HINDI NA SUGATAN HABANG BUHAY-(Part 1)
Sinulat ni Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
MABUBUTING mga tao ang mag-asawang Dr. Victoria Sanchez, na isang Pediatrician; at ang kanyang asawa, si Atty Samuel “Sam” Sanchez, na isang practicing lawyer sa Boston Massachussets. Mga pinuno din sila nang bagong katatatag na “ADOPT A FAMILY IN THE PHILIPPINES” na kapisanan ng mga Pilipinong matatagumpay sa America, na ang layunin ay tumulong sa mahihirap na mag-anak sa Pilipinas.
May dalawa silang anak, na sina Elisa, na Grade 12 sa high school; at si Elmer na nasa ikalawang taon sa Environmental Engineering.
Maluwag sila sa pera, na hindi nangangahulugan na gahaman sila sa pera, bagkus bilang pasasalamat, si Doktora, dalawang araw ng Linggo, bawat buwan, ay nagbibigay ng free medical check-up sa mga kapuwa niya Pilipino na hindi kayang magpa check-up at walang medical insurance. Si Atty naman, dalawang beses din isang buwan ay nagbibigay ng free legal advice, lalong lalo na sa mga bagay na may kinalaman sa Immigration.
Bilang pasasalamat din, dalawang linggo taon-taon, at upang maipamahagi ang kanilang sobrang biyaya ay umuuwi sila sa Pilipinas at sumasama sa mga Medical Missions.
NGUNIT sa taong ito ay iba. Sa dalawang linggong gugugulin, si Doktora lamang ang sasama sa mga medical missions. Si Atty ay sasama sa kanyang mga kaibigan na maglaro ng golf, na isa niyang kahinaan. Sa pag-uwi ding ito, sila ay hahanap ng pamilyang kanilang tutulungan.
Marami nang narinig si Atty nang iba-ibang malulungkot na mga kuwento ng buhay sa kanyang mga kaibigang golfers. Lingid sa kanilang kaalaman, ang talagang layunin niya, kahit sinasarili lamang niya, ay makinig sa mga kuwento, na baka dito, batay sa mga kuwentong narinig, ay matagpuan niya ang pamilyang kanilang tutulungan.
IYO’Y una nilang araw ng paglalaro sa Paradise Golf and Country Club. Tulad ng isang celebrity, marahil ay dahil sa package deal ang sa kanila, ay handa na ang lahat bago sila mag tee-off. Mayroon na silang caddy at umbrella girl.
Ang umbrella girl ni Atty, sa biglang tingin niya, ay mas matanda kaysa sa tunay nitong edad, na marahil, sa kanyang pakiwari ay dahil parati itong nakabilad sa init ng araw. Sa tingin ni Atty ay mga beinte tres anos na ito.
“Ano’ng pangalan mo?” tanong ni Atty ng sila ay nasa Hole No. 1 at naghihintay na mag tee –off.
“Anna, Sir.”
“Kumusta ka Anna?”
“Mabuti naman Sir.”
“Huwag mo na akong tawaging Sir, wala naman tayo military.”
“Opo.”
Tapos nang mag tee-off si Atty sa Hole No. 1 na Par 3. Kaagapay niya sa kanyang paglakad si Anna, hawak ang isang malapad na nakabukas na payong upang ikubli siya sa init ng araw. Nasa likod nila ang caddy, si Andy, tulak ang kanyang golf cart.
Napansin ni Atty, ng sila ay nasa kalagitnaan na ng Hole No. 2 at Hole No. 3, na tila umiika si Anna. Hindi niya pinansin ito.
Patuloy sila sa paglalaro, na patuloy ding pinapayungan ni Anna si Atty. Habang tumatagal, napapansin ni Atty na ang pag- ika ni Anna ay lumalala. Sa paglakad, upang patuloy siyang mapayungan ay nagiging pasagsag ang paglakad nito, na lalong nagiging kapansin pansin ang kanyang pag-ika hanggang sa dumating na halos hindi na ito makalakad.
“Masakit yata ang paa mo?” hindi na nakatiis ay pansin ni Atty.
“Hindi naman po.”
“Kung hindi ay bakit ka umiika?”
“Medyo masikip po ang sapatos ko.’
Sa Hole No. 5, na Par 5, na nangangahulugan na malayo ang lalakarin, habang nagti tee off si Ricardo at naghihintay si Ted, hindi na nakatiis ay kinausap ni Atty si Anna, “Kailangang magtigil na tayo. Hindi ka makalalakad nang ganyan kalayo.”
“Kaya po.”
Saglit na nag-isip si Atty. Narito ang isang nilalang na alam niya na hindi na niya kaya ang kanyang ginagawa ngunit kinakaya pa, na alam niya na isang desperadong biktima lamang ng pangangailangan ang gagawa. Alam niya kaagad na ito ang katayuan ni Anna.
“Kung inaakala mong hindi kita babayaran dahil hindi ko natapos ang 18 holes ay nagkakamali ka,” sabi niya upang pumayag ito na magtigil na sila.
“Paano po ang golf mo?”
“Kalimutan mo na ang golf ko. Mas mahalaga ang kalusugan mo kaysa sa golf ko.”
“Pero nagbayad po kayo ng malaki.”
“Alam ko, pero dumarating sa isang tao na mas mahalaga ang ibang bagay kaysa pera.”
“Kayo po ang bahala.”
Pagkatapos mag tee off ni Ted, ay si Atty naman ang dapat mag tee off. Sa halip na mag tee off ay kinausap niya ang kanyang dalawang kasama at ipinaliwanag ang kanilang katayuan.
“Nagwi withdraw ka dahil lang sa umbrella girl mo.”
Tumango si Atty.
Iiling-iling na sumagot si Ricardo, “Ikaw ang bahala.”
“Have a good game,” sabi Atty.
“Have a nice day,” sagot ni Ricardo.
Inaya ni Atty si Anna na tumabi sila. Paika-ikang lumakad si Anna patungo sa tabi ng cleaning station upang umupo sa katabing bangko. Ngunit talagang hindi na siya makalakad.
Kinuha ni Atty ang kaliwang kamay ni Anna at inilagay sa kanyang balikat upang bigyan ng tulong ang mahinang panig ng katawan nito. Mabagal silang lumakad ngunit hirap pa rin sa paglakad si Anna. Ipinalupot ni Atty ang kanyang kanang kamay sa baywang ni Anna. Bumilis ang paglakad ni Anna at nabawasan ang kanyang pag-ika.
Humantong sila sa tabi ng cleaning station.
Naupo si Anna sa bangkong upuan. Inalis niya ang masikip na sapatos sa kanyang kanang paa. Nakita ni Atty ang namamagang paa ni Anna.
“Bakit ka nagsusuot nang masikip na sapatos?”
Nguniti si Anna ngunit hindi ito sumagot.
“Bakit kako?”
“Wala po akong sapatos.”
“Kung wala kang sapatos ay kanino iyang suot mo?”
Muli, ngumiti si Anna ngunit hindi sumagot.”
“Kanino kakong sapatos iyang suot mo?”
“Naghihiraman po kami ng kaibigan ko.”
“Ano?”
“Totoo po yon.”
“Pa’no kung pareho kayong may duty.”
“Minsan lang po isang araw kami puwedeng magtrabaho. Ako po sa umaga at siya sa hapon.”
“Dahil siguro sa dami ninyo.”
“Opo.”
Nanlumo si Atty sa kanyang narinig. Naupo siya sa tabi ni Anna. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Itinukod niya ang siko ng kanyang kanang kamay sa kanyang tuhod. Sinapo ng palad ng kanyang kanang kamay ang kanyang noo. Nakapikit, pinaglaruan ng kanyang mga daliri ang mga buhok sa itaas ng kanyang noo.
Pagkuway tapos na siya sa pagdidili-dili. Inilabas niya ang kanyang cell phone at tumawag sa reception.
“Could you send two golf carts at hole No. 5.”
“Where in hole No. 5, Sir?”
“Besides the cleaning station.”
“Anything wrong, Sir?”
“Nothing really, except my companion cannot walk because of swollen feet.”
“There will be extra charge for extra service, Sir.”
“No problem. Just charge it to my account.” Sinabi ni Atty ang kanyang pangalan.
MAY KARUGTONG
Tweet