HINDI NA SUGATAN HABANG BUHAY - (Part 2)
Sinulat ni
Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
TINANGKANG isama ni Atty si Anna at ang kanyang caddy, si Andy, sa club house, upang sila ay kumain ngunit sila ay pinigil ng bantay.
“What is this?”
“Sorry Sir. Club’s policy.”
Hindi na nagpilit si Atty. Alam niya na kailangang sumunod siya sa mga patakaran.
Hindi na rin siya pumasok. Inaya niya si Anna na kumain sila sa pinakamalapit na malinis na restaurant. “May alam ka?”
“Saglit na nag-isip si Anna. “Mayroon po.”
“Saan?”
“Sa super mall po.”
“Gaano kalayo iyon dito?”
“Mga isang kilometro po ang layo dito.”
“Dalhin mo ‘ko roon.”
Tumawag si Anna ng taksi at ito’y gumapang sa abalang lansangan ng lungsod.
IYO’Y katamtamang laking restaurant sa super mall na ang specialty ay sea food at vegetarian diet. Alanganing oras at kakaunti pa ang mga parukyano. Naupo sila sa pinakamalayong sulok.
Lumapit sa kanila ang waitress at itinanong ang kanilang order.
“Ano’ng mairerekomenda mo?” tanong ni Atty.
“Mayroon po kaming special na “sea food platter.”
“Masarap ba ‘yon?”
Ibinigay ng waitress ang menu kay Atty. Tiningnan iyon ni Atty. “Iyon ang sa akin. Ikaw?”
Hindi na tiningnan ni Anna ang menu. “Iyon na rin po ang sa akin.”
Habang hinihintay nila ang kanilang order, napansin ni Atty na paminsan-minsan ay sinusulyapan siya ni Anna, mandi’y may gustong sabihin, ngunit hindi masabi.
“May gusto kang sabihin?’ mahinahong tanong ni Atty upang hindi mapahiya si Anna.
“Si…Sir, may gusto po akong hilingin sa inyo, pero nahihiya ako.”
“Pag hindi mo sinabi iyon ay hindi ko malalaman.”
“Ma…Mamaya Sir, pagkakain natin ay sasabihin ko sa iyo.”
Dumating ang kanilang order at sila ay tahimik na kumain.
Tapos na silang kumain at habang hinihintay nila ang waitress na lumapit sa kanila ay itinuloy ni Atty ang kanilang naantalang pag-uusap.
“May gusto kang hilingin sa akin kanina. Ano iyon?”
Yumuko ang ulo ni Anna bago nagpatuloy. “Si…Sir, kung p’wede po ay gusto kong ilabas ninyo ‘ko.”
Namangha si Atty. Inaasahan niya na may mangyayari tulad ng sinabi ni Anna ngunit siya dapat ang magsimula at hindi si Anna.
“Saan mo tayo gustong magpunta?”
“Kayo po ang bahala.”
“Bakit mo talaga ginagawa ito?”
“Nag-aaral po ako.”
“Sa kolehiyo?”
“Opo.”
“Ano’ng kinukuha mo?”
“Engineering po.”
“Ano’ng klase ng Engineering.”
“General pa lang po.”
“Kung nag-aaral ka ay bakit ka narito ngayon?”
“Sa gabi po ang pasok ko.”
May naisip si Atty para malaman kung ano talaga ang layunin ni Anna. Gold digger ba ito na gusto siyang pagsamantalahan, o biktima ba ito ng pangangailangan na kailangan ang kanyang tulong.
“Ilan ang sugar daddy mo?”
“Wala po.”
“Kung saka-sakali ay ako pa lang.”
“Hindi po.”
“Sigurado ka.”
“Opo.”
“Gusto kong bilang pagpapatuloy ng date natin ay samahan kitang mag shopping.”
Kumislap ang mga mata ni Anna nang marinig ang salitang shopping.
“Kailan po?”
“Ngayon.”
Binayaran ni Atty ang kanilang nakain kasama na ang tip. Nangiti ang waitress sa laki nang tinaggap na tip.
Naglakad sila sa shopping mall. Nilampasan nila ang mga department stores at mga jewelry stores. Ang kanilang pagsa shopping ay humantong sa isang specialty store ng mga gamit ng bata.
Pinigil ni Atty si Anna sa pagpasok. “Ano’ng gagawin mo diyan?” naghihinala niyang tanong.
Lumungkot ang mukha ni Anna. Namula ang mga mata nito. Pagkuwa’y nagsimulang tumulo ang luha.
“May anak po ako.”
“Ha?”
“Opo.”
“May asawa ka?”
“Wala po.”
“May anak ka, pero wala kang asawa.”
“Opo.”
“Paano nangyari iyon?”
“Ni rape po ako.”
“Nino?”
“Hindi ko po p’wedeng sabihin ngayon. Isang araw po, kung gusto po ninyo ay sasabihin ko sa inyo ang nangyari.”
“Ituloy mo ang pagsa shopping mo ng mga gamit ng bata. Dito lang ako sa labas maghihintay. Kung tapos ka na at magbabayad na ay kawayan mo lang ako. At siyenga pala, bilang bonus, pagkatapos mong mag shopping, dadaan tayo sa department store at bibili ka nang tamang sapatos, para pag nag golf uli ako, ay hindi na sasakit ang paa mo.”
MAY KARUGTONG
Tweet