MAG-INGAT KA LANG KAIBIGAN (Part 2)
Sinulat
ni Rene Calalang
Scarborough-ON, Canada
SAMANTALA ay limampu at tatlong taon na si Arsenio, na tumandang binata. Ngayong wala siyang pinag-uukulan ng pera at panahon ay nakaramdam siya ng pangungulila. “Nalibang,” sabi niya sa kanyang sarili.
Humihingi siya ng payo sa kanyang kaibigang si Emilio
“Walang problema iyan. Madali kang makakakita kung gusto mo, maging dito o sa atin, ikaw pa ang mamimili dahil professional ka at may magandang trabaho, may edad na nga lang.”
Natawa si Arsenio.
“Kahit may edad ay hindi ka pa naman laos,” pagpapatuloy ni Emilio.
Lumakas ang tawa ni Arsenio.
“At saka, lalake ka, at ang lalake ay matagal bago kupasan, pero MAG-INGAT KA LANG KAIBIGAN.”
“Bakit?”
“Sa panahon ngayon, marami ang naghahanap ng masisilungan.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Ang ibig kong sabihin, marami ang kunwari ay mahal ka, pero ang totoo ay may pailalim na hangarin. Kung nakuha na nila ang gusto nila, goodbye na lang. Bibigyan kita ng halimbawa.”
“Sige nga.”
“Si Ronald na kasama ko sa trabaho ay naghahanap ng mapapangasawa ng kanyang mga pamangkin sa Pilipinas. Katunayan ay dalawa na ang kanyang naihanap.”
“Ano’ng nangyari?”
“Iyong isa ay sinuwerte at iyong isa ay minalas.”
“Bakit? Ano’ng nangyari doon sa sinuwerte?”
“Iyong natapat sa kanya ay mabait, maasikaso, mapagmahal.”
“Suwerte naman niya.”
“Suwerte talaga.”
“Iyong isa?”
“Iyon ang minalas.”
“Bakit?”
“Iyong natapat sa kanya, may lihim palang itinatago.”
“Ano’ng lihim?”
Huminga si Emilio nang malalim bago nagpatuloy. “Tomboy pala iyong natapat doon sa isa, at hindi lang tomboy kung hindi iyong tomboy na dominante. Ang hirap nito ay ito.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“May kalambutan iyong minalas, kaya ang nangyari, ang naging boss sa kanilang bahay ay iyong tomboy. At hindi lang iyon ang masakit.”
“Ano pa?”
“Hindi nagtagal ay nagkaroon ng kabit ang tomboy, at alam mo ang nangyari?”
“Siempre hindi.”
“Iniuwi ng tomboy ang kanyang girlfriend sa kanilang bahay.”
“Ang sakit naman noon, ang asawa mo may kinakasamang iba. Bakit hindi na lang niya hiwalayan.”
“Gusto niya, pero hindi niya magawa.”
“Bakit naman?”
“Dahil takot siya sa tomboy. Sinabi yata sa kanya na kapag pinaalis niya sila ay sasaktan niya ang kanyang dalawang anak na babae na nagsasarili na.”
“Nananakot lang iyon. Ang kapal naman ng mukha ng taong iyon. Dapat ay lumipat siya ng tirahan kasama ang girlfriend niya.”
“Hindi maari.”
“Bakit hindi?”
“Walang trabaho ang tomboy.”
“Oh my God.”
“Alam mo pa ang nangyari, sa stress noong minalas, naatake. Ngayon ang kanyang maiiwanang bahay ay pinag-aawayan ng kanyang asawang tomboy at dalawang anak na babae.
“Ano’ng nangyari?”
“Ang nakamana ng bahay ay iyong asawang tomboy.”
“Paano nangyari iyon?”
“Bago namatay iyong si lalake ay napapalitan yata ng tomboy na siya ang gawing beneficiary sa kanyang “Last Will and Testament.”
“Paano nangyari iyon?”
“Kung under duress ay hindi natin alam. Pero, ang lahat ay legal.”
“Ano’ng maipapayo mo sa akin?”
“Hindi ko naman sinasabing mangyayari sa iyo ito, pero MAG-INGAT KA LANG, KAIBIGAN.”
SA KABILANG panig ng daigdig, si Elvira, na isang mapangaraping babae ay nangangarap.
Mataas ang kanyang pangarap ngunit sa kanyang kasalukuyang trabaho, na isang tour guide, ang kanyang mataas na pangarap ay mahirap makamit.
Ipinasiya niya na pupuhanin niya ang kanyang aring ganda. Nasa kasibulan siya ng buhay, nasa kasariwaan ng pagkadalaga, nasa kataasan ng pangarap.
Humingi siya ng payo kay Victoria, na kanyang kaibigan, at alam ang kanyang pagiging mapangarapin.”
“Gusto kong makamit ang aking pangarap, sa pinakamabilis na paraan.”
“Lahat ng tao ay gustong matupad ang pangarap sa pinakamabilis na paraan. Ang problema ay kung papaano.”
“Naniniwala ka ba na pag may bigay na biyaya sa iyo ang Diyos ay kailangang gamitin mo.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Halimbawa ay ako.”
“Ikaw ay ano?”
“Tingnan mo ‘ko. Hindi sa nagbubuhat ng sariling bangko ay maganda ako. Tingnan mo ang lusog ng aking dibdib, ang ganda ng aking binti, ang hugis ng aking katawan, ang kinis ng aking kutis, ang aking taas. Binigay sa akin ng Diyos ito, kaya kailangang gamitin ko.
“May binabalak ka?”
“Thank you?”
“Ano’ng balak mo?”
“Maghahanap ako ng lalaking may pera. Ke matanda, ke bata, ke ay hindi mahalaga. Ang mahalaga ay iyong may makukuha ako sa kanya.”
“Maggo-gold digger ka?”
Tumango si Elvira. “Iba na ang buhay ngayon. Kinakailangang praktikal ka.”
“Kung minsan ay gusto ko ng maniwala sa iyo.”
“Pag hindi ka praktikal ngayon ay mamamatay ka ng dilat ang mga mata.”
“Pa’no ‘yong tinatawag na pag-ibig.”
“Pag-ibig, mayroon pa ba niyan? Pag nagugutom ang tao, at saka kung may pangangailangan kang gusto mong makamtan, nawawala ang pag-ibig.”
“Pa’no ‘yong katulad ko? May
boyfriend ako. Mahal ko siya at alam kong mahal din niya ako. Hindi ko siya p’wedeng iwanan, dahil baka ‘ika ko, may mangyari sa amin. Kaya kahit mahirap lang kami rito ay maligaya kami.”
“Nasasaiyo iyo iyan, talagang ganyan ang tao, iba-iba.”
“Papaano mo gagawin ang binabalak mo?”
“Sa trabaho ko, maraming mga biyudo, diborsiyado, matandang binata ang madalas na sumasama. Maghahanap ako ng isa sa kanila.”
MAY KARUGTONG
Tweet