PAG-IBIG AT PANGANGAILANGAN ((Part 2)
Sinulat ni Rene Calalang
Scarborough-Canada
May 11, 2015
Lumakad sila patungo sa restaurant at doon sa tila cubicle sa pinakamalayong sulok, sila ay naupo sa apatang mesa.
Lumapit sa kanila ang nakaitim na pantalon, puting pang-itaas na waiter, dala ang menu. “Good morning Sir, Mam,” bati ng waiter.
Magalang na ibinaba ng waiter ang menu. “Sir, pakitawag lang ho ako kung nakapamili na kayo.”
Binasa ni Crisanto ang menu. Nagpasiya siya kung ano ang kanyang gusto. Ibinigay niya kay Evita ang menu. “Ikaw naman.”
Namili si Evita.
Kinayawan ni Crisanto ang naghihintay na waiter na nasa counter.
Dumating ang waiter. Itinala nito ang order nina Crisanto at Evita.
Sa mesa nila ay maingat na nakapuwesto ang set ng porcelain china at stainless steel na kubyertos. Mayroon ding apat na baso, tigdalawa sila, na ang isa ay may lamang spring water at ang isa ay may lamang tubig ng niyog.
Sumimsim ng tubig ng niyog si Evita. Pagkainom ay ibinaba niya ang baso.
Dumating ang kanilang pagkain. Habang kumakain ay napansin ni Crisanto na si Evita ay sumusulyap sa kanya, mandi’y may gustong sabihin ngunit nahihiyang sabihin.
Nauunawaan iyon ni Crisanto. Siya na ang nagsimulang magsalita, ‘Bakit mo sinagot ang ad ko gayong alam mo namang may kapansanan kami?”
“Sasabihin ko sa iyo pag sinabi mo sa akin kung bakit ako ang pinili mo”
Walang pangimi ang sagot ni Crisanto, “Sa lahat ng sumagot sa akin, at daan sila, ay ikaw, para sa akin ang tama.”
“Bakit mo nasabi iyan?”
“Hindi ko alam. Pero tila may nagbubulong sa akin na ikaw ang tamang babae.”
“Sa pakiramdam mo ay ako.”
“Oo.”
“Thank you.”
“Ikaw. Bakit mo ‘ko pinatulan?”
“Dahil sa pangarap ko.”
“Ano’ng pangarap mo?”
“Gusto kong makapag-aral para maging doctor. Gusto kong umasenso. Gusto kong makapaglakbay. Gusto kong isang araw ay bumalik dito sa atin para tumulong.”
“Mapangarapin ka?”
“Oo.”
“Good. Gusto ko ng taong mapangarapin. Pero bakit ka papatol sa akin na may karamdaman at may edad na gayong marami ka namang makikita rito. Sa ganda mong iyan ay siguradong madali kang makakakita.”
“Hindi ko alam. Naakit lang ako dahil sa sense of humour mo. ‘Kako, kung ang tao ay may sense of humour, siguradong madali itong kasamahin at masayang kausap.”
“Pero alam mong may sakit ako at may anak na may disability.”
“Doon mo ‘ko masusubukan. Sa oras ng kagipitan at pangangailangan nasusubukan ang katapatan ng isang tao. Ano pang dahilan kung bakit ako ang pinili mo.”
“Ganoon din, dahil sa sense of humour mo. ‘Kako kung may sense of humour ka at may sense of humour ako, siguradong parati tayong masaya, huwag lang gagrabe ang mga sakit ko.”
“Mga sakit. Bakit? Ano ano ba ang mga sakit mo?”
“High Blood, Diabetis at saka Chronic Kidney Disease.”
“Ang dami naman. Paano mo nakuha ang mga iyan?”
“Iyong high blood, dahil marahil sa stress ko sa trabaho kaya ako maagang nagretiro. Iyong diabetis, namana ko siguro, lahi namin. ‘Yong chronic kidney disease, dahil sa aksidente.”
“Mahirap pala ang kalagayan mo kaya pala naghahanap ka nang tamang tao na makakasama. Hindi kaya maganda kung nurse o doctor o isang ina ang dapat na pinili mo.”
“Wala sa natapos ang tamang nilalang na akma sa ano mang kalagayan. Nasasa tao iyon. Sa paniniwala ko ay ikaw ang tamang babae para sa akin.”
“Sana nga.”
Dumating ang kanilang pagkain.
Habang sila ay kumakain ay napansin ni Crisanto na tamilmil si Evita. “Wala ka yatang gana,” puna ni Crisanto.
“Hindi ako sanay sa ganitong klase ng restaurant. Kasi, pag kumakain ako sa labas, kadalasan ay sa mga turo-turo lang.”
“Ang humble mo naman.”
“Iyan ang totoo.”
Marami pa silang pinag-usapan habang kumakain, na karamihan ay may kinalaman sa personal na buhay.
Nagwakas ang kanilang unang pagkikita na nagtakda na sila ay muling magkikita sa lobby din ng Eternity Hotel upang palawigin ang kanilang pagkikilala at pag-usapan ang kanilang hinaharap.
ANG MGA sumunod na pagkikita ay patuloy na kuwentuhan sa buhay-buhay at sa mga nagaganap sa Pilipinas at sa daigdig.
Malaunan, iyon ay nauwi sa isa sa mga pangarap ni Crisanto – ang makita ang magagandang mga lugar sa Pilipinas.
“Matagal na akong wala sa atin. Marami na akong napuntahang mga lugar sa daigdig lalong lalo na sa Europa at Middle East. Pero ang hindi ko pa nakikita ay ang bansa natin. Gusto kong samahan mo ako sa pamamasyal sa bansa natin.”
“Tamang tama. Nasa Palawan ka na. Isa ito sa isla na maipagmamalaki natin. Isa ito sa mga isla na hindi pa natin nasisira, pero may mga tao na gusto nang umpisahang sirain. Hindi pa nasisira ang eco system dito. Tambak pa ang rainforest dito at ang wild life ay sagana. Narito rin ang dalawang World Heritage Sites: ang Puerto Princesa Underground River at ang Tubbataha Reef. Narito rin ang pinakamalaki sa daigdig na bilangguang walang bakod, ang Iwahig Penal Colony.”
“Narinig ko ng lahat ang mga iyan. Kaya bilang simula ng ating kasunduan ay gusto kong ipasyal mo ako sa mga lugar na sinabi mo. Mabalik tayo sa kasunduan, gusto mo bang mayroon tayong pinirmahang mga papeles.”
“Para maging tama ang lahat, dapat ay may pipirmahan tayo. Pero dahil sa pakiwari ko ay mapagkakatiwalaan kita at mapagkakatiwalaan mo rin ako, p’wede rin ang wala. Ang mahalaga ay mayroon tayong mutual trust.”
“Bihira ko nang marinig ang salitang iyan.”
“Ang salitang ano?”
“Ang mutual trust.”
“Dahil nga sa ang daigdig ay iba na. Marami na ang nagpapatayan ng dahil sa pera.”
“Ilan kaya ang katulad mo kung totoo ito.”
“Marami pa rin. Pero pakaunti ng pakaunti.”
IYO’Y isang hindi tuloy-tuloy na pamamasyal dahil sa kalagayan ni Crisanto.
Limang linggo ang kanilang ginugol upang masinsinang makita ang magaganda at makasaysayang mga tanawin sa Palawan Archipelago.
Lubos ang paghanga ni Crisanto. “Tingnan mo nga lang ano, kung hindi ako nagkasakit ay baka hindi ko nakita ang mga nasaksihan ko.”
“Marami kasi sa atin, masyadong madaling makalimot at saka masyadong negative. Sana, sa nakita mo ay magbago ang paniniwala mo.”
“Hindi ako kasama sa pangkat ng mga nakalimot.”
MAY KARUGTONG
Tweet