HINDI NA SUGATAN HABANG BUHAY - (Part 3)
Sinulat ni
Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
IPINAGTAPAT ni Atty sa kanyang mga kasama ang kanyang karanasan ng sila ay nasa dining area ng hotel ng gabing iyon.
“Mag-ingat ka. Marami sa kanila, kunwari ay may anak para maawa ka, pero ang totoo, ibebenta nila ang mga pinamili,” payo sa kanya ni Rey.
“Maganda, imbestigahan mo muna bago ka malulong.
Na kanyang ipinasiyang gawin.
IPINASIYA ni Atty na ituloy ang paglalaro ng golf. Kinuha niya si Anna na pirmihang umbrella girl. Ngunit dahil sa namamaga pa rin ang mga paa nito ay sinabi niya sa organizer na hindi na niya kailangan ang caddy, gagamit na lamang siya ng golf cart. Si Anna, sa halip na umbrella girl ay magiging golf cart driver pansamantala.
KINABUKASAN.
Dahil sa mabilis ang golf cart kaysa sa mga naglalakad, madalas ay naghihintay sila. Sa 11
th hole, na mahirap na Par 4, sa kanilang mahabang paghihintay ay ipinagtapat ni Anna ang kanyang nakaraan:
“Sa bayan po namin sa Mindanao ay walang hiya ang Mayor. Dahil walang hiya po siya ay natural na walang hiya rin ang kanyang mga anak.
Noong panahon po ng halalan, na dalawang taon na ang nakaraan, ay sumama ako sa kampanya para kumita kahit papaano. Nasa high school pa po ako noon.”
“Ano’ng ginawa mo sa kampanya?”
“Iba-iba po. Taga bigay po kami ng mga leaflets at mga flyers. Kung may programa, isa ako na kasama ng grupo na nagpe perform sa entablado. Sumasayaw din po kami bilang background kung may kumakanta. Siyempre, kailangang seksi kami. Naka short kami at sagana sa make-up. Hindi sa nagyayabang ay may bikas naman ako, umitim na nga lang. Nakursunadahan pala ako ng anak ni Mayor na nagda drugs. Isang araw ay dumating ang dalawang bodyguard ni Mayor. Ipinatatawag daw po ako.”
“Sumama ka naman?”
“Sa bayan po namin, pag ipinatawag ka ni Mayor ay kailangang sumama ka. Kung hindi ay dadalhin ka nila ng puwersahan.”
“Ano’ng nangyari pagkatapos mong sumama?”
“Hindi naman pala ako ipinatatawag ni Mayor kung hindi ipinakuha ako ng anak nilang nagda drugs para…alam mo na ang ibig kong sabihin.”
“Marami talagang salbaheng pulitiko sa atin kasama na ang pamilya nila. Ano’ng ginawa mo pagkatapos?”
“Sinabi ko kay ama ang nangyari. Sa galit ni Ama ay sumugod siya sa munisipyo upang patayin si Mayor at ang anak niya.”
“Napatay ba niya?”
“Hindi po. Siya ang napatay. Bago siya nakapasok sa upisina ni Mayor ay binaril siya ng bodyguard nito.”
“Ang nanay mo?”
“Sa sama po ng loob, inatake.”
“Ikaw?”
“Nagpunta ako sa police station at ini report ko ang nangyari.”
“Ano’ng sabi ng police officer?”
“Huwag ko na daw ituloy dahil wala din daw mangyayari. Sabi pa niya, umalis na lang daw kami ng kapatid ko dahil kung hindi ay baka ipa salvage kami.”
“Kaya kayo napunta rito?”
“Opo.”
“Ilang taon ka noon?”
“Disisiete po.”
“Ilang taon ka na ngayon?”
“Disinuebe po.”
“Samakatuwid, ang anak mo ngayon ay isang taon na, humigit kumulang.”
“Opo.”
“Saan ka nakatira ngayon?”
“Nangungupahan po kami ng kapatid ko ng isang maliit na kuwarto.”
“Gusto kong makita ang anak mo at makausap ang kapatid mo kung payag ka.”
“Nakahihiya po ang tirahan namin.”
“Wala sa akin iyon. Ang mahalaga ay makita ko ang anak mo at makausap ang kapatid mo.”
Alinlangan man ay pumayag na rin si Anna. “Kayo po ang bahala.”
SINABI ni Atty kay Doktora ang kanyang karanasan.
“Sasama ako. Gusto kong makita ang bata.”
Upang maging madali ang pagpunta ni Atty kina Anna ay nag hire siya ng van sa “Rent A Van” na ang upisina ay kaagapay ng Super Mall. Sa pinagkasunduang halaga ay kasama na ang driver.
Nagtagpo sila ni Anna sa Super Mall, at doon sila nagmula patungo sa tirahan nina Anna.
MAY KARUGTONG
Tweet