ANG MGA PAMANA NI INA
Rene Calalang
Scarborough, Ontario, Canada
March 23, 2009
Ang kasaysayan ng buhay ni Ina ay isang kasaysayan ng kadakilaan. Bihirang ina, sa paniniwala ko, ang makagagawa sa kadakilaang ginawa ni Ina.
Nasa kalagitnaan pa lamang ng buhay nang mabalo ni Ina. Sa kanyang pagkabalo ay pitong murang kaluluwa ang naiwanan sa kanya ni Tatang – pitong murang kaluluwang hindi pa maaring itaboy upang maglayag at magpakaaanod sa rumaragasang alon ng dagat ng buhay.
Sa isang nakatikim ng rangya at hindi nagdanas ng hirap sa panahon ng aming kasaganaan ay isang mabigat na pananagutan ang naiwanan ni Tatang kay Ina.
Sa isang mahina, marupok na tao, ang mga suliraning hinaharap ni Ina ay sapat na upang siya ay sumuko. Ngunit si Ina ay hindi sumuko. Sa halip ay hinarap niya ang mga ito.
Nagtangkang mamasukan ni Ina. Ngunit sa isang sa tanang buhay niya ay hindi kailanman namasukan at sa kakulangan ng karanasan sa pamamasukan (sapagkat si Ina kailanman ay hindi pinagtrabaho ni Tatang) ay walang napasukan si Ina (kahit na sa isang panahon, siya ay tinanong ng pamahalaang panlalawigan kung gusto niyang magturo sapagkat si Ina ay tapos ng mataas na paaralan noong panahong tayo ay isa pang Commonwealth ng Amerika).
Sa kawalan ng mapasukan ay kinakailangang humanap ng ibang paraan upang kumita si Ina; upang siya, kasama ang mga nakatatanda kong mga kapatid ay kumita upang kami ay mabuhay kahit na sa salat na pamamaraan man lamang.
Natatandaan ko ang mga pananahi ni Ina ng mga damit pambata para sa isang tagaroon sa aming bayan na may puwesto sa palengke. Ang bayad sa kanya ay por piraso. Dadalhin sa aming bahay ang kahon-kahong mga tela, kasama na ang may iba’t ibang sukat na mga padron. Sa malabong liwanag ng ilaw na bombilya ay lalamayin niya ang mga iyon hanggang sa marinig na niya ang tilaok ng mga manok at ang pot-pot ng mga naglalako ng pandesal, na siya niyang mga palatandaan upang siya ay matulog na.
Ito rin marahil ang naging dahilan ng maagang paglabo ng kanyang mga mata. Sa paglabo ng kanyang mga mata, at marahil sa pagkakaroon ng salaming ang grado ay hindi angkop sa labo ng kanyang mga mata ay nagkaroon ako ng trabaho. Ako ang naging tagasulot ng sinulid sa karayom sa kanyang antigong makinang “Singer” na di pedal - kung ang sinulid ay napapagot.
Sa araw na nananahi si Ina ay hindi ako makalayo sa aming bahay upang maglaro. Sa pagkalagot ng sinulid ay naririnig ko ang sigaw ni Ina, “RENEEE!!!”
“Po!”
“Nasaan ka?”
“Narito po!”
“Ano’ng ginagawa mo?”
“Naglalaro po.”
“Umuwi ka muna at isulot mo ang sinulid sa karayom.”
“Opo. Nariyan na po.”
Nakasimangot akong uuwi at nakasimangot din akong ipagtatabuyan ng aking mga kalaro, “Hindi ka na kasali sa laro namin. Ang daya-daya mo.”
Natatandaan ko rin ang pamamakyaw ni Ina ng mga damit at mga tela sa Divisoria. Kasama ang isa ring balo na tagaroon sa aming nayon, na katulad niya ay marami ring anak na gustong makapag-aral ay aarkila sila ng pampasaherong jeepney at sugod nang mambabarat sa araw ng palengke sa Divisoria.
Ititinda nila ng tingi ang mga ito sa araw ng palengke sa aming bayan at sa mga karatig bayan. Iyo’y isang maliit na negosyong nagbibigay sa kanya ng maliit na tubo. Sa liit ng tubo ay hindi katumbas ng puhunang pagod.
Ngunit hindi naghahangad na kumita ng malaki si Ina sa negosyong ito. Ang hangad lamang niya ay maitahi lang kami ng mga damit na isusuot – na kinuha niya sa mga labi ng telang hindi mabili.
“Mabuti na ito kaysa hahanapin pa natin ang pambili ng damit na isusuot ninyo,” sasabihin sa amin ni Ina.
Natatandaan ko pa rin ang pagtitinda ni Ina ng dasal sa Cavite kasama ang ibang mga tagaroon sa amin kung malapit na ang Todos Los Santos upang umano ay bumilis ang pag-akyat ng mga kaluluwa ng mga namatay sa langit.
Hindi ko alam kung naniniwala ni Ina sa sobrang dasal sapagkat hindi naman kami ang mag-anak na nagrorosaryo gabi-gabi at nagsisimba linggo-linggo. Ngunit ang pagtitinda ng dasal ay isang paraan upang kumita si Ina ng isang maliit na halaga.
Sa kabila ng aking pagdududa sa kanyang ginagawa ay walang alinlangang malaki ang pananalig ni Ina sa Diyos.
“Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa,” madalas ay sasabihin sa amin ni Ina. “Huwag lang tayong mawawalan ng pananalig sa Kanya ay maahunan din natin ang kalbaryong ito.
MABABAKAS sa mukha ni Ina ang ganda ng kanyang pagkadalaga: ang hugis ng kanyang mukha, ang tangos ng kanyang ilong, ang laki ng kanyang bibig, ang pilantik ng kanyang mga pilikmata. Sa kanyang panahon, si Ina ay pangunahing dalaga sa aming nayon hindi lamang dahil sa kanyang angking ganda kung hindi dahil isa siya sa mga nakapag-aral sa mataas na paaralann na sa isang panahong ang pag-aaral sa mataas na paaralan ay hindi para sa lahat.
Sa pagkabalo ni Ina ay nasisiguro kong marami ring nanligaw sa kanya. At sinong kaedad ni Ina, balo man o matandang binata ang hindi magkakagusto sa kanya. Maganda siya. Nasa kalagitnaan pa lamang siya ng buhay nang mamatay si Tatang. Tapos siya ng mataas na paaralan sa isang panahong ang pamantayan ng karunungan ay napakataas.
Ngunit hindi pinansin ni Ina ang mga nanliligaw sa kanya. Ang inasikaso ni Ina ay ang paghahanapbuhay at ang pagpapalaki sa amin.
MALALAKI na kami at kanya-kanya na ng paraan ng pagtakas sa kahirapan. Ako at dalawang pang kapatid ay naging mapalad, sapagkat sa Canada, kami ay humantong.
Pinilit naming kahit papaano ay mapaligaya si Ina. Ang isa sa mga paraan, sa paniniwala namin, ay ang pagdadala sa kanya sa Canada.
Dumating si Ina sa Canada sa panahon ng tag-init (summer) at siya’y nagtaka. “Hindi naman pala malamig dito,” sabi ni Ina.
“Summer po ngayon.”
“Ga’no ba katagal ito?”
“Mga tatlong buwan pa po.”
“Matagal pa naman pala.”
Tulad ng isang turista ay ipinasyal namin si Ina sa mga magagandang tanawing umaakit sa mga turista: Niagara Falls, CN Tower, Royal Ontario Museum, Casa Loma, Ontario Science Center. Ipinagmalaki namin ang linis ng ating lunsod, ang pagsunod ng mga tao sa mga batas ng bansa, lalawigan bayan at lunsod at ang pagiging magalang at pagbibigayan ng mga nagmamaneho. Isinama namin siya sa mga kasalan, at mga binyagan, at mga kumpilan at iba pang mga pagtitipon-tipon at ipinakilala at ipinagmalaki sa mga kakilala at mga kaibigan.
Ngunit napapansin naming parang hindi maligaya si Ina at parang may kulang sa kanyang buhay. Napapansin namin iyon sa kanyang mga kilos at pananalita. Marahil, naiisip namin, na ang kaligayahan ni Ina ay wala sa pamumuhay sa isang malaki, makabagong lunsod, kung hindi sa simpleng pamumuhay sa isang bukiring nayon.
“Kumusta kaya ang mga kapatid mo Pilipinas?” itatanong ni Ina.
“Iyon kayang alaga kong mga manok sa atin, pinatutuka kaya iyon ng mga kapatid mo.”
“Iyon kayang alaga kong mga halaman sa duluhan natin, malalaki na siguro iyon at baka namumunga na.”
LUMALAMIG na at nagsisimula nang mabalisa si Ina. Malinaw na nakikita ko iyon sa kanyang mga kilos. Sa paglamig ay nagsimula na siyang maging bilanggo sa loob ng aming bahay. Napapansin ko na madalas ay nakatingin siya sa labas, mandi’y may inaabangan.
“Mukhang naiinip po kayo sa loob ng bahay?” naitanong ko.
“Oo nga, anak. Alam mo naman ako, hindi sanay sa walang ginagawa. Sa atin, lumabas lang ako ng bahay ay lapitan na ang alaga kong mga manok. At saka, ‘yong halamanan ko sa ating duluhan, malaking bagay iyon sa akin para hindi ako mainip.”
“Ano po ang maganda nating gawin?”
“Gusto ko nang umuwi. Kung maari ay gusto ko ng sa atin na mag-Pasko.”
Nauunawaan ko ang ibig sabihin ni Ina. Ang kabagutan ng pagkainip ay isang napakalaking parusa - na maaring maging dahilan ng kanyang mabilis na pagtanda at paghina.
“Hamo po at sasabihin ko sa mga Kaka.”
Hunyo dumating si Ina. Disyembre ay balik na siya sa Pilipinas – na marahil ay siyang naging dahilan upang humaba pa ng matagal ang kanyang buhay.
IYON ay isang napakahabang labing anim na taong hindi ko nakita si Ina. Ito ang panahong sagad kami sa pagbabayad ng mga utang at iba pang mga gastos: sa paghuhulog ng utang sa mortgage, sa pagbabayad sa buwanang bayad ng kotse at sa gastos sa pagpapaaral ng mga bata.
Gayunman ay hindi nawala ang communication namin ni Ina.
Sa aking isipan ay maliwanag na nakatala ang mga naging pagkukulang namin kay Ina.
Halimbawa, sa isa naming pag-uusap ay nabanggit ko sa kanya na nalulungkot kaming magkakapatid na nasa Canada dahil hindi man lang namin siya naipagpatayo ng malaki at magandang bahay, o naibili ng maganda at pansariling kotse sa panahon ng kanyang katandaan.
“Ang batang ire… iyon pala ang iniisip…kaya pala kay lungkot ng boses,” sabi ni Ina.
“Pero, tingnan n’yo nga po ‘yong ibang nasa abroad ang mga anak, naglalakihan ang mga bahay,” sabi ko.
“Tama na sa akin iyong naipaayos ninyo ‘yong luma nating bahay. Komportable naman ako rito. Maganda nga ito, nai-preserve ninyo ang luma nating bahay.
“E, pa’no po ‘yong sasakyan?”
“Sa tanda ko ng ito ay hindi ko na kailangan iyan. Kung kailangan ko ay magre-rent na lang ako. Uso naman ngayon ang rental.”
“Nakakahiya po sa mga kakilala ninyo.”
“Huwag mong intindihin ang mga iyon. Ang asikasuhin ninyo ay ang mga apo ko.”
ISANG araw, ay tumanggap ako ng tawag sa pinakabata kong kapatid, kay Miming. Pagkatapos ng maikling kumustahan ay sinabi niya ang dahilan ng kanyang pagtawag.
“May sakit ang Ina,” sabi ni Miming.
“Ha?” may pag-aalaala ang aking boses.
Saglit na nawala ang boses sa kabila, mandi’y nag-iisip ng sasabihin upang ako’y huwag mabigla.
“Huwag kayong mag-alaala, OK naman siya.”
Nakahinga ako ng maluwag. “Ano’ng sakit?”
“Pulmonya.”
“Nasa’n siya ngayon?”
“Nasa hospital.”
“’Sa’ng hospital?”
“Sa hospital na pinagtatrabahunan ko.”
Bigla ang aking pagpapasiya, “Pakisabi mong uuwi ako.”
Ngayon, ako’y nagmumuni-muni. May pulmonya si Ina. Sa edad niyang iyon ay mahina na ang kanyang resistens’ya para labanan ang sakit na ito. Marami na akong narinig na mga kaedad ni Ina na bigla ang pagpanaw ng dahil sa sakit na ito.
Sinabi ko ito kay Misis, “Uuwi tayo.”
“Kailan?”
“Sa pinakamadaling panahon.”
“Hindi p’wede ngayon. Wala tayong pera.”
“Mangungutang tayo.”
“Isa pa ay nag-aaral ang mga bata. Kung gusto mo ay mauna ka na lang. Susunod na lamang kami.”
MALAKI na ang itinanda ni Ina. Sa tingin ko ay lumiit na rin siya ng dahil sa hindi naagapang osteoporosis. Payat at hukot na rin siya. Ang mga kalamnan ng kanyang leeg at mga kamay at mga braso na noo’y mahigpit na nakakapit sa mga buto, ngayon ay maluwag na.
Ang kanyang buhok na hindi pa puting lahat ay “salt and pepper,” ika nga.
Mababa na rin ang mga talukap ng kanyang mga mata. Ang kanyang paningin na maagang lumabo sa sobrang pananahi noong siya ay mabalo ay hindi naman masyadong nagbago gayong siya ay otsenta’y siete na, na sa tulong ng mababa ang gradong salamin ay malinaw pa rin siyang nakakakita.
Ngunit ang kanyang pandinig ay mahina na, na kung wala ang tulong ng hearing aid ay hindi na kami magkakaintindihan.
Hindi na rin makalakad si Ina ng walang tungkod o kung hindi inaalalayan. Madalas ay pinalilipas niya ang mga oras sa beranda ng luma naming bahay habang nakaupo sa tumba-tumbang gawa sa kawayan - ayon sa mga kasama ni Ina sa bahay.
Ngunit ang kahanga-hanga kay Ina ay ang kanyang pag-iisip, na napakaliwanag pa rin, ni walang tanda na siya ay nag-uulyanin o mag-uulyanin. Sa isip ko ay saglit akong nanalangin na sana po ay mamana ko ito.
Habang pinagmamasdan ko si Ina ay inuusal ko sa aking sarili ang isang katotohanan ng buhay – na hindi malalabanan ng tao ang panahon. At kung atin mang labanan, ang panahon ay siguradong magwawagi at ang lahat ay magbabago sa pagdaloy ng panahon.
Masayang malungkot ang pagkikita namin ni Ina. Masaya, sapagkat narito ako kasama ni Ina na sa aming pagkakayakap ay tuloy-tuloy ang tulo ng aking mga luha. Malungkot, sapagkat sa labing anim na taong hindi naming pagkikita ay maraming mga tungkulin ng isang anak sa kanyang Ina ang hindi ko nagampanan.
Ngunit nauunawaan ni Ina ang kalagayan ng mga magulang na sagad sa pananagutan at pangangailangan.
Pagkuwa’y malungkot na sinabi ni Ina, “Kailan ko kaya makikita ang pogi kong mga apo.”
Tila nadarama ko ang nadarama ni Ina at ako’y may hinala na may nararamdaman na siya.
“Hintayin n’yo po kami sa Pasko. Uuwi kami, kasama ang mga bata, para makita naman ninyo ang inyong mga apo sa akin.”
Nakita ko kay ina ang kasiyahang dulot ng aking sinabi, “Ay salamat. Dininig na rin ng Diyos ang aking panalangin na makita ko sila bago man lang may mangyari sa akin.
TILA bumata at lumakas si Ina ng makita ang kanyang mga apo at manugang sa akin. Tuwang-tuwa siya sa ipinakitang magagandang ugali ng mga ito. Naiisip ko, marahil ang maikling panahong pagkikita nila ay isa sa mga pinakamaligayang sandali sa kanyang buhay.
Hindi nagtagal pagkatapos ng aming masayang pagkikita-kita ay pumanaw si Ina.
Walang masyadong materyal na bagay na naiwanan si Ina Ngunit ang kanyang mga pamana, na higit pa sa materyal na mga bagay ay mababakas sa kanyang mga naiwanan.
ANG MGA PAMANA NI INA ay mababakas sa kanyang mga anak na pinilit na magtamo ng kahit na maliit na karunungan; sa pagiging mabuting mamamayan ng mga ito, na hindi nagbigay ng kahit na anumang suliranin sa kanya at kahit kaninuman; at sa pagiging matagumpay ng mga ito - kahit na sa kani-kanilang maliliit na mga pamamaraan lamang.
Ngunit ANG MGA PAMANA NI INA ay higit na mababakas sa kanyang mga apo, na ngayon ay mayroon ng mga abogado, mga nurses, mga inhinyero, artist at iba pang mga mararangal na karunungan.
Tweet