DAHIL SA ISANG PAGLALAKBAY - (Part 2)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-Canada
October 22, 2016
IYO’Y unang gabi ng pagkalong ni Carol kay Emil. Sa mabagal na daloy ng trapiko, sila ay nag-uusap – pag-uusap na walang pangimi sapagkat sila ay bunga nang makabagong panahon. Sa pakiramdam nila, sila ay may ugnayan na kahit wala ang pormal na pagtatapat ng pag-ibig ng isang lalake sa isang babae, o sa panahon ngayon, ng isang babae sa isang lalake.
“Ano’ng nagustuhan mo sa akin?” tanong ni Emil.
“Hindi ko alam. Siguro ay dahil mga teen ager pa tayo, at natural na ang isang teen ager ay maakit sa opposite sex.”
“Kung sa bagay. Hindi mo lang alam na may crush din ako sa iyo, kaya lang sinasarili ko.”
“Bakit naman?”
“Alam mo na, mayaman ka at mahirap ako. Ang buhay dito, bihirang mahirap ang nakapanliligaw sa mayaman.”
Natawa si Carol. “Tingnan mo nga lang ano, kung hinintay pala kita, mamumuti ang mga mata ko kahihintay.”
Si Emil naman ang natawa. “Iyan ang advantage ng parehas ang laban, pag nagkulang ang isa, sinasapo ng kabila.”
“Pero may sasabihin ako sa iyo, pero huwag mong ipagsasabi kahit kanino?”
“Promise. Ano iyon?”
Sandaling hindi kumibo si Carol. Huminga siya nang malalim bago nagpatuloy, “Ayaw ni Papa at ni Mama na makipag boyfriend o mag-asawa ako nang hindi namin kalahi.”
“Ha?”
“Iyon ang totoo.”
“Bakit naman?”
“Dahil iyong yaman namin, gusto niyang manatili sa lahi namin.”
“Unfair yata iyon.”
“Alam ko, pero iyon ang gusto nila.”
“Hindi ba nila alam na kung ano man ang kanilang naipong yaman, iyon ay kanilang natamo dahil dito, sa ating bayan, ay binigyan sila ng opportunity.”
“Alam ko, kaya umaasa ako, na isang araw, ay magbabago din sila.”
“Pa’no tayo, gayong wala silang gusto sa akin.”
“Ipaglihim muna natin. Pakikiramdaman ko kung ano ang nangyayari. Kung nagbabago na sila ay saka ko na sasabihin.”
PATAGO ang pagkikita nina Emil at Carol. Ngunit walang lihim na hindi nabunyag. Nalaman ni Mr. Chiu ang kanilang pag-iibigan.
Mahinahon si Mr. Chiu, ni hindi niya pinagalitan man lamang si Carol. Mahal niya si Carol, ayaw nga lamang niya kay Emil. Sa kanyang isip ay nabuo ang isang plano: kakausapin niya ang kanyang kapatid sa Singapore, na katulad niya ay mayaman din at racist, na ihanap at ipakilala si Carol nang maari nitong maging kasintahan o asawa sa hinaharap. Kung may nakita na, ay magbabakasyon silang lahat sa Singapore upang ipakikilala kay Carol ang lalake.
PAGKATAPOS ng tatlong buwan at kalahati ay nagbakasyon silang apat sa Singapore upang makilala ni Carol ang lalaking ayon sa kapatid ni Mr. Chiu ay angkop sa kanya.
ANG PAGKIKILALA ay naganap sa isang mamahaling restaurant sa pinakamamahaling lugar ng maliit na bansa.
Sa unang pagkikita ay alam kaagad ni Carol na hindi niya tipo si Thomas Liu.
Tila nerd si Thomas. Makapal ang bi focal na salamin nito. Ang kanyang manipis na itim na buhok ay mahaba at hati sa gitna, na sa pagkakahati ay natatakpan ang kanyang dalawang tainga. Hukot siya, marahil ay sa sobrang pagbasa at pag-upo araw-araw sa harap ng computer. Sungki ang kanyang mga ngipin, na marahil ay ito ang dahilan upang takpan ang kanyang bibig kung siya ay tumatawa.
Iyo’y magalang na pagkikilala sa isa’t isa. Maliban sa isang halik ni Thomas sa pisngi ni Carol at pagkakamay, ay wala ang sigla, na dapat sana, kung sila ay may damdamin sa isa’t isa, ay damdaming namayani sa kanilang unang pagkikita. Magkatabi sila sa upuan, na maliban sa ilang salita at pangungusap ng tungkol sa kanilang personal na buhay, masasabing hindi sila interesado sa isa’t isa.
Dumating ang pagkain at ang sumunod ay isang tahimik, pormal na kainan. Wala ang ingay na dapat sana ay dulot nang matagal na hindi pagkikita ng mga magkakamag-anak. Wala ang tuksuhan dahil sa pagtatagpo ng dalawang kanilang inaakala ay magiging magkasintahan o mag-asawa sa hinaharap.
Ang totoo, kaya ganoon lamang sila sa isa’t isa ay hindi rin tipo ni Thomas si Carol. Nangangamba siya, na ang personality ni Carol, na masayahin, parating nakangiti at tumatawa ay magiging dahilan ng kanilang hindi pagkakaunawaan. Humahanap siya ng isang katulad din niyang nerd.
Tapos na ang kainan at magalang na nagpaalaman sina Carol at Thomas. Wala ang hingian ng phone No. o e-mail address. Wala ang paanyaya na maging friend tayo sa Facebook. Wala ang pangako na tatawagan kita. Wala ang paanyaya na bisitahin mo ako at mamamasyal tayo sa ganito at ganireng lugar. Alam nila na hindi sila para sa isa’t isa.
Ang pagsasama-sama ng dalawang mag-anak ay nagwakas sa usapang ipagpapatuloy ng kapatid ni Mr. Chiu ang paghahanap.
TAPOS na ng Nursing si Carol at pasado na sa Board. Nagtatrabaho na rin siya sa Metropolitan Hospital.
Palihim pa rin ang pagkikita nina Emil at Carol, na alam ni Mr. Chiu, na naging dahilan upang kausapin niya si Carol, at sabihin dito, na kung maari, dahil sa may sakit sa puso si Mrs. Chiu ay tapusin niya ang ugnayan nila ni Emil, na kung hindi ay maaring ito ang maging sanhi ng kamatayan ng kanyang Mama.
WALANG NAGAWA si Carol kundi kausapin si Emil at ipagtapat ang katotohanan.
Maunawain si Emil, “Kung iyon ang ikagagaling ng Mama mo ay OK sa akin. Pero gusto kong maging magkaibigan pa rin tayo.”
Humahagulhol na niyakap ni Carol si Emil. “Sa palagay ko ay pansamantala lamang ito. Siguro, sa hinaharap, kung wala kang makikitang iba ay tayo pa rin ang magkakatuluyan.”
“Tingnan natin. Mahirap mangako.”
SIYAM na buwan, pagkatapos nang pansamantalang paghihiwalay nina Emil at Carol, dahil sa pagiging racist nina Mr. & Mrs. Chiu, at dahil sa pagdududa na tapos na ang ugnayan nina Emil at Carol ay lumala ang sakit ni Mrs. Chiu, na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
LABING LIMANG buwan na ang nakalilipas, ngunit nadarama pa rin ni Carol na talagang mahal niya si Emil. Nagpasiya siya na lalayo sila, at doon sa ibayong dagat sa banyagang lupa ay magsisimula sila ni Emil ng isang bagong buhay. Pinili niya ang Canada, dahil sa pagkakaroon nito nang nagkakasundong multi cultural society Sinabi niya kay Emil ang kanyang nasa isip.
“Iiwanan mo na ‘ko.”
“Hindi. Ang lahat ay para sa atin.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Alam mong ayaw sa iyo ng mga parents ko, kaya ang pinakamabisa at pinakamabilis na paraan para magkatuluyan tayo ay kung aalis tayo.”
“Kung naroon ka na ay kukunin mo ‘ko.”
“Tama.”
“Baka hindi ako makakita ng trabaho doon.”
“May nagsabi sa akin na kung machinist ka raw doon ay malaki ang suweldo.”
“Sabi nga ng iba.”
MAY KARUGTONG
Ang nakaraang kabanata:
·
DAHIL SA ISANG PAGLALAKBAY (Part 1)
Tweet