Balagtasan , Staged by Class 1954,Reunion January 26. 2014
Marcelo H. del Pilar High School
By Rafael P.Victoria
Malolos-Bulacan
October 1, 2014
Paksa: Dapat Bagang Maging Batas ang Divorcio sa Pilipinas?
Lakandiwa:
Sa ‘ting bayan ngayon, may tinig na sumasabo,
Mula sa dibdib nang syudad, hangang liblib nitong barrio.
Ang tinig ay humihinging pagusapan ang diborcio
Kung marapat na o hindi, isabatas ng Congresso.
Marami ang nagsasabing ang diborcio ay masama.
Subalit marami ring, ang opinion iya’y tama
Wala akong nilalayon, bilang isang lakandiwa,
Maliban sa pagharapin - ang dalawang paniwala.
Sa panig na may diborcio, si (give name) maglalahad,
Nang sa kanyang paniwala, iyang batas ay marapat,
Sa kabila namang panig, si (give name) mananalag
Na kung bakit sa diborcio, siya’y tunay na salungat.
Pakingan n’yo ng maigi ang kanilang hinahangad
Kung alin ang mabuti; sa’ting bayan ay marapat.
Kaya aking hinihiling, salubungin ng palakpak,
Nagpipiglas na makatang, sa atin ngayo’y maghaharap.
PRO:
Ako’y tunay na sangayon maging batas ang diborcio,
Sa dahilang itong bayan kailangan na ang remedyo,
Saang bansa makikita mga mistresses ay binabando,
‘Di banal na pamumuhay, nilalahad pa sa diario?
Kung tayo ay may diborcio mawawala na ang mistress.
Mga taong nagsa-sideline mawawalan na ng business.
Sinong asawang papayag, may kasahug ka sa plato;
Maging paksa ng usapan, kutyain ka ng mga tao.
CONTRA:
Ako’y hindi nananalig, diborcio ang kailangan.
Upang mapigil ang sabi mong ‘di banal na pamumuhay.
May diborcio o wala man, mga number two’y kakalat lang,
Sa dahilang iya’y bunga ng nababagong kabihasnan.
PRO:
Makabagong kabihasnang winiwika ni Pare ko,
Ay di sapat na dahilan upang mag-tuhug nang number two,
Kasalanang ‘yang malaki sa harap ni Jesucristo.
At iyan ay mawawala kung tayo ay may diborcio.
CONTRA:
Kung kasalanan ang mag-mistress bakit gusto ang diborcio?
Hindi ba ang Bibliya na rin ang sa ati’y nagpapayo,
Iya’y kasalanang malaki – pagkalasin ang matrimonio,
Na ginanap sa simbahan, nasaksihan ng mga tao?
Lubos akong nanalig, ang diborcio’y di marapat.
Ang problema ay dadami na mula diya’y mag-uugat.
Dadami ang mga taong lilipad sa ibang pugad,
Pagkat nariyan ang diborcio kaya iya’y matutupad.
Mga taong nag-asawa matapos na mag-diborcio,
Sila’y mga adulterio sangayon kay Jesucristo
Diborcio at adultery nadoble na ang sala mo,
Ang parusa nitong Ama ay mabigat para dito.
PRO:
May diborcio o wala man, marami ang mamumugad.
Subalit kung may diborcio, marami ang mag-iingat.
Marami pa ang dahilan, paglililo ay isa lang
Upang diborcio’y isa-batas sa ibubuti ng bayan.
Mayroon diyang magasawa palagi nang nagtatalo,
Ang buhay ay puro gulo, at wala na ang respeto,
Ang mahalan ay napalis, ang natira’y puro abo.
Hindi baga nararapat remedyuhan iyan ng diborcio?
Nariyan ang magasawang kulang nalang magpatayan
At palaging nag-aaway sa harap ng kaninuman,
Bakit natin pipiliting sila’y muling magmahalan
Kung sa puso at isipan, nananaig ay kamuhian
Nariyan ang magasawang hiwalay na ang tulugan.
Umi-iwas sa kasalang ang dulot ay kalungkutan
Sila ay na-biktima ng panaginip nang nalusaw.
Na patnubay man ng langit ay wala ng katuturan.
Ang pagsasamang umaasim, h’wag na nating palalain
Pagkat taong naiipit, kumakapit sa patalim
Pag-paningin ay nagdilim, walang taong mataimtim.
Nalilimut ang mabuti, sa masama napapaling.
Kung nariyan ang diborcio, may lunas ang ganyang buhay
Matatapos ang hinagpis sa malungkot na pamumuhay
May pagasang mababawi ang ligayang di nakamtan
At parehong taas noo na haharap sa lipunan.
CONTRA:
Marami ngang magasawa, mga ulo’y ma-iinit
At kaunting hirap lamang, nagsisimula na ang galit.
Pag-lumaking suliranin, paninising tumitikis
Sa isip ng bawat isa, hangang ang away ay sumapit.
Gayon pa man ang mahalan ay nariyan lang sa paligid.
Kaunting biro, kaunting suyo maglalaho na ang galit.
Iinit na ang lambingan, kasayaha’y magbabalik;
Ang problema malaki man, maglalahong walang mintis.
Kung diborcio ay nariyan, madali lang lulunasan,
Papatawan ng “hiwalay” ang kaunting kaguluhan.
Ang anak na walang malay, walang duda s’yang daratnan,
Ng mapait na sentencia na dalahin habang buhay.
‘Di diborciong kailangan kung ang kaso’y tulad niyan
Lumapit lang sa simbahan, Sacerdote ay pakingan,
O mag-family counseling, lutasin ang kaguluhan
Liligaya silang muli’t liliwanag ang tahanan.
PRO:
Ang sabi mo’y isanguni sa sacerdote ng simbahan
Ang kaso ng magasawang lumipas na ang mahalan
Iya’y tulad sa may-sakit, ang gamot mong binibigay,
Ay aspirin na ‘di lunas, para sa cancer ng isipan
Bakit natin pipilitin sumunod sa kinagisnang
Tuntuning ipinataw, dito sa’tin ng simbahan
Samantalang ibang bansang nagturo ng kabanalan,
Mga batas nang diborcio, sila nilang sinusundan
Ang Espana at Italia, na pusod ng Catolica
Ang batas ng diborcio ay matagal ng nasa carta.
Bakit natin di gayahin, sumang-ayon sa kanila,
Binabagyong pagsasama, mabigyan na ng sentencia.
Hindi ko hinihinging ang diborcio’y isabatas,
Para lamang sa tampuhang sa pagsuyo’y malulutas.
Ang diborcio ay marapat sa awayang walang lunas
Ng mag-asawang ang mahala’y parang bakal ng na-agnas.
CONTRA:
Pagkat tayo ay lumaking nasisilungan ng simbahan,
Itong ating mga puso ang bibliya ang sandalan.
Itong ating generation, sa diborcio’y panay laban;
Kaya limutin ang gusto mo, legal nalang maghiwalay.
Iyang legal separation sa atin ay nababagay;
Paglayuing mag-asawang, nasira na ang samahan.
Kung dumating pa ang araw, manumbalik ang mahalan,
Ang familia’y buo parin walang anak ang nasaktan.
At sa legal separation magasawa’y nakatupad,
Na ang kasal sa simbahan ay hindi na nakalansag
Supling na walang malay ay hindi na nabagabag,
Mag-asawa ay tahimik, naglandas ng nararapat.
PRO:
Ayaw mo nga nang diborcio, pero payag ng hiwalay
Ng mag-asawang pagsasama’y binabagyong walang lubay,
Sa tingin ko ay pareho sa huli ang uuwian,
Nang legal separation mo at diborciong aking alay
Magaling ngang makatupad kung wala ngang masasaktan.
Itong legal separation mo, dito ay may kabuluhan.
Subalit kung tutuusin, separation ay umpisa lang,
Nitong diborciong aking nais, maging batas ng lipunan.
Huwag na nating zigzag-in pa itong ating nilalandas.
Direchohin nalang natin pagkat daa’y maliwanag.
Ang legal na separation ay puti lang sa paningin,
Subalit iya’y diborcio ring ang kulay lang ay maitim.
CONTRA:
Tamang tama ka Pare ko, sa sabi mo’t paniwala,
Diborcio nga ay maitim ako’y hindi sasansala.
Kaya marapat iya’y iwasan nang tayo ay ipagpala,
Kung gulo’y di maiwasan, hiwalay ang siyang tama.
Marami sa nagnanais isabatas ang diborcio,
Pagka’t mayro’ng mga tao sa isipan ay may-plano,
Magtampisaw sa maraming mga ilog doo’t dito,
Kaya tuloy kumakalat, mga anak na bastardo.
PRO:
Hindi marapat na isipin, nitong aking kamagaral
At akalaing masasama hindi dapat na umiral.
Maling mali ang paniwala ang bastardo ay kakapal
Sa dahilang ang diborcio sa bayan ay mali-legal
Kaya na nga lumalago ang bastardo sa lansangan
Sa dahilang ‘di maputol ang nabulok na kasalan.
Ang asawang nagwawala sa malamig na samahan
Natututong magliwaliw sa mainit na kandungan
Kung diborcio ay nariyan, ang bastardo ay dadalang.
Dahil itong bagong mistress, ay okay kung may kasalan.
Kaya aking hinihiling na diborcio na ay panigan
At hingiin sa Congresso na ito ay mapayagan.
CONTRA:
Unang una ang diborcio ay bagay lang sa mayaman
May pagaaring hahatiin, sa pagharap ng hukuman
Mariwasang pamumuhay di nabago kaunti man,
Pagkatapos maghiwalay at hamarap sa lipunan.
Subalit sa ating bayan, hikahos ang pamumuhay
Bukod diyan ay maraming anak ang nakasandal.
Kung tayo ay may divorcio ay ano ng hihinatnan
Ng ilang milliong Filipino ‘hawig d’yan ang katayuan?
LAKANDIWA:
At diringin natin ngayon, ang panghuling argumento.
At mabuting n’yong suriin, ang tunay at totoo.
Talastasin pati natin kung mabuti ang diborcio
Sa isang munting bansang may ‘sangdaang milliong tao
Closing CON:
Sa batas ng diborcio, labang laban ang simbahan,
Pagkat adultery ay dadami, siyang tanging uuwian
Kaya aking pinapayo ang diborcio’y kalimutan
Ng ang galit nitong langit sa bayan ay maiwasan
Closing PRO:
Marami ang mag-asawang nagdurusa sa’ting bayan
Wala na sa pagsasama ang tamis ng pagmamahal.
Panahon na at marapat diborcio ay maging gabay,
At tapusin ang samahang mapait ang kinaratnan.
LAKANDIWA:
At sa wakas narinig nyo ang magandang balagtasan
Kung dapat na ang diborcio maging batas nitong bayan.
At sa panig ni (give name) nagdulot siya ng katuwiran
Nanalag naman si (give name) iya’y hindi kailangan.
Hindi ko hihilingin kung sino ang papanigan,
Kung sino ang mayro’ng punto o maganda’ng katuwiran.
Magpapanggap tayo ngayon Congressista ng ating bayan,
Pag-bobotohan ang diborcio’y kung ito’y ating papayagan.
Kung gusto n’yong ang diborcio’y maging batas sa’ting bayan,
Kayo ngayo’y pumalapak, inyong gusto ay ilahad.
(Palapakpakan)
Kung ayaw ninyo ng diborcio pagkat iya’y di marapat,
Pumalakpak naman kayo, ang gusto n’yo ay ihantad.
(Palakpakan)
Ang makata naman nating, matagal na naghamunan,
Nagdulot ng balagtasang, cultura ng ating bayan.
Itong ating pasalamat sa kanila ay ibigay,
Masigabong pagbubunyi: “Mabuhay”, “Mabuhay”.
End