN, nang magising si Isabel ay handa na ang almusal.
“Maaga yatang nagising ang darling ko?” sabi ni Isabel.
“Excited.”
“Excited. Saan?”
“May maganda akong balita sa iyo. Sasabihin ko sa iyo kapag kumakain na tayo.”
“Di kumain na tayo.”
Naupo sila at nagsimulang kumain.
“Iyong sinabi mo na gusto mong magtrabaho ng part-time para makapagpadala sa inyo. Hindi mo na kailangang magtrabaho para gawin iyon.”
“Ang ibig mong sabihin ay…”
“Oo. Sinuma ko ang budget natin kagabi. May surplus kaya maipapadala mo ang ganoong halaga.”
“Oh my God! Talagang hulog ka ng langit sa akin.”
LABING tatlong buwan na silang nagsasama at sa mga ipinakitang pakunwaring kabaitang ipinakita ni Isabel, sa pakiwari ni Cipriano ay natagpuan na niya ang tamang babae na maari niyang pakasalan.
Ipinasiya ni Cipriano na sabihin kay Isabel na magpakasal na sila, kahit sa huwes man lamang.
Nakanganga si Isabel sa sinabi ni Cipriano. “Hindi pa p’wede. Katatapos lang ng divorce ko. Ano na lang ang sasabihin ng mga kakilala natin.”
“Huwag mo silang intindihin.”
“Madaling sabihin iyon, pero mahirap gawin.”
SAMANTALA ay patuloy ang ugnayan nina Ric at Isabel, na karamihan ay “text,” o kung makasilip si Isabel ng pagkakataon ay tinatawagan niya si Ric sa pamamagitan ng paggamit ng phone card.
Sa isa nilang pag-uusap ay naitanong ni Ric, “Kumusta si Tanda?”
“OK naman. Lokong loko sa akin.”
“Wala pa bang sakit?”
“Mas malakas pa sa kalabaw.”
“Pag tapos ka na ng pag-aaral mo, iwanan mo na at kunin mo ‘ko.”
“Siyenpre naman. Kahit na ano man ang mangyari, tayo pa rin.”
BOOM ang real estate sa malalaking mga lunsod sa Canada gaya ng Vancouver, Victoria at Toronto. Bigla ang pagtaas ng halaga ng bahay. Ang bahay ni Cipriano, na noon ay binili nila ng $145,000; ngayon, ayon sa tinanggap nilang free assessment ng isang real estate agent, ay nagkakahalaga ng $1.3 million.
May pumasok sa masamang isipan ni Isabel. Nagkaroon siya ng paghahangad sa bahay ni Cipriano. Bakit pa niya kukuhanin si Ric, para ano pa? Kung kukuhanin niya ito ay darating itong walang trabaho, na wala siyang pagpipilian kundi suportahan ito. Isa pa, ang kanyang linya na IT Specialist, sa panahon ngayon ay dagsa ang wala at naghahanap ng ganoong trabaho.
HULING semester na ni Isabel. Nagtatalo ang kanyang isipan kung tatanggapin niya ang alok ni Cipriano na magpakasal sila, hindi dahil sa mahal niya si Cipriano kung hindi dahil gusto niyang manahin ang bahay nito. Ngunit bago mangyari iyon ay kailangang nasa “Will’ siya ni Ciriano.
Paano niya maitatanong kay Cipriano kung sino ang nasa “Will” nito at paano niya masasabi kay Cipriano na “Magpapakasal ako sa iyo pero kailangang ilagay mo sa “Will” mo na ako ang magmamana ng bahay mo”. Masyado naman yatang garapal kung deretsahan niyang itatanong ito.
Ipinasiya niyang ipagpaliban muna ang tungkol sa pagpapasiya kung magpapakasal siya o hindi kay Cipriano.
NGUNIT walang lihim na hindi nabunyag. Isang araw na pumasok si Isabel sa kanyang klase, sa kanyang pagmamadali dahil may exam siya, ay naiwanan niya sa ibabaw ng dresser sa kanilang kuwarto ang kanyang Samsung smart phone na hindi siya nag log-off. Bilang katuwaan lamang, at kasama na ang pag-uusyoso ay dinampot ito ni Cipriano at binasa ang palitan ng mga e-mails at mga text nina Ric at Isabel.
Nanlumo siya sa kanyang nabasa. Pagkuway nakadama siya ng pagsisikip ng dibdib. Nagdilim ang kanyang paligid. Nakaramdam siya ng pamamanhid ng kalahating kaliwang bahagi ng kanyang katawan. Sinikap niyang maupo sa gilid ng kanilang kama at pahigang nabuwal, hawak ang cell phone ni Isabel.
Patay na si Cipriano nang dumating si Isabel. Nakita ni Isabel na nakapatong pa sa palad ng kanang kamay ni Cipriano ang kanyang cell phone. Kinuha niya iyon at inilagay sa kanyang handbag. Nagkahinala siya sa naging sanhi ng kamatayan ni Cipriano.
Tumawag siya ng 911. Wala nang nagawa ang crews ng ambulansiya.
SA PAGKAMATAY ni Cipriano ay walang nagawa si Isabel kung hindi maghanap ng ibang tirahan, na dahil sa magtatapos na siya at may pera naman siyang naipon at nakupit kay Cipriano ay madali naman siyang nakakita ng basement apartment.
GRADUATE nurse na si Isabel, at habang hindi pa kumukuha at nakakapasa sa Board, pansamantala ay namamasukan siya bilang Nursing Assistant. Kumuha na rin siya ng driving lessons at nakapasa na sa driving test. Bumili na rin siya ng kanyang sariling kotse, na isang sports model ng Mazda MX-3.
Nagkaroon na rin siya ng ibang mga kaibigan na nakilala niya sa kanyang bagong daigdig. Dinarama niya ngayon ang buhay ng isang malaya at walang pananagutan. Kasama ang ilang piling kaibigan ay pasyal sila dito at pasyal doon, shopping dito at shopping doon, party dito at party doon.
Hindi na rin siya interesado kay Ric. Iniba niya ang kanyang e-mail address at phone No.
SAMANTALA ay hindi matanggap ni Ric ang ginawa sa kanya ni Isabel. Ipinasiya niyang gaganti siya at lintik lang ang walang ganti.
May kaibigan si Ric sa Toronto, si Bruce. Sa kanilang pag-uusap ay binanggit ni Ric kay Bruce ang ginawa sa kanya ni Isabel.
“Pare ko, huwag kang mag alaala, igaganti kita.”
“Sige nga, pare ko.”
Kinuha ni Bruce kay Ric ang mga detalya tungkol kay Isabel. Ini email din ni Ric kay Bruce ang isang larawan ni Isabel.
MAY KARUGTONG
Ang mga Nakaraang yugtu:
·
GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 3)
·
GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 2)
·
GANTI-GANTI LANG ANG BUHAY - (Part 1)
Tweet