29 years
of
Community Service
MUNTING NAYON
News Magazine
Operated by couple Eddie Flores and Orquidia Valenzuela
News and Views of the
Filipino Community Worldwide
Luis Taruc: Ang Makabayan



By Renato Perdon
Sydney, Australia
Courtesy Bayanihan News
Jume 20, 2015

 
 


Makalipas ang digmaan ibinuhos ng mga Hukbalahap ang kanilang pansin sa paglaban sa pamahalaan ng Pangulong Manuel A. Roxas na kung saan siya at pito pang mga kasamahan sa Patido Komunista ay nahalal bilang kasapi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas, ngunit sila ay hindi pinayagang maupo kaya namundok sila at ipinagpatuloy ang pagkikipaglaban sa gobyerno. Ang grupo ni Taruc ay tumutol sa kasunduang ‘Parity Rights’ na kung saan nais ng Estados Unidos na panatilihin ang mga karapatan at interes ng mga Amerikano sa bansa bago sumiklab ang digmaang pandaigdig.

Iniwan niya ang kanyang tungkulin sa Kongreso at namundok muli. Sa rurok ng katanyagan ng Hukbalahap, nagkaroon ito ng lakas na umaabot sa pagitan ng 10,000 at 170,000 miyembro, karamihan ay mga magsasaka. Sa huli, ang Hukbalahap ay naging HMB o Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Halos ang buong Gitnang Luzon ay kontrolado ng HMB noong 1950. Dahil sa naging  malaking problema ang HMB, itinalaga ng Pangulong Elpidio Quirino si Ramon Magsaysay na maging minister ng tanggulang pambansa ng Pilipinas upang labanan ang mga Huk. Dahil sa estratehiya ni Magsaysay na makuha ang simpatiya ng mga magsasaka, nagkaroon siya ng reporma sa hukbong sandatahan ng bansa. Noon 1954, sumuko sa Luis Taruc sa pamahalaan na siyang nagpatigil sa panliligalig ng mga Huk.

Si Taruc ay ipinagsakdal sa korte sa kasalanang paglaban sa gobyerno at terorismo at nahatulang 12 taong pagkabilanggo. Siya ay pinalaya noong 1968 ni Presidente Ferdinand E. Marcos. Matapos makalaya, ipinagpatuloy ni Taruc ang kanyang mga gawain sa mga reporma sa lupa. Ipinaglaban muli niya ang mga karapatan ng mga mahihirap na magsasaka sa pamamagitan ng mga pagbabago sa ugnayan ng mga may-ari ng lupa at mga kasama o magsasaka, lalo na sa karapatan ng huli sa lupang kanilang sinasaka.


Si Taruc na naging lider ng digmaan, una noong panahon ng ‘Hukbong Bayan Laban sa Hapon’ (Hukbalahap) at ng ‘Hukbong Mapagpalaya ng Bayan’ (HMB) ay patuloy pa rin na nakikipaglaban, at halata ko na noong kami ay nag-uusap na mamamayapa siya na nakikipaglaban pa rin sa mga naghaharing-uri sa bansa. Siya ngayon ay 91 taong gulang at ipinaganak sa San Luis, Pampanga. Sa kasalukuyan nakikipaglaban siya para sa katahimikan.

Tuwiran ang mga sagot ni Ka Luis habang nagsasalita siya tungkol sa kanyang pinagtutuunan ng panahon – ang pagmamahal sa bayan at kamulatang panlipunan na kanyang binanggit sa isang tula sa Filipino na pinamagatan niyang Tatsulok ng Kamulatan ay lumabas sa ‘Bayanihan News’ ng taong iyon. Ang isa pa niyang tula na makikita sa hulihan ng artikulong ito ay pinamagatang ‘Inang Bayang Pilipinas’.

Ang aming usapan ay hindi pormal. Ang isang mahalagang tema na pinag-usapan namin ay ang tungkol sa paglahok ng Pilipinas sa tinatawag na ‘Nagkakaisang Nakahanda’ (Coalition of the Willing) na kung saan ang sagutan ni Ka Taruc at ni Presidente Gloria Arroyo ay nalathala sa mga diyaryo noong panahong iyon.

Sinabi ni Ka Taruc kung paano nayanig ang mundo sa pagpapasabog sa Kambal na Tore (Twin Towers) dahil sa terorismo, ngunit pinuna niya ang deklarasyon ng pakikidigma ni Presidente George W. Bush ng Estados Unidos. Ang tunay na saloobin niya sa mga Amerikano ay lumabas ng magbuluntaryo si GMA ng mga tropang Pilipino para sa ‘digmaan laban sa terorismo’ ni Presidente Bush.

Hayagang binatikos ni Ka Taruc si GMA sa mga pahayagan. Narito ang sinabi ni Ka Taruc sa nabanggit na insidente: ‘Hindi pa man kinukumbida si Arroyo, sumama na. Hindi pa kinakausap, sumama na. Nadiyaryo kami pareho. Sinabi ko, kako Madam Presidente, kulang na lamang na sinabi ninyo na sasamahan ko kayo ng bukas ang mga braso at….’

Ang sumunod ay ang tawag mula sa Palasyo ng Malakanyang na nagsasabi na gusto siyang makita ni GMA at ang tumawag ay humihingi sa kanya ng kanyang ‘NBI clearance’ at talambuhay.

Sumagot si Ka Taruc: ‘Huhulin mo ba akong muli ng subersiyon?’ Ako ay inaresto na ng maraming beses at nakulong ng 16 taon at kalahati – kaya huwag mo akong tatakutin ng ganyang mga pananalita. At saka, makukuha mo ang impormasyon tungkol sa akin sa lahat ng sulok ng daigdig, kahit nga ang Encyclopedia Britanica ay may nagsulat tungkol sa akin...’

Nagbago ng tuno ang nagsasalita sa kabilang linya at sinabi sa kanya na kailangan nila ang dokumento dahil gusto daw ni GMA na hirangin siyang maging direktor ng Bangko sa Lupa ng Pilipinas (Land Bank of the Philippines). Kaya ang sagot ni Ka Taruc: ‘Ano direktor lamang? Alisin ninyo si Teves bilang presidente at saka ang puwesto sa Kagawaran ng Reporma sa Lupa ay bakante.’ Iyon lamang ang para sa akin, alam kong patakbuhin iyon, pero hindi ko rin tatanggapin dahil hindi ako mabibili ng pulitika ninyo.’

Sinabi ni Ka Taruc sa tumawag na tinatanggihan niya ang alok ni GMA na siya ay maging direktor ng Bangko sa Lupa ng Pilipinas, kahit na kalihim ng Kagawaran ng mga Reporma sa Lupa kung hindi magiging malakas at matatag si GMA sa kanyang desisyon bilang presidente. Sa huli, pumayag si Ka Taruc na tumungo sa Malakanyang. Nang dumating siya sa Palasyo ng Malakanyang, sinabi niya kay GMA kung paano niya matutulungan ito na maging magaling na presidente at kung paano niya iniaalok ang natitirang panahon ng kanyang buhay dahil nakikita niya na hindi na tatagal ang kanyang buhay sa panahon ng panunungkulan ni Arroyo bilang pangulo ng bansa.

Upang mapabuti ang kanyang pamamahala ng bansa, inilahad ni Ka Taruc ang kanyang ‘blue print for success’, na binubuo ng: a) Maging maka-Pilipino. Kailangang tularan mo ang isang bayaning Pilipino bawat buwan o makasaysayang pangyayari; b) Magkaroon ng reporma sa lupa, pareho sa urban at rural man at gawin itong tagumpay sa panahon ng kanyang administrasyon; c) tigilan ang paggamit ng mga lupain o sakahan bilang ‘golf course’ at subdibisyon o pabahay upang maputol ang pag-aangkat ng mga pagkain; d) tigilan na ang mga katiwalian sa gobyerno; e) tulungan  ang mga samahan ng mga beterano at gerilya; f) hawakan at gawin ang lahat ng pagkakataon sa panahon ng iyong panunungkulan.

Sinabi rin ni Ka Taruc kay GMA: ‘Kung si Huana de Arco ng Pransiya, isang anak lamang ng isang hamak na magsasaka ay naging pambansang bayaning babae ng bansang iyon, mayroon kang kakayahan na magtagumpay at maaaring ituring ka na Huana de Arko ng Pilipinas. Ngunit kung hahayaan mo ang mga pagkakataong ito, hahatulan at isusumpa ka ng kasaysayan.’

Nang itanong ko kung ano ang naging reaksyon ni GMA: ‘Nayanig siya, pero sa halip na pakinggan ako, tinarayan lamang ako at pinagmalakihan pa ako. Hindi na ako nagsalita’, ang sabi ni Ka Taruc.

Ayon kay Ka Taruc ito na ang gintong pagkakataon ni GMA na maiwasto ang kanyang mga pagkukulang dahil sa pagpapabaya niya sa nakaraan. Kailangang kumilos at gumawa na siya ng nararapat na paraan ngayon. Ito ang pinakahuling pagkakataon para sa kanya.

Bilang paglalarawan sa kaniyang sarili sa isang interbyu, sinabi ni Ka Taruc na ‘Kailangang tanggapin siya ng tao, bilang siya, kasama na ang mga kasiraan at kapintasan.

 ‘Ang aking kodigo sa buhay ay ang pagiging matapat at mapagkakatiwalaan. Ito ang mga pangaral ng aking ama at ipinamana niya sa akin. Nanatili siya bilang modelo ng kababaang-loob, katapatan at kabutihang-asal. Pinukaw din ng aking ina ang kanyang katapangan, pagkamakatarungan, at pagkakaroon ng masiglang katauhan.’ Ito ang mga huling salita na sinabi niya sa akin noong umagang iyon ng interbyu. Ilang buwan ang makaraan, nabalitaan ko na sumakabilang-buhay si Ka Taruc. Hindi ko makakalimutan na naibahagi niya sa akin ng harapan ang kanyang mga simulain at natatanging pagmamahal sa bayan at halos isang taon din pakikipagsulatan sa akin matapos ang nabanggit na interbyu.

Narito ang tula na ibinahagi ni Ka Taruc hindi lamang sa mga mambabasa ng Bayanihan News kundi para sa lahat ng nagmamahal sa bayang Pilipinas.

Inang Bayang Pilipinas

Mutyang Inang-Bayan.
Sa aking pagpanaw, huwag mo akong iyakan. Ang kamatayan ko ay pahinga lamang. Kapiling mo ako maski na kailan. Sa pitak, sa bundok, at sa kapatagan. Sa kapayapaan, kahit sa digmaan.

Yaman, katanyagan, hindi ko hinanap.
Akala ng iba ‘yan ang aking hangad. Ang katotohanan ngayon ay nalantad. Aral ni Rizal, Bonifacio, Abad Santos, Ninoy aking tinupad; Pag-ibig sa Bayan — pag-ibig sa lahat Lalo na sa ating uring naghihirap.

Mutyang Inang Bayan, pigilin ang luha.
Sa aking pagpanaw, dapat kang matuwa. Mamamatay akong tapat sa adhika! Ang tanging lilisang katawan kung lupa. Sa aking prinsipyong alam na ng madla. ‘Di ako nanlami, ‘di ako nanghina. Ang aking pangarap para sa iyo, o Bayan kong mutya Ang tataglayin ko hanggang kay Bathala!
                                                – Ka Luis M. Taruc




Sinipi sa ‘Kulturang Pilipino; ni Renato Perdon, Manila Prints, Sydney, Australia, 2012

    Tweet
    MoreCultural Diplomacy Awards: Promotion of Philippine history, language and culture in Australia
    Renato Perdon

    Book author and historian, Renato Perdon of Sydney, Australia, was among selected Australians and Filipinos given recognition for...
    MoreAmerica takes over the Philippines
    Renato Perdon

    118 years ago today, 21 December 2016, the Americans implemented its long cherished dream of taking over the Philippines while the...
    MoreRizal’s concept of Education
    Renato Perdon

    ‘Rizal taught his boys reading, writing in foreign languages, geography, math & geometry, industrial work, natural study, morals and gymnastics’...
     
    MorePIDC SLATES MABUHAY PHILIPPINES FESTIVAL & PARADE and PHILIPPINE TAPESTRY FASHION SHOW
    Tony A. San Juan

    Big, Bold and  Beautiful !  Inspiring and aspiring words aptly describing the upcoming Filipino Canadian community's premier cultural events in the Greater Toronto Area, Ontario, Canada. True to its mission and mandate, the Philippine Independence Day Council - PIDC , a non profit ,volunteer - run umbrella organization in the province  is holding  2 popular summer activities. 
     ...
    MoreAPCO Inc. helps support Club Marconi’s 59th Anniversary
    Richard J Ford

    On the Monday 7th August 2017 Club Marconi celebrated its 59th Birthday Celebration, on that night APCO Inc. (Alliance of Philippine Community Organisations Inc.) helped celebrate the event by the attendance of some fourteen (14) members, including the President Pet Storey....
     
    MoreFil-Oz’s Christmas in July is all about Christmas Carols
    Richard J Ford

    On the 22nd July 2017 at All Saints Liverpool Church Hall, Fil-Oz Liverpool and Districts held their yearly Christmas in...
    MorePhilippine Independence Day Council (PIDC), Press Conference, Toronto
    Tony San Juan

    The Philippine Independence Day Council - PIDC , a non profit ,volunteer - run umbrella organization in the Filipino Canadian community,  is...
    MoreA LOLONG TIME AGO
    Carlos A. Arnaldo

    ...
    MoreFAEC Dammam wins 2017 All-Stars War Game in Riyadh
    Marlon Baris Vicente

    RIYADH: The 2017 All-Stars War Game spearheaded by White Camel Youth Basketball Club-WCYBC was tremendously successful held in time of...
     
    More`CON AMOR’ FOUNDATION B0ARD MEMBERS VISIT PROJECTS IN PHILIPPINES
    By: Orquidia. Valenzuela,  as reported by Myrla Danao

    Businessman Jaap van Dijke, chairman and two board members, Myrla Danao and Dr. John Deen of Con Amor foundation in...
    MoreArt Creations
    Vicente Collado Jr.

    Welcome!

    Many believe formal training is a prerequisite to quality in painting. Not a few will agree with me one can...
    MoreTHE CHILDREN IN DON MANUEL GK VILLAGE
    Orquidia Valenzuela Flores

    Sixty-three children from age three to six years, in the very poor community of Don Manuel village in Barangay...
     
    Disclaimer

    Contents posted in this site, muntingnayon.com, are the sole responsibility of the writers and do not reflect the editorial position of or the writers' affiliation with this website, the website owner, the webmaster and Munting Nayon News Magazine.

    This site, muntingnayon.com, the website owner, the webmaster and Munting Nayon News Magazine do not knowingly publish false information and may not be held liable for any direct, indirect, incidental, consequential or punitive damages arising for any reason whatsoever from this website or from any web link used in this site.