ANG PANGARAP NI ESIONG
Kabanata 2
By Rene Calalang
Scarborough, Ontario-Canada
Sun 27th May 2012
NASA huling bahagi na nang pagiging teen ager si Esiong. Labing siyam na taong gulang na siya, at siya, tulad ng sinumang teen-ager ay normal sa larangan ng pag-ibig.
ISANG araw, sa tindahan ng mga alahas sa tapat ng restaurant sa paradahan, na kanilang tambayan kung tapos na ang rush hour ng mga pasahero ay dumating ang pinsan ng isang Bicolanang serbidora, si Alisa.
Pinsan ko, Rebecca ang pangalan. Pagpapakilala ni Alisa nang sunduin siya nito upang sabay na silang umuwi.
Oh, nakatangang sagot ng sindikato.
Anong gagawin niyan usti?
Nagtatrabaho siya doon sa jewelry store sa harap habang wala pang nakikitang maganda-gandang trabaho.
Anong trabaho niya doon?
Sales lady.
Sa ganda niya, tiyak na lalakas ang benta ng tindahang iyon. Pero hindi magtatagal dito iyan. Dudumugin iyan, maniwala ka.
Maganda si Rebecca sa magkahalong dugong Intsik at Pilipino. Maputi at makinis ang kanyang kutis at sa kanyang mga pisngi ay nakamapa ang pinong-pino, kulay puti at pulang maliliit na mga ugat. Nawawala at tila nagiging guhit na lamang ang kanyang singkit na mga mata kung siya ay ngumingiti o tumatawa.
Sa mapangaraping lalaki na nasa murang gulang, si Rebecca ay kabuuan ng lahat ng mga pangarap.
Nagkagusto si Esiong kay Rebecca kahit na alam niya na alangan siya dito lalo pa nga na kilala siya bilang isang hampaslupa.
Marahil, dahil sa may bikas rin naman si Esiong (hampas lupa nga lamang) ay nagkagusto rin sa kanya si Rebecca.
Sa pamamagitan ng isang maikling liham na ipinagawa si Esiong sa isang marunong na kaibigan ay nagtapat siya ng pag-ibig kay Rebecca.
Iisipin ko, sabi sa kanya ni Rebecca.
Kailan ko malalaman?
Kailangang magpunta ka muna sa amin para makilala mo ang mga magulang ko at makilala ka nila.
Malayo ang sa inyo, sa Bicol yata iyon. Hindi ko kayang puntahan iyon. At saka, kapag nagpunta ako sa inyo at tiyak na hindi nila ako magugustuhan.
Bakit naman?
Dahil sa pagkakakilala sa akin ng ibang mga tao.
Hindi ka naman kilala doon at saka hindi ganoon ang mga magulang ko. Iba sila.
Anong kaibahan?
Hindi sila humuhusga sa ibang tao ayon sa kanilang naririnig, o kung may naririnig man sila ay binibigyan nila ang taong iyon na patunayan ang sarili.
Hindi ako makapupunta sa inyo. Hindi ko alam ang pagpunta roon.
Pasama ka sa asawa ng pinsan ko. Kababayan ko ang mister niya. Ganito ang gagawin natin. Uuwi ako sa Pasko. Maganda kung doon ka sa bayan namin mag Pasko. Sasabihin ko sa asawa ng pinsan ko na siya muna ang bahala sa iyo.
Walang nagawa si Esiong kung hindi ang sumang-ayon sa gusto ni Rebecca.
BINIGYAN si Esiong ng cross examination ng mga magulang ni Rebecca, Ano naman ang natapos mo iho?
Wala po.
Kung wala kang natapos ay ano naman ang trabaho mo?
Nagkamot ng ulo si Esiong. Wala rin po.
Kung wala kang natapos at wala kang trabaho ay papaano mo bubuhayin ang anak ko?
Maghahanap po ako ng trabaho.
Magbalik ka na lang kung may trabaho ka na.
Walang nagawa si Esiong kung hindi ang umalis nang hindi niya nakakausap si Rebecca.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nabahala si Esiong. Ngayon lamang niyang naranasan ang umibig at mabigo. Mahal niya si Rebecca at gagawa siya ng paraan, maging anuman iyon, upang sila ni Rebecca ay magkasama at magkatuluyan.
SA PAGBABALIK niya sa kanilang bayan pagkatapos nang bagong taon, ang una niyang pinuntahan ay ang jewelry store na pinapasukan ni Rebecca. Wala si Rebecca doon, na kanyang inaasahan.
Kinausap niya si Alisa, Nasaan siya?
Hindi na pinabalik ng kanyang mga magulang.
Dahil ba sa akin?
Isa ka sa mga dahilan.
Ano pa?
Marami daw salbahe dito. Baka daw kung ano pa ang mangyari sa kanya.
Paano ko siya makakausap?
Kailangang paraanin mo sa akin.
Naging tulay si Alisa sa kanilang dalawa. Isang araw ay binanggit sa kanya ni Alisa, Sabi ni Rebecca, kung talaga daw mahal mo siya ay kailangang magbago ka na. Iyon daw ang pag-asa mo na magkatuluyan kayo.
IPINASIYA ni Esiong na magbabago na siya at matuwid na landas ang kanyang tatahakin. Ipinasiya niya na hindi dahilan na kahit na siya ay walang tinapos na hindi tahakin ang tamang landas. Ipinasiya niyang papasukin niya ang kahit na anumang uri ng trabaho.
Kung si Esiong ay may angking kahinaan ay mayroon din siyang angking magandang katangian madali siyang umunawa ng mga bagay na technical lalong lalo na sa mechanical electrical.
Bilang pasimula ng kanyang pagbabagong buhay ay sumama siya bilang helper electrician ng isang maliit na pangkat ng kanyang mga kababaryo na nangongontrata bilang sub sub contractor (nangangahulugang ang budget pagdating sa kanila ay latak na lamang sapagkat ang gata ng overprice na project ay nasipsip na ng mga contractor at mga sub contractor) ng mga maliliit na mga government project sa kanilang lalawigan.
Ngunit ang pangongontrata ay hindi pirmihang trabaho at madalas ay nagaganap lamang kung panahon ng halalan, o kung hindi man panahon ng halalan ay kung tag-araw lamang.
Sa panahong walang kontrata ay pumapasok siya bilang driver/mechanic ng isang heavy duty pick-up truck ng isang babaeng negosyante na ang negosyo ay mag buy and sell ng mga kung anu-ano.
ISANG taon na ang nakaraan. Magpa Pasko na naman. Handa na si Esiong na harapin ang mga magulang ni Rebecca. Sinabi niya iyon kay Alisa.
Maganda. Sumabay ka na uli sa amin para makausap mo si Rebecca at ang kanyang mga magulang. Gusto ka na rin niyang makita.
Natuwa ang mga magulang ni Rebecca sa mga sinabi niyang pagbabago. O, ano ang gusto mong mangyari ngayon? tanong ng ama ni Rebecca.
Gusto ko hong magpakasal na kami.
Hindi ba napakabata pa ninyo para magpakasal? Ilang taon ka usti?
Beinte na ho.
At si Alisa?
Ganoon din ho.
Bata pa, pero nasa hustong gulang na kayo. Kung iyon ang gusto ninyo ay wala akong magagawa. Kailan ninyo usting magpakasal?
Sa February 14 ho, sa araw ho ng mga puso.
Kung ganoon ay kailangang papuntahin mo rito ang mga magulang mo.
NAIYAK sa tuwa ang mga magulang ni Esiong nang sabihin niya ang kanyang balak, Mabuti nga siguro kung may pamilya ka na. Baka maging tuluyan ang iyong pagbabago, sabi ni Tata Felix.
IYOY isang kasalan na ginanap sa cathedral sa bayan nina Rebecca, na sa tulong ng kanyang dalawang kapatid na seaman ay nakaraos din.
BILANG pasimula ng kanilang panibagong buhay ay doon muna sila sa kanilang lumang bahay, na nang dahil sa pag-alis ng kanyang dalawang kapatid ay lumuwag.
Nangako rin sa kanila sina Tata Felix at Nana Adora na kung may ipon na sila at handa ng magsarili at mayroon nang kaunting ipon ay tutulungan rin nila sila, bukod pa sa tulong na ibibigay na ipinangako ng kanyang dalawang kapatid na makapagpatayo ng kanilang sariling bahay sa duluhan ng kanilang maluwag na bakuran.
NGUNIT kahit na ano man ang gawin ni Esiong, sa kanyang pakiwari, ang pangangamuhan ay hindi para sa kanya. Hindi siya maligaya. Nagkaroon siya ng lihim na paghahangad na magkaroon kaagad ng isang maliit na negosyo.
Ngunit wala siyang puhunan at wala rin siyang yaman na maaring isanla o ibenta upang magkaroon ng puhunan. Ang kanyang ate at kuya ay kasasakay lamang sa barko at wala pang ipon upang pahiramin o bigyan siya ng puhunan.
Kung anu ano ang sumasagi sa kanyang isipan na ang iba ay imposibleng maganap. Madalas, si Esiong ay nangangarap nang dilat ang mga mata.
Manalo sana ako sa lotto, pabirong sabi niya sa kanyang sarili. Pagkuway natawa siya sapagkat alam niya na iyoy halos imposibleng mangyari o kung mangyayari man ang odds niyon ay thirteen million to one.
Holdapin kaya niya ang isang bangko. Paano kung mahuli siya? Tiyak na Munti ang kanyang bagsak.
Sana, naisip niya, isang araw na nagbibiyahe sila, ay mahulog sa isang armored vehicle ang isang supot ng pera. Itinanong niya sa kanyang sarili, Isasauli kaya niya iyon? Hindi na siguro, naisagot niya. Mayaman naman ang bangko o negosyong pagdadalhan noon, na marahil ay nakamit din ng bangko sa hindi magandang pamamaraan gaya nang sobra ang taas na patubo sa mga mahihirap na nagsanla ng mga ari-arian upang magkaroon nang kaunting puhunan sa isang maliit na negosyo o upang gamitin sa pag-aaral ng mga anak, o upang maging baon sa pangingibang bansa ng nangangarap na mga anak.
MAY KARUGTONG
Ang Nakaraan:
ANG PANGARAP NI ESIONG
Kabanata 1