DAHIL SA ISANG PAGLALAKBAY - (Part 3)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Canada
Novmber 11, 2016
Sa CANADA, sa una ay isang mahirap na simula. Ngunit sa walang sawang pagpupunyagi ay naging Registered Nurse si Carol at Machinist si Emil.
Nag-usap sila nang masinsinan. Nagpasiya sila na hindi muna sila mag-aanak. Titigil sa trabaho si Emil at itutuloy ang kanyang naantalang pag-aaral ng Engineering. Susuportahan siya ni Carol.
Kung siya ay nakatapos na at may maganda ng trabaho, at ang kanyang suweldo ay sapat na upang bumuhay ng pamilya, ay doon sila mag-aanak, na kung kinakailangan, upang masiguro na ang kanilang magiging anak ay lalaki, sa kanilang paniniwala ay tamang pamamaraan, si Carol ay magbibitiw sa trabaho upang maging “Stay Home Mom” hanggang sa dumating ang panahon na ang kanilang mga anak ay hindi na kailangan ang baby sitter.
NAGKAROON sila ng dalawang anak, na sina Paula at David.
SAMPUNG TAON na si Paula at grade four. Labing dalawang taon na si David at grade six. Naglalakad na lamang sila patungo at pauwi sa paaralan na kanilang pinapasukan. Sa hapon, pagkatapos ng aral, sapagkat maagang pumapasok si Emil ay naroon na siya pagdating ng mga bata.
MAY LIHIM silang panaginip – ang maglakbay at makita ang buong daigdig, lalong lalo na ang makasaysayang mga lugar – panaginip na kasalukuyang naantala dahil may iba silang dapat pag-ukulan ng kanilang pera at panahon – ngunit panaginip na kung dumating na ang tamang panahon ay kanilang tutuparin. Ang paglalakbay, sa kanilang paniniwala, kahit na sa ano mang lugar, ay isa sa pinakamabisang paraaan upang matamo ang inaasam na karunungan.
MALALAKI na ang mga bata. Nagtatrabaho nang muli si Carol. Ang pinagsamang karagdagang pera sa pagbabalik ni Carol sa trabaho at suweldo ni Emil ay sobra sa kanilang mga pangangailangan. Ipinasiya nila na itutuloy nila ang kanilang naantalang panaginip.
NGUNIT dumating ang masamang balita. Sa pagsasara ng mga negosyo ng parukyano ng “Ace Machine Shop,” dahil sa sila ay lumipat na sa China, ay humina ang negosyo ni Mr. Chiu, hanggang sa dumating ang panahon na kailangan na niyang pansamantalang isara ito. Isinara niya ang negosyo ngunit ang puwesto at mga makinarya ay naroon pa rin dahil umaasa siya na isang araw sa hinaharap ay muling babangon ang ekonomiya ng Pili[inas.
Wala silang kamag-anak. Ang kanilang mga kaibigan, na katulad nila, na humina ang negosyo, ay hindi sila matulungan.
Ang pera nila na nakatago sa labas ng bansa ay napaghinalaan na natamo sa masamang paraan, na upang hindi siya isaksal ng “money laundering,” ay pumayag siya na ibalik na sa pamahalaan ng Pilipinas.
UMUWI si Carol at kinausap si Mr. Chiu, na ngayon ay nabubuhay kasama si Michael, “Dadalhin namin kayo roon.”
“Hindi ba nakakahiya kay Emil,” sabi ni Mr. Chiu sa puntong Intsik.
“Huwag kayong mag-alaala Papa, maunawain si Emil.”
“Pero minata ko siya noong araw.”
“Nakalimutan na niya iyon. Pinatunayan niya na na mali kayo sa hindi pagkakagusto sa kanya.”
“Sigulado ka?”
“Sigurado ako.”
BILANG magulang ay madaling nakuha nina Emil at Carol si Mr. Chiu. Hindi nila nakuha si Michael dahil sobra na ito sa edad.
Naiwan kay Michael ang pag-iingat sa kanilang bahay at sa kanilang nakasarang Machine Shop.
IPINASIYA nina Emil na ipagpaliban muna nila ang kanilang paglalakbay. Sa halip ay gusto muna nilang asikasuhin sina Mr. Chiu.
ANG UNANG tatlong buwan ni Mr. Chiu ay panahon ng pangungulila.
Napansin iyon ni Emil. “Bakit hindi natin bigyan o pahiramin ng puhunan si Papa para makapagsimula sila ng isang maliit na negosyo para hindi siya mainip. Tutal, mahusay naman siyang magpalakad ng negosyo.”
“Ano’ng klase ng negosyo?”
“Nasasa kanya iyon. Iyong maliit muna. Halimbawa ay Filipino Store.”
“Pero wala siyang karanasan doon.”
“Madali niyang matutuhan iyon. Hindi puwede ang machine shop dahil malaking puhunan ang kailangan doon. At saka hindi niya alam ang mga patakaran dito.”
“Kung mangutang siya.”
“Hindi siya pauutangin dahil wala pa siyang line of credit. At saka ang ganoong klase ng negosyo, kailangan ang feasibility study.”
“A, ganoon ba?”
“Ganoon nga.”
“Sabihin natin sa kanya.”
Halos lumundag sa tuwa si Mr. Chiu ng kausapin siya ni Carol.
“Kahit ano, basta negosyo, OK sa akin.”
“S’yenga pala, humihingi ako ng tawad sa iyo, dahil noon, ako, ayaw sa iyo para maging asawa ni Carol,” sabi ni Mr. Chiu kay Emil.
“Si Papa naman, kalimutan mo na iyon. Napatunayan ko na sa inyo na sa pagpili sa akin ni Carol ay hindi siya nagkamali.”
NAGTAGUMPAY ang negosyo ni Mr. Chiu.
“Bakit hindi ninyo lakihan, Papa,” mungkahi ni Emil.
“Ayoko na. Maraming sakit ulo dito.”
Natawa si Emil, marahil, naisip niya ang dami ng mga patakaran ng pamahalaan sa Canada ang dapat sundin ni Mr. Chiu, na siyang tama.
“Mayroon akong gusto hilingin,” pagpapatuloy ni Mr. Chiu.
“Ano ho iyon, Papa?” tanong ni Emil.
“Gusto kong tayong lahat, kasama ang mga apo, magpunta sa Europe. Gusto kong makita ang Europe.”
Napangiti si Emil. Iyon din ang nasa isip nila ni Carol. Nagpasiya sila na magku cruise sila sa Mediterranean.
MAY KARUGTONG
Ang nakaraan:
DAHIL SA ISANG PAGLALAKBAY (Part 1)
DAHIL SA ISANG PAGLALAKBAY - (Part 2)
Tweet