DAHIL SA ISANG PAGLALAKBAY (Part 1)
Ni
Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
September 22, 2016
ANG “Ace Machine Shop,” na pinakamalakig machine shop sa bayan ng San Pedro, na ari ng mag-asawang Jeremy at Elena Chiu, ay kilala sa pagiging racist at pinakakuripot sa pamamahala. Balita rin sa hindi pagbabayad ng buwis si Mr. Chiu, na kanyang ginagawa sa pamamagitan ng pagsuhol sa mga tauhan ng pamahalaan.
Ayon din sa bali-balita, ang kanilang yaman, na milyon ang bilang, ay nakatago sa labas ng bansa, na kanilang ginagawa sa pag a ala-ala na kung ano man ang mangyari, ang kanilang yaman ay ligtas. Ayon din sa ilang kaibigan ni Mr. Chiu, na kanyang napagsabihan, wala siyang pakialam kung ano man ang mangyari sa bansa, dahil hindi naman niya bansa ito, at pera lamang ang kanyang hangad.
MAY dalawa silang anak na sina Michael at Carol Chiu. Labing anim na taong gulang si Michael, at fourth year high school. Labing walong taong gulang si Carol, at kumukuha ng Nursing. Kapuwa sila nag-aaral sa exclusive Chinese School.
Katatapos lamang nang unang taon ni Carol sa Nursing at katulad nang nagdaang mga taon ay tumutulong sila ni Michael sa pamamahala sa malaking Machine Shop.
Katatapos lamang ni Emil Diaz ng Machine Shop sa Technical School sa bayan ng San Pedro, ng siya at mapasok na machinist sa “Ace Machine Shop.” Labing siyam na taong gulang siya.
ANG UNANG tumawag sa pansin ni Carol kay Emil ay ang sipag at husay nitong magtrabaho, na gayong katatapos lamang ng Technical School at wala pang sapat na karanasan ay natatatapos niya nang mabilis at tama ang ano mang trabaho na ibinibigay sa kanya.
Ang isa pang kapuna-puna kay Emil ay kung lunch time, siya, pagkatapos kumain ng kanyang baon ay lumalayo at nagpupunta sa pinakamalayong sulok at nagbabasa o nagsusulat, sa halip na nagpapahinga o nakikipagkuwentuhan.
ISANG ARAW ay kinausap ni Carol ang foreman at sinabi niyang papuntahin si Emil sa kanyang tanggapan dahil mayroon siyang gustong palagdaan dito tungkol sa kanyang personal file. Ngunit ang totoo, dahil mga teenager pa sila ay may crush siya kay Emil. Naakit siya dito dahil sa mga ipinakikita nitong mga pagpupunyagi.
“Yes Mam,” sabi ni Emil ng siya’y dumating sa tanggapan ni Carol.
“Maupo ka. Huwag mo na akong tawaging Mam, Carol na lang. Bata pa naman ako. Siguro ay magsintanda lang tayo.”
Nangiti si Emil dahil alam niya na may gusto sa kanya si Carol. Ang totoo, kahit sinasarili lamang niya, ay may damdamin din siya kay Carol, nangingimi lamang siya na lumapit dito. Ngunit ngayong alam niyang may damdamin sila sa isa’t isa ay wala na siyang dapat pangimian.
Naupo siya. “Kumusta ka, Carol.”
Nangiti rin si Carol dahil dala marahil na may damdamin sila sa isa’t isa ay panatag na kaagad ang kanilang kalooban.
“OK naman. May itatanong lang ako sa iyo.”
“Basta huwag lang sa pera o sa girlfriend dahil pareho akong wala noon.”
“Good. Kung maghahanap ka nang magiging girlfriend mo ay madali kang makakakita. Bakit kamo?”
“Bakit?”
“Dahil may bikas ka, masikap at marunong, mga katangiang hinahanap ng isang babae sa isang lalake. Anyway, ituloy natin kung bakit kita ipinatawag.
“Bakit?”
“Napapansin ko na parati kang nagbabasa kung lunch time, ano’ng binabasa mo, maitanong ko?”
“Text book ko.”
“Nag-aaral ka?”
“Oo. Part time.”
“Ano’ng kinukuha mo?”
“Engineering. Hilig ko.”
“Bakit hindi ka na lang mag full time para mabilis.”
“Wala kaming pera.”
“Nag-aaral ka kamo sa gabi?”
“Oo.”
“Saan?”
Sinabi ni Emil kung saan.
“Ano’ng oras ang klase mo?”
“T TH S, six to eight. M W F, seven to nine.”
“Pa’no ka pumapasok?”
“Bus at jeepney.”
“Di pag-uwi mo, pagod ka na. Tapos gigising ka pa ng maaga para pumasok dito.”
“Pagod na pagod, pero wala akong pagpipilian.”
“Pa’no ang mga assignment mo?”
“Mostly, sa week end ko ginagawa.”
“Gusto mong hindi ka masyadong mahirapan?”
“Sino’ng aayaw noon?”
“Nag-aaral din ako, nagsa summer. Ang pinapasukan ko ay malapit sa pinapasukan mo. Tuwing M W F, may klase ako ng seven to nine. Gusto kong magkita tayo pagkatapos ng klase. Kakalungin kita sa gate ng pinapasukan mo. Tapos, sabay na tayong uuwi. Ibababa kita doon sa tinutuluyan mo. Pagkatapos ay deretso na ‘ko sa amin.”
“Hindi ba nakakahiya sa iyo na ikaw pa ang kakalong sa akin?”
“Ako ang may sasakyan. Kung ikaw ang mayroon at ako ang wala, siempre, ikaw ang kakalong sa akin.”
“Kung sa bagay.”
“At saka iba na ang panahon ngayon. Parehas na ang babae at lalake.”
MAY KARUGTONG
Tweet