MAG-INGAT KA LANG KAIBIGAN - (Part 1)
Sinulat ni Rene Calalang
Scarborough, Canada
June 23, 2015
ULILANG lubos na ang magkapatid na Arsenio at Eugenio. Namatay ang kanilang mga magulang ng ang bus na kanilang sinasakyan patungong Baguio, upang ipagdiwang ang kanilang silver wedding anniversary ay nahulog sa bangin.
Dalawampu at isang taon noon si Eugenio ngunit may dalawa ng anak (na sina Willie, na tatlong taong gulang; at si Art na isang taon) dahil labimpitong taong gulang pa lamang siya at katatapos nang mataas na paaralan ng siya at ang kanyang kamag-aral at kasintahang si Luisa ay magtanan.
Dalawampu at tatlong taong gulang noon si Arsenio at nasa huling taon sa U.P. at kumukuha ng Accounting.
Mahal na mahal ni Arsenio ang kanyang nakababatang kapatid lalong lalo na hindi ito nakatapos at may dalawa itong anak.
Sa pagkamatay ni Eugenio ay ipinaubaya na ni Arsenio kay Eugenio ang kanilang bukid.
PAGKATAPOS ni Arsenio ng pag-aaral, dahil sa siya ay may angking talino, ay madali niyang naipasa ang Board, at madali din siyang nakakita ng trabaho.
Sa inaani sa bukid at sa kanyang kita ay maluwag silang nabubuhay, at katulad nang maraming lalakeng Pilipino, ay nakakaya pa nilang manood ng PBA basketball.
ISANG ARAW, ng sila ay naglalakad sa isang maliit at madilim na iskinita (na shortcut patungo sa paradahan ng jeepney na kanilang sasakyan pauwi sa kanilang bayan) pagkatapos nilang manood ng basketball, ng sila ay harangin ng dalawang, sa kanilang palagay ay mga professional holdupper.
Sinabayan sila ng dalawa, isa sa tagiliran ni Arsenio at isa sa tagiliran ni Eugenio. Sinabi sa kanila na ibigay sa kanila ang lahat ng kanilang pera at mga alahas, at walang mangyayari sa kanila, kung hindi ay sorry na lang.
Hindi kalakihan ang dalawang holdaper at payat pa. Sa pakiwari ng magkapatid nang magtama ang kanilang mga mata ay kaya nilang igupo ang mga ito.
Na kanilang tinangkang gawin.
Ngunit ang isa, nang inaakala na wala silang laban sa magkapatid ay nagbunot ng panaksak. Pagkuwa’y kumislap sa dilim ang talim ng panaksak at iyon ay naglakbay patungo sa dibdib ni Arsenio. Nakita ito ni Eugenio sabay sigaw ng, “KUYAA!!!” at tulak kay Arsenio, na tinangka rin niyang agawin ang panaksak.
Naganap ang hindi inaasahan. Ang tinamaan ng saksak ay ang puso ni Eugenio.
Nang makita iyon ng kanyang kasama ay sumigaw ito, “TAMA NA! TAKBO NA! BAGO MAY MAKAKITA SA ATIN.”
Na kanilang ginawa.
Nagsisigaw na humingi ng tulong si Arsenio.
Nakahiga si Eugenio sa sementadong kalsada. Patuloy ang pagtagas ng kanyang dugo. Paluhod na sinapo ng kaliwang kamay ni Arsenio ang ulo ni Eugenio at itinaas. May ibinulong si Eugenio kay Arsenio, mahina ngunit maliwanag, “KUYA, BAHALA KA NA SA MAG-INA KO.”
Dahan dahang ipinikit ni Eugenio ang kanyang mga mata.
IPINANGAKO ni Arsenio, na isasakripisyo niya ang kanyang sarili kung kinakailangan upang matulungan ang naiwang mag-ina ni Eugenio.
UPANG maiwasan ang tsismis ng mga may makakating dila ay ipinaubaya na lamang ni Arsenio ang kanilang lumang bahay sa naiwang mag-iina ni Eugenio. Umuuwi na lamang siya doon upang ibigay ang ipinangakong sustento, kumustahin sila at bigyan nang karagdagang tulong kung kinakailangan.
May trabaho si Arsenio bilang Accountant sa Precision Manufacturing Co. sa Pasig ngunit ang kanyang kita ay sapat lamang upang matustusan ang kanyang mga pangangailangan gayundin ang sa mag-iina.
UMPISA pa lamang ng kanilang pag-aaral ay kinakitaan na ng di pangkaraniwang kakayahan sina Willie at Art. Kasama pa dito ang hilig nila sa pagsali sa mga extra curricular activities, na nangangahulugan na karagdagang gastos.
Sa pagsali sa maraming mga extra curricular activities ng magkapatid ay nangangahulugan na kailangang lakihan niya ang sustento sa mga ito. Iniisip din niya na di na magtatagal ay mag-aaral sila sa pamantasan, na nangangahulugan din na kailangan nila ang mas malaking tulong.
Iisa lamang ang nasa isip niya upang matupad iyon – ang mag-abroad. Pinili niya ang Canada.
NAGTAPOS si Willie nang mataas na paaralan bilang class valedictorian. Nagsabi siya kay Arsenio na gusto niyang kumuha ng medicine.
“Magaling. Pagbutihin mo,” sabi ni Arsenio ng isang araw ay nag-usap sila sa telepono. “Matutuwa ang Daddy mo, na kahit na nasa langit siya ay sinusubaybayan niya kayo.”
Pagkatapos nang dalawang taon ay si Art naman ang nagtapos na Valedictorian din. Kagaya ni Willie ay humingi siya ng tulong kay Arsenio na tulungan siya.
“Ano naman ang kukunin mo?” tanong ni Arsenio.
“Law po.”
Natuwa si Arsenio kahit na hindi siya sigurado kung kaya niya. “Ah, bahala na,” sabi niya sa kanyang sarili. “Maigagapang ko rin siguro.”
May hiniling siya kay Art, “Basta kung tapos ka na ay huwag kang magiging corrupt, kagaya ng iba. Ipangako mo ha?”
“Hinding hindi po. Sa ngalan ni Tatay at kayo. Ipinapangako ko.”
LABING APAT na taon ang mabilis na lumipas, na sa matiyagang pagsubaybay ng ina nina Willie at Art at sa tulong ni Arsenio, ay nakatapos na sina Willie at Art. Naipasa na rin ni Willie ang Board; at si Art naman ay ang BAR.
TATLONG TAON pa ang lumipas. Sa patuloy na paghirap ng buhay ay marami na ang nagsialis at marami pa rin ang nagbabalak umalis upang doon sa banyagang lupa, sa ibayong dagat at sa piling ng ibang lahi, ang kanilang naunsiyaming mga pangarap ay mabigyan ng katuparan.
Kasama sina Willie at Art sa mga nagsialis - sa Australia sila nag migrate. Madali silang nakakita nang magandang trabaho. Sa gabi ay kumukuha sila ng mga kurso upang ang kanilang pinag-aralan ay magamit.
Pagkalipas ng dalawang taon ay nakuha na nila ang kanilang ina. Dalawang beses na rin nilang pinagbakasyon si Arsenio sa Australia.
MAY KARUGTONG
Tweet