KASABIHANG FILIPINO
“ANG TAONG NAGIGIPIT, KAHIT SA PATALIM KUMAKAPIT”
Sinulat; Ven Del Pilar Faundo KCR
Sun 22nd April 2012
Hagonoy , Bulacan, Philippines
Toronto, Ontario, Canada
Ang larawang nakikita natin dito sa kasabihang ito ay isang taong nahuhulog sa bangin at para makaahon ay kailangang kumapit sa tulis ng isang patalim. Wala na siyang pagpipilian maliban sa patalim na ito lamang ang maaaring gamitin sa oras na iyon at alam niyang kapag siya ay kumapit ay masusugatan ang kanyang kamay o kaya ay ang malalim na bangin at batuhang nag-aatay sa kanya sa ilalim upang lurayin ang kanyang katawan at baliin ang kanyang mga buto.
Ang kasabihang " ang taong nagigipit, kahit sa patalim kumakapit " ay madalas nating marinig kapag ang isang tao ay napipilitang umutang ng patubuan sa Bombay o sa kanyang kapit-bahay kahit alam niyang ang tubo ay napataas at hindi naaayon sa batas. Alam din niyan mahirap
makabayad at kadalasan ay lalong lumalaki ang pagkakautang at lalo lamang nababaon sa utang. Naririnig din natin itong kasabihang ito kapag ang isang tao ay lubhang kinakapos sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan at wala siyang mabalingang lunas sa kanyang dinadalang problema. Siya ay kailangang kumapit sa patalim kahit alam niyang sa bandang huli ay kapahamakan ang kanyang hinaharap. Sasama siya sa panghoholdap o pagnanakaw sa bangko kahit alam niyang malaki ang kaparusahan nito kapag siya ay nahuli. Itataya niya ang mahabang pagkabilanggo para maibsan ng panandalian ang kasalukuyang kawalan at pangangailangan.
Marami din lalo na sa mahihirap na lugar tulad ng Baseco at Payatas ay napipilitang magbili ng lamang loob tulad ng bato o kidney bagamat alam nilang manghihina sila at madadali ang buhay nila. Sa nakatutuksong halaga ipinagbibili nila ang isa sa kanilang kidney. Hndi lamang sila kamakapit sa patalim bagkus hinahayaan at pinapayagan nilang lurayin ng patalim o scalpel ang kanilang katawan para makuha ang kidney.
Alin man sa nakalulumong eksena na aking nabanggit ay nakalulungkot na mangyari sa sarili. Kaya, kung maaari para maiwasan ang kahit na alin sa mga ito, ay piliting huwag mapunta sa bingit ng bangin. Huwag nating bayaang kapusin tayo sa pangangailangan. Magplano para sa
kinabukasan. Mag-aral, magtrabaho, magtiyaga, mag-impok at gumastos lamang na tama sa kinita at huwag masyadong maging parangya o pasikat.