MAG-INGAT KA LANG KAIBIGAN (Part 3)
Sinulat ni
Rene Calalang
Scarborough, Canada
TOUR GUIDE si Elvira ng Superior Travel Agency. Karamihan sa kanilang mga parukyano ay mga Balikbayan at mga Tourists na nagmula sa iba’t ibang mga bansa, na karamihan ay mga retirado na, na sapagkat may panahon at may pera ay ginugugol na nila ang nalalabi pang panahon sa mga bagay na noon ay hindi nila magawa.
Iba-iba sila: May mga uugod-ugod na, na halos ay hindi na makalakad, o kung makalakad man, sila ay gumagamit ng walking cane. Mayroon naman na kagaya ni Arsenio, na nasa kalakasan pa ng buhay. Narito siya sapagkat gusto niyang makita ang maraming makasaysayan at magagandang mga lugar sa Pilipinas, na noon ay hindi niya magawa sapagkat tuon ang kanyang isip sa pagpapalaki at pagtulong sa naiwang pamilya ng kanyang kapatid.
Ang tipo niya ang hinahanap ni Elvira
Sa Intramuros, na bahagi ng Metro Manila Tour unang napansin ni Elvira si Arsenio.
“Saan ho kayo sa atin?” tanong ni Elvira ng siya ay makasingit na kausapin si Arsenio.
Sinabi ni Arsenio kung tagasaan siya.
“Ha, Ah e, tagaroon din ho ako.”
“Tingnan mo nga naman ano. Maliit talaga ang daigdig. Ano nga ba ang pangalan mo?”
“Elvira ho. Elvira Noche.”
“Ano nga ang pangalan ng mga magulang mo?”
Sinabi ni Elvira ang pangalan ng kanyang mga magulang.
“Ah, sila ba. Kilala ko ang mga iyon. Noong umalis ako ay batang maliit ka pa lang, na batang maganda. Pero mas maganda ka ngayon.”
Natawa si Elvira. ‘Hindi naman ho. Nakaayos lang. Kayo ho, nakita ko na kayo noong bata pa ako, parang hindi kayo tumatanda.”
Si Arsenio naman ang natawa. “O sige, huwag na tayong magbolahan. Mamaya, habang namamasyal tayo ay mag-usap tayo uli.”
NATAPOS ang tour, at itinanong ni Arsenio, “Pa’no ka umuuwi?”
“Sumasakay ho ako sa Toyota Tamaraw, pagdating sa kabayanan ay sumasakay ako sa tricycle hanggang sa amin. Kayo ho?”
“Kung gusto mo ay sumabay ka na sa akin. May susundo sa akin. Iyong inarkila kong maghatid sa akin ay siya ring susundo.”
“O sige ho, para makatipid, at saka para mas mabilis at mas komportable.”
Sa sasakyan, ng sila ay pauwi na, naisip ni Arsenio na si Elvira ang makatutulong sa binabalak niyang pagliliwaliw sa buong Pilipinas.
Binanggit niya kay Elvira ang kanyang balak, “Gusto kong makita ang buong Pilipinas. Hindi ko nakita ang Bohol. Hindi ko pa nakita ang Batanes. Hindi ko pa nakita ang Vigan. Pero may problema ako.”
“Ano ho iyon?”
“Wala akong kasama. Malungkot ang nagbibiyahe ng mag-isa. May alam ka bang Escort for Hire?”
“Marami ho diyan.”
“Ihanap mo nga ako.”
“Ano ho ang gusto ninyo. ‘Yong may kuwan o walang kuwan.”
Natawa si Arsenio. “Iyong walang kuwan dahil mahirap kumuwan sa mga hindi mo kilala dahil baka madali pa ‘ko ng sakit.”
Nangiti si Elvira. Sa kanyang isip ay kumislap ang isang plano. “Ako na lang ho dahil wala namang kuwan. Kung may kuwan ay hindi ako p’wede dahil hindi naman ako ang ganoong klase ng babae. Isa pa, kung ako ang pipiliin ninyo, makapapasyal din ako, libre pa.”
“Magaling. Ikaw na rin ang mag book ng tour natin dahil may experience ka naman.”
“Bago ho ako mag book ay may kundisyon akong hihilingin sa inyo.”
“Ano iyon?”
“Kailangan ho natin ang dalawang kuwarto. Isa para sa inyo at isa para sa akin.”
“Nauunawaan ko. O sige, payag ako.”
IYO’Y mga pamamasyal na dahil sa mga ipinakitang pakunwaring kabaitan ni Elvira ay unti-unti nang nahuhulog ang kalooban ni Arsenio, na siyang tunay na hangarin ni Elvira.
Alam ni Elvira na nagsisimula nang kumagat si Arsenio sa kanyang mga pain. Alam niya ngayon na kailangan niyang lalong pakagatin si Arsenio.
Sa simula ay ang pagpapakipot.
Tinangkang akbayan ni Arsenio si Elvira ng sila ay naglalakad sa cobble stone streets sa Vigan.
Ngunit siya’y sinaway ni Elvira. “Sir, hindi ako p’wedeng ganyanin dahil hindi naman tayo magkasintahan.”
“Oo nga pala. Nakalimutan ko. Kailan kaya tayo magiging magkasintahan.”
“Pa’no tayo magiging magiging magkasintahan gayong hindi ka naman nanliligaw sa akin.”
“Uso pa ba ngayon ang ligawan?”
“Hindi ho ako ganoong klaseng babae. Makaluma ako.”
Natapos ang kanilang pamamasyal sa Vigan na walang nangyari.
Si Arsenio ngayon ay bihag ng pananabik sa kagandahan ni Elvira.
SINABI ni Elvira kay Victoria ang nangyayari, “Kung magtatagumpay ay tiba-tiba ako. May bahay na, may lupa pa ‘ko.”
“Tutuluyan ka ba noon?”
“Bakit hindi?” Sa ganda kong ito, matatangihan ba niya ‘ko. At saka, matandang binata, siguradong sabik na sabik.”
“Tingnan ko nga.”
SA HOTEL sa Bohol ay tinangkang pumasok si Arsenio sa kuwarto ni Elvira. Hindi binuksan ni Elvira ang pinto. Sa halip ay nag text siya na kung maari ay magkita sila sa restaurant.
Na pinaunlakan ni Arsenio.
“Gusto kong bago may mangyari sa atin ay pakasal muna tayo,” sabi ni Elvira ng sila ay kumakain na ng hapunan.
“Iba na ang panahon ngayon.”
“Hindi ako kasama doon.”
“Kung sakali ay ano naming klase ng kasalan ang gusto mo?”
“Hindi ako pasikaterong tao. Sa akin, kahit kasal sa huwes ay ayos na. Ang mahalaga ay kasal tayo.”
“Hamo’t iisipin ko.”
“Kinakailangang mamili ka, kasal o tapos na tayo. Isipin mo?”
MGA GABING hindi siya makatulog. Mga araw na siya ay gising ngunit nakatunganga.
Madalas ay minamasdan ni Arsenio ang larawan ni Elvira. Nang-aakit ito, nag-aalok ng pananabik.
Malakas ang pang-akit niElvira. Narito ang isang babaeng mahirap tanggihan. Marahil, sapagkat siya, sa kanyang kabataan ay maraming hindi natikman. Marahil, ngayong siya ay nasa hulihang yugto na ng kanyang buhay, ay gusto niyang damahin ang mga hindi niya nadama – bago mahuli ang lahat.
At sinong lalake ang tatanggi kay Elvira. Narito ang isang babaeng muling magpapasigla sa kanyang pagkalalake – na matagal natigil.
Nanaig ang paghahanap ng lunas sa kalungkutan ni Arsenio.
MULI, sinabi ni Elvira kay Arsenio ang nangyayari.
“Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo dahil sa mga ginagawa mo?”
“Bakit ako mahihiya. Siya naman ang humahabol sa akin. Hindi ko naman siya inaalembungan.”
“Sira ka talaga.”
IYO’Y isang simpleng kasalan sa huwes na ginanap sa Batanes, na ang saksi lamang ay ang Mayor at ang kalihim nito.
MAY KARUGTONG
Tweet