MAG-INGAT KA LANG KAIBIGAN - (Part 4)
Sinulat ni
Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
MABABAIT ang mga pamangkin ni Arsenio, na ngayon si Willie, ay isa ng doctor sa Sydney, Australia; at si Art ay isa ng abogado sa Melbourne. Marunong silang tumingin ng utang na loob.
Umuwi si Art upang bisitahin ang kanilang tiyuhin na nagpaaral sa kanila.
Napansin ni Art ang malaking ipinamayat ng kanilang tiyuhin Ang dating maumbok na pisngi, ngayon ay humpak na. Ang dating bilugang katawan, ngayon ay manipis na. Sa kanyang pamamayat ay tila lumalim ang kanyang mga mata, tila nagmukhang hapis ang kanyang mukha at tila lumiit siya.
Sinabi ni Art kay Willie ang kanyang nasaksihan.
Mabilis ang pagpapasiya ni Willie,” Uuwi ako.”
“Kailan?”
Sinabi ni Willie kung kailan.
“Susunduin kita sa airport.”
“Hindi makapaniwala si Willie sa kanyang nasaksihan. Narito ang kanyang tiyuhin, na halos ay kanilang pangalawang ama, na sa kanyang paniniwala ay pinagsasamantalahan ng isang nilalang na dapat sana ay tumitingin sa kanya.
“May suspetsa ako na may hindi magandang nangyayari,” sabi ni Willie.
“Ano?” tanong ni Art.
“Sa palagay ko ay nilalason si Uncle.”
“Bakit mo nasabi iyan?”
“Nasa kanya ang lahat ng palatandaan ng nilalason.”
“May “Will” kaya si Uncle?” tanong ni Art.
“Hindi natin alam. May idea ako,” sagot ni Willie.
“Ano iyon?”
“Palagyan natin ng camera iyong kuwartong tulugan niya,” mungkahi ni Willie.
“Magandang idea iyan. Pa’no natin gagawin iyon?” tanong ni Art.
“Natatandaan mo pa ba ‘yong kababata natin, si Poncing, tunay na pangalan Ponciano Sandoval, na noon pa ay hilig na niyang maging pulis, ngayon ay mahusay na siyang pulis dito sa atin. Inspector na yata siya. P’wede natin siyang kausapin at itanong kung matutulungan niya tayo,” sagot ni Willie.
NA KANILANG ginawa at malugod naman silang pinaunlakan ni Inspector Sandoval.
KITANG KITA sa camera. Lungayngay si Arsenio dahil sa bisa ng gamot na ininom. Wala siyang liwanag ng isip upang lumagda sa ano mang kasulatan.
Pagkuwa’y gumalaw ang kaliwang kamay ni Elvira, Hinawakan nito sa wrist ang kanang kamay ni Arsenio at itinaas. Hinawakan ng hintuturo at hinlalaki nang kanang kamay ni Elvira ang hinlalake ng kanang kamay ni Arsenio. Kumilos ang kanang kamay ni Elvira patungo sa ink pad, hawak pa rin ng kanang kamay patungo sa ink pad. Bumaba ang hinlalake ni Arsenio sa paraang ang kanyang fingerprints ay mababasa ng tinta. Idiniin ng hinlalake ng kanang kamay ni Elvira ang hinlalake ng kanang kamay ni Arsenio. Pagkuway nagkulay itim ang hinlalake ni Arsenio.
Muling naglakbay ang kaliwang kamay ni Elvira patungo sa Last Will and Testament ni Arsenio. Bumaba ang hinlalake nang kanang kamay ni Arsenio sa paraang ang kanyang fingerprints at magmamarka sa bahagi ng Will na dapat sana ay lalagdaan ni Arsenio.
KINABUKASAN, upang makuha ng mga pulis ang spy camera na nagtala ng naganap nang nagdaang gabi ay inanyayahan nina Willie at Art ang kanilang Uncle Arsenio at Elvira na kumain sa isang mamahaling restaurant.
Sa simula ay tumanggi si Elvira, “May sakit ang Uncle ninyo.”
“Si Auntie naman,” sabi ni Willie. “Paminsan minsan lang kaming umuwi dito, ay bibiguin pa ninyo kami.”
Mandi’y nasukol si Elvira, “O sige na nga.”
Sa kanilang pag-alis, ang pangkat ni Inspector Sandoval na nagpapanggap na mga manggagawa ng Hydro ay nagtungo sa bahay ni Arsenio at inalis ang spy camera.
Sa presinto ay minasdan nila ang video at sinuri ang naganap.
Pagkalipas ng tatlong araw, dala ang warrant of arrest, ay hinuli si Elvira, dinala sa presinto at pansamantalang ikinulong.
PAGKARAAN ng dalawang linggo ay isinakdal siya ng fraud at attempted murder.
BUMUTI ang kalagayan ni Arsenio. Tinawagan niya ang kanyang kaibigang si Emilio at sinabi ang naganap.
“Talagang ganyan ang buhay, hindi lahat nang kumikinang ay ginto. Ituloy mo ang paghahanap, pero MAG-INGAT KA LANG, KAIBIGAN.”
Tweet