MAY HANGGAHAN ANG PAGTITIIS - (Part 2)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
July 12, 2017
MAY KAPATID si Estela sa Canada na caregiver, si Luz.
May inaalagaan si Luz, na isang matandang babaeng Hudyo, si Mrs Hoffman, na sa katandaan, ay bilanggo na ng wheel chair.
Mabait at maasikaso si Luz. Sa pagkikita-kita at pagsasama-sama ng mga kabilang ng Family Hoffman, ay nakita ng manugang ni Mrs. Hoffman, si Mr. Smith, ang uri ng pag-aasikaso ni Luz kay Mrs. Hoffman.
Ang ina ni Mr. Smith, katulad ni Mr. Hoffman, ay bilanggo na rin ng wheel chair, at kapapasok lamang sa Home for the Aged.
Hindi maligaya si Mr. Smith sa uri ng alaga na tinatanggap ng kanyang ina sa Home for the Aged kung ihahambing sa uri ng alaga na tinatanggap ni Mrs. Hoffman kay Luz. Nagpasiya siya na kukuha rin siya ng Pilipinang caregiver at ilalabas si Mrs. Smith sa Home for the Aged.
Nagtanong siya kay Luz, “Help me with this one. Find me a caregiver like you to take care of my mother.”
Nakasilip ng pagkakataon si Luz upang matulungan si Estela. “My sister is available, but she is in the Philippines.”
Saglit na nag-isip si Mr. Smith bago nagpasiya, “Is she as caring and loving as you?”
“Of course, she is my sister. It runs in the family.”
“Then, we will bring her here.”
“How?”
“Leave that to me. My lawyer will take care of that.”
Madaling nakarating sa Canada si Estela.
TUMAGAL ng tatlong taon at siyam na buwan ang pag-aalaga ni Estela kay Mrs. Smith, bago ito pumanaw.
Samantala ay naging permanent resident na rin si Estela.
MAHIRAP makikita nang magandang trabaho. Mapalad si Estela at natanggap siyang supervisor sa isang janitorial services. Sa pinapasukan ko siya natalaga, na naging sanhi ng aming pagkikilala.
SA simula pa lamang ng kanyang pagiging caregiver kay Mrs. Smith, hanggang sa ito ay pumanaw, ay walang tigil ang pagpapadala ng pera ni Estela kay Rodrigo lalo pa nga at alam niyang wala itong trabaho. Samantala ay limang taon na si Emmanuel at dumarami ang pangangailangan at lumalaki ang gastos. Papasok na rin ito sa paaralan bilang junior kinder.
NGUNIT ang pera ay magnetong humahatak upang si Rodrigo ay puntiryahin ng mga nakaambang mga buwitre. Alam ng mga kaibigan ni Rodrigo na parating nagpapadala ng pera si Estela.
Sa isang pagdiriwang ng isa niyang kaibigan (daw) ay inanyayahan si Rodrigo.
Sa simula ay inuman muna ng beer. Ngunit ng sila ay malagihay na ay may naglabas ng shabu.
Sa una ay ayaw ni Rodrigo ngunit matindi ang udyok ng kanyang mga kainuman. Bumigay ang paninindigan ni Rodrigo.
Iyon ang simula, at iyo’y nasundan ng isa pa….at isa pa….at isa pa….
Habang tumatagal ay pamahal ng pamahal ang halagang ibinabayad ni Rodrigo sa shabu hanggang sa dumating ang panahon na kailangang magsinungaling siya kay Estela.
Sa isang pag-uusap ay sinabi niyang may sakit si Emmanuel.
“Ano’ng sakit?” may pag-aala-alang tanong ni Estela.
“Asthma. May asthma raw si Emmanuel, sabi ng doctor.
Nabahala si Estela. Nangutang siya ng pera kay Luz upang madagdagan ang perang kanyang ipadadala.
Sa isa pang pag-uusap ay humingi nang mas malaki pang halaga si Rodrigo.
“Para saan mo gagamitin iyon?” tanong ni Estela.
“Bibili ako ng tricycle para panghanap buhay para hindi ako masyadong umaasa sa iyo. Isa pa ay gagamitin kong panghatid at pagsundo sa anak natin.”
Sa unang sinabing dahilan ni Rodrigo, na gagamitin niya ang tricycle panghanap buhay ay hindi masyadong nainiwala si Estela. Pero nang marinig niyang gagamitin iyon para ihatid at sunduin si Emmanuel ay madali siyang nakumbinsi.
Kulang ang kanyang pera sa halagang hinihingi ni Rodrigo. Nahihiya na siyang manghiram sa kanyang ate dahil alam niya na gahol din ito. Lumapit siya sa isa niyang kaibigan na taga kalapit bayan, si Melinda.
“Walang-wala ako,” sabi sa kanya ni Melinda.
“May nalalaman ka ba? Kahit na mataas ang patubo?”
“May alam ako, Arabo. Pero sa taas ng patubo, talo ang mga Bumbay sa atin.”
“Kahit na.”
Sinabi sa kanya ni Melinda ang phone No. at address ng Arabo, na kanyang pinuntahan.
Pinautang siya ng Arabo, ngunit bilang security ay kinuha nito ang kanyang passport.
Ipinadala ni Estela ang kanyang pinagsamang ipon at ang halagang inutang niya sa Arabo.
Dahil sa taas ng patubo at sa laki ng binabayaran ni Estela buwan-buwan ay napilitang siyang maghanap ng iba pang trabaho upang madagdagan ang kanyang kasalukuyang kita. Kinausap niya ang isa pa niyang kaibigan na naglilinis ng mga bahay kung Sabado at Linggo na isama siya, na pumayag naman.
NGUNIT tatlong buwan na ang nakalilipas ay walang ipinakikitang katibayan si Rodrigo na bumili nga ito ng tricycle. Nagkahinala si Estela na may hindi magandang ginagawa si Rodrigo.
UUWI si Melinda. Kinausap siya ni Estela, “Pakisuyo lang,” pasimula ni Estela.
“Tungkol saan?”
“Pakibalitaan lang kung ano’ng nangyayari sa mag-ama ko.”
“Bakit hindi mo na lang tawagan ang pamilya niya.”
“Kung tatawag ako roon, malamang na pagtatakpan siya dahil alam nila na kapag nalaman ko na may ginagawa siyang kalokohan, kung mayroon nga, ay baka hindi ko siya isponsoran. Inaasahan kasi nila na kapag napunta rito si Rodrigo ay kukunin niya ang kanyang mga kapatid.”
“Kung ako?”
“Hindi nila alam iyon. Wala siyang kamalay-malay na may nag e espiya sa kanya. At saka hindi ikaw ang magmamanman sa kanya. Bibigyan kita ng one hundred dollars para gamitin mo sa pagkuha ng taong kilala mo at mapagkakatiwalaan para magmanman sa kanya. Sa one hundred dollars, siguro naman ay may makukuha ka.”
“Sa halagang iyan, sa hirap ng buhay sa atin, sino’ng tatanggi?”
SA pagbabalik ni Melinda, pagkalipas ng tatlong linggo, ay dala ang isang masamang balita:
Lulong sa drugs si Rodrigo. Ang perang ipinadala niyang pambili ng tricycle ay inubos lang niya sa drugs. Hindi na rin pumapasok si Emmanuel, na mabuti naman ang kalagayan, salamat sa mabuting kalinga ng kanyang biyenan.
Nag-iiyak si Estela sa tinanggap na balita. Sinabi niya sa kanyang ate ang nangyayari.
“Umuwi ka. Sorpresahin mo. Para hindi siya makapaghanda ay huwag mong ipaalam kahit kanino, maliban sa kuya na susundo sa iyo sa airport.
MAY KARUGTONG
Ang nakaraan:
·
MAY HANGGAHAN ANG PAGTITIIS-(Part 1)
Tweet