Francisco Santiago: Ang Kompositor
Ni Renato Perdon
Sydney, Australya
January 26, 2015
Sa gulang na pitong taon, si Santiago ay tinuruan ng solfeggio ng kaniyang tiyo na si Matias Magracia, isang biyolinista. Tutol ang kaniyang mga magulang na siya ay maging musikero. Nang mamatay ang kaniyang ama, ipinagpatuloy niya ang hilig sa musika at hindi naglaon nakilala siya bilang isang batang mahusay umawit sa paaralan at simbahan.
Nang matapos niya ang elementarya, tumungo siya sa Maynila at namasukan bilang katulong sa kumbento ng mga Dominikano. Dito siya nag-aral ng pagpipiyano sa ilalim ng kilalang guro sa musika na sina Blas Echegoyen, Faustino Villacorta, at Pari Primo Calsado na siyang nagturo sa kaniya ng pag-awit, pagtugtog ng organo at ang paglikha ng mga awitin. Nang matapos ni Santiago ang pag-aaral ng primarya sa Kolehiyo ng San Juan de Letran, kaagad siyang naghanap ng mapapasukan bilang piyanista sa mga tanghalan sa Maynila. Napasama siya sa isang orkestra habang patuloy na nag-aaral hanggang magtapos siya sa Liceo de Manila.
Noong 1908, nilikha niya ang isang awit na pinamagatang Purita, isang handog na awitin sa unang Reyna ng Karnabal, si Bb. Pura Villanueva, na naging asawa ni Teodoro M. Kalaw, isang kinikilalang iskolar at mananalaysay, at naging ina naman ni Senador Maria Kalaw-Katigbak. Noong 1912, dalawa sa kaniyang mga nilikhang awit ay nanalo ng buwanang gantimpala sa isang paligsahan. Sa panahong ito kaniyang nilikha ang sarsuwelang Margaretang Mananahi.
Noong 25 Mayo 1946, si Santiago ay naging Emeritus Profesor sa Piyano ng Pamantasan ng Pilipinas at nang sumunod na taon, ika-30 anibersaryo ng Konserbatoryo ng Musika ng Pamantasan ng Pilipinas, si Santiago ay inatake sa puso at namatay noong 28 ng Setyembre 1947. Ang kaniyang mga labi ay nakalagak ngayon sa Sementeryo del Norte sa Maynila.