MAY HANGGAHAN ANG PAGTITIIS-(Part 1)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Canada
June 12, 2017
NAGKITA kami sa paminsan minsang pagtatrabaho ko ng panghapon at siya naman ay supervisor ng isang janitorial services.
Sa kanyang pag-ikot upang suriin kung ginagawa ng kanyang mga tauhan ang kanilang mga trabaho ng tama ay kinausap ko siya dahil hindi kinuha ng kanyang tauhan ang aking mga basura nang nagdaang gabi, na karamihan ay pinagbalatan ng iba’t ibang mga prutas, na naging sanhi tuloy upang dumugin ng mga fruit flies ang aking baurahan.
Alam kong Pilipino siya kaya upang maging walang problema sa aming pag-uusap ay kinausap ko kaagad siya sa wikang Pilipino.
“Kumusta ka?” tanong ko.
“Mabuti po,” sagot niya.
“Ano’ng pangalan mo?”
“Estela po.”
“Taga saan ka sa atin?”
“Pangasinan po.”
“Taga Pangasinan din ang Misis ko. Saan sa Pangasinan?
Sinabi niya kung saan.
Sinabi ko sa kanya ang dahilan ng pagkausap ko sa kanya at sinabi niyang kakausapin niya ang nakatalaga sa lugar ko.
Mabilis ang aming pag-uusap sapagkat siya’y dumadaan lamang. Ngunit iyo’y nasundan pa ng mga gabi hanggang sa bago magtapos ang linggo ay palagay na ang loob namin sa isa’t isa.
ISANG araw ay pumasok siyang mugto ang mga mata, na kaagad kong napansin, “Mukhang nag-iiyak ka kagabi?” puna ko.
Alam niya na ang tinutukoy ko ay ang kanyang mugtong mga mata. “Allergy po.”
“Allergy? Disyembre ngayon. Ang allergy ay kung spring at fall. May problema ka ano?”
“Wala po.”
“Ayaw kong manghimasok sa buhay mo, pero kung sasabihin mo sa akin ang problema mo ay baka matulungan kita.”
“Nakakahiya po.”
“Bakit ka mahihiya? Hindi ko naman ipagsasabi kahit kanino dahil hindi naman ako tsismoso.”
Natawa siya. “Hindi po sa ganoon.”
“E, kung hindi e bakit ayaw mo. Magtiwala ka sa akin dahil noong araw ay gusto kong magpari para marami akong mabigyan ng payo.
Muli, natawa siya. “Sige na nga po, sasabihin ko na. Kailangan ko din pong may paghingahan ako ng sama ng loob ko.”
“Ganitong gagawin natin para komportable ka. Kunwari ay pari ako at nangungumpisal ka. Tutal, gusto ka namang magpari noong araw.”
Natawa uli siya. “Sige po.”
“Kailan mo gustong mangumpisal?”
“Kayo po.”
Saglit akong nag-isip. “O sige, bukas, Martes. Sa dinner time, magkita tayo sa cafeteria.
IYO’Y isang kumpisalan na naganap sa sulok ng cafeteria sa pagitan ng pagsubo ng aming mga baon. May mga sandali na tumitigil siya, mandi’y nahihiyang ipaalam ang malulungkot na bahagi ng kanyang buhay.
“OK lang sa akin kung gusto mong itigil ang pangungumpisal mo, pero hindi ko alam ang parusang igagawad ko sa iyo kung hindi ko alam ang lahat ng mga kasalanan mo. Ikaw rin, pag hindi natapos ang kumpisalang ito, hindi ka mapupunta sa langit.”
Matatawa siya at itutuloy namin ang aming kumpisalan.
May mga sandal rin na namumula ang kanyang mga mata, tanda na gusto niyang umiyak. Panandalian naming ititigil ang aming kumpisalan.
“Uminom ka ng tubig para magluwag ang dibdib mo,” ipapayo ko sa kanya.
Iinom siya at sa malungkot, dahan-dahang pagsasalita ay muli naming itutuloy ang kumpisalan.
NARITO ang pakuwentong buod ng mga sinabi niya sa akin.
IYO’Y isang pag-iibigang nagsimula noong sila’y nasa pamantasan. Si Estela ay nasa ikatlong taon ng Computer Science, at si Rodrigo ay nasa ikaapat at huling taon sa HRM (Hotel and Restaurant Management)
Mapusok ang kanilang pag-iibigan. Bunga sila nang makabagong panahon na bigay ang lahat sa kanilang mga date. Sa una ay maingat sila, gumagamit ng mga kailangang gamitin upang ang kanilang mga pagtatalik ay hindi magbunga.
Ngunit sa isang pagtatalik ay hindi gumamit si Rodrigo. Ayaw sana ni Estela, ngunit nagsusumamo si Rodrigo, “Pipigilin ko,” sabi niya. “Withdrawal system.”
Ngunit hindi niya napigilan. “Bahala na,” sabi niya sa kanyang sarili.
“Lagot,” sabi ni Estela sa kanyang sarili. “Pag nabuo ito, siguradong tigil ang pag-aaral ko at saka baka palayasin pa ako sa amin dahil sa kahihiyang idudulot ko.”
NA NABUO.
LUMALAKI na ang tiyan ni Estela at alam niya na kailangang gumawa siya ng paraan para maiwasan ang naghihintay na malaking kahihiyan ng kanyang pamilya.
ISANG araw na nasa library (loverary sa iba) sila ng pamantasan ay nagtungo sila sa pinakamalayong sulok upang walang makarinig sa kanilang usapan, “Pa’no ito,” tanong ni Estela.
Saglit na hindi sumagot si Rodrigo at nagkamot ng ulo. “Ano’ng mungkahi mo?”
“Magtanan tayo,” sagot ni Estela.
“Ayoko. Bata pa tayo. At saka gusto kong matapos muna natin ang ating pag-aaral bago tayo magpakasal.”
“E, ano’ng gagawin natin?”
Muling hindi kaagad sumagot si Rodrigo, mandi’y iniisip kung sasabihin niya ang kanyang nasasaisip.
Sinabi niya sa mahina, nangangambang boses, “Ipalaglag mo.”
“Ha? Iyan ang hindi ko gagawin. Kasalanang mortal iyan.”
Nabigla si Estela. Hindi niya inaasahan na sasabihin iyon ni Rodrigo, na alam niya na saradong Katoliko. Galit siya ngunit nanatiling mahinahon.
“E, ano nga ang gagawin natin?” muling tanong ni Rodrigo.
“Sinabi ko na sa iyo na magtanan tayo.”
“Kung ayaw ko?”
“Wala kang magagawa. Sa ayaw mo at sa gusto ay kailangang pakasalan mo ako.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Kung ayaw mong magtanan tayo ay uuwi ako sa inyo, kaya mabuti pa ay magtanan tayo.”
Nagtanan sila at umuwi sa bahay ng Kapitan del Barrio, na walang nagawa kung hindi ipakasal sila sa Huwes.
TIGIL ang pag-aaral ni Estela. Tuloy ang pag-aaral ni Rodrigo, na sa katapusan ng taong iyon ay tapos na rin ng HRM.
Sa galit ng mga magulang ni Estela sa idinulot na kahihiyan ay hindi nila pinapanhik sina Rodrigo at Estela. Walang nagawa si Estela kung hindi tumuloy kina Rodrigo.
Lalaki ang naging anak nina Rodrigo at Estela. Pinangalanan nila ito ng Emmanuel.
Panahon ng recession, at kahit ano man ang gawin ni Rodrigo ay wala siyang makitang trabaho.
MAY KARUGTONG
Tweet