KUNG SAAN KA MALIGAYA…AMA - Part 3
Sinulat ni
Rene Calalang
Scarborough-ON-Canada
BILANG pasimula ng pagpapaligaya kay Mang Eugenio ay isinama siya ni Ursula na magtingin ng luxury condo, na kung magugustuhan ni Mang Eugenio ay bibilhin ni Ursula para sa kanya.
Ipinakita sa kanila ng sales lady ang model suite, na upang maakit ang mga parukyano, ay inayos at pinalamutian ng isang professional interior decorator.
“Ganito ama, kung magugustuhan ninyo ang magiging tirahan ninyo.”
Umasim ang mukha ni Mang Eugenio. “Ang anak ko naman, alam mo naman na wala sa panaginip ko ang tumira sa ganitong uri ng tirahan.”
“Masasanay din ho kayo.”
“Hindi siguro Anak. At saka maiinip ako. Gusto ko iyong parati akong may ginagawa gaya ng pagga-garden at pag-aalaga ng manok at mga halaman. ‘Pag ipinatira mo ‘ko dito, siguradong madadali ang buhay ko.”
“Kayo po ang bahala. KUNG SAAN KA MALIGAYA, AMA.”
MAHILIG sa boksing si Mang Eugenio – hilig na nagmula noong kanyang kabataan, na kapanahunan ni Flash Elorde, na noon ay idolo ng bansa.
Alam iyon ni Ursula, kaya bilang bahagi ng pagpapaligaya niya ay ipinasiya niyang dalhin si Mang Eugenio sa Las Vegas upang panoorin si Manny Pacquiao. Titigil sila sa isang five star hotel, at kung gusto ng kanyang ama, sa gabi ay magka Casino sila.
Ngunit pinagalitan siya ng kanyang ama ng sabihin niya na magsugal sila.”Ang batang ire, alam mo namang wala akong hilig diyan. At saka iyong perang ipatatalo ko riyan, ipapadala ko na lang sa mga pamangkin mo.”
“Pero ama, baka manalo tayo.”
“Sa sugal anak, malamang ang talo kaysa panalo.”
“Kayo po ang bahala, KUNG SAAN KA MALIGAYA, AMA.”
Pagkatapos nilang manood ng laban ni Manny Pacquiao, ay nagpunta sila sa Hoover’s Dam – na isa sa mga Engineering Wonder of 1900’S.
“Ito ang pinakamagaling na pagpupundar ng koryente. Binibiro mo, tubig ang ginagamit kaya walang lason ng ibinubuga sa kalawakan,” sabi ni Mang Eugenio pagkatapos ng tour.
PAGKATAPOS ay tumuloy sila sa Grand Canyon.
“Tingnan mo nga naman ang nature. Ang laki nito at haba ay naganap. Walang mangyayari sa balat ng lupa basta kagustuhan ng Diyos.”
ISINAMA ni Ursula si Mang Eugenio sa isang linggong bakasyon sa Paris. Nasisiguro ni Ursula, na sapagkat mahilig sa History si Mang Eugenio ay magugustuhan niya ito.
Humanga sila sa sa dami ng magagandang museum dito, ngunit lubos ang kanyang paghanga ng magpunta sila sa Louvre dahil sa dami ng Renaissance Paintings dito, namumukod tangi ang Monalisa. Nagpunta sa Versailles at hindi sila halos makapaniwala sa laki nito at sa dami ng makikitang may kinalaman sa kasaysayan ng France.
BILANG BAHAGI nang dumating na magandang kapalaran ay bumili si Laura ng isang maliit na mansion sa labas ng lunsod. Kahanay nito ang mga milyonaryo, na kalipunan nang iba’t ibang lahi. Nag hire si Ursula ng interior decorator upang hindi magmukhang mumurahin ang loob ng mansion.
Bumili siya ng Lexus na SUV bilang kanyang sasakyan.
Ng handa na ang lahat ay sinabi niya kay Mang Eugenio na sa katapusan ng buwan ay lilipat sila sa kanilang bagong tirahan.
“Saan?” tanong ni Mang Eugenio.
“Diyan po sa suburb.”
“Hindi ba malayo iyon.”
“Hindi naman po. Kaya lang ay kailangang kumuha kayo ng lisens’ya ninyo, tutal ay marunong naman kayong magmaneho. At siyempre, ibibili ko kayo ng sasakyang gusto ninyo.”
“Titingnan natin.”
PUMAYAG si Mang Eugenio na magtangka siya na kumuha siya ng lisensiya, na madali naman niyang natamo.
Itinanong sa kanya ni Ursula kung ano’ng sasakyan ang gusto niya.
“Iyo’ng mumurahin lang. Ayoko ng masyadong hi tech, dahil pag nasira iyon ang mahal ipagawa.”
“Ano naman ama ang gusto ninyo?”
“Toyota Corolla o Honda Civic, anak. Balita ko ay very reliable ang mga iyon.”
“Kung ako kayo ama, ang pipiliin ko ay “All Wheel Drive” dahil mas safe kayo kung winter.”
“Ano naman ang mairerekomenda mo?”
“Iyong sa akin ay Lexus. Lexus na rin ang bibilhin ko para sa inyo.”
“Masyadong mahal iyon, at saka masyadong maraming option. Wala bang mura mura?”
“Mayroon ama. Iyong Toyota RAV 4. Mahusay daw iyon.”
“Balita ko nga. O sige, iyon na rin ang sa akin.”
KAY MANG EUGENIO, pansamantala ang ligayang dulot ng pamamasyal, pagsa shopping, panonood ng basketball ng Toronto Raptors at baseball ng Toronto Blue Jays panonood ng mga shows gaya ng broadway at mga concert ng mga sikat na manganganta sa North America at Pilipinas.
Ngunit wala sa makabagong pamumuhay ang kaligayahan ni Mang Eugenio, kundi naroon pa rin sa kanyang kinalakihang simpleng pamumuhay, na alam niya na kahit marami ng taon ang nakalilipas, dahil sa ang lugar na kanilang pinanggalingan, ayon sa kasabihan ay “Malayo sa Kabihasnan,” na sa patuloy ring pag-alis ng mga tao, ang maliit na bahagi ng kanyang nilakihang kapaligiran ay naroon pa rin - bahagi na gusto niyang balikan.
Napansin ni Ursula na malungkot si Mang Eugenio. Kung ito’y nasa bahay, mandi’y hindi sapat ang nakapaligid na kasaganaan upang ito’y lumigaya. Gayunman ay hindi siya nagpahalata. Gusto niyang si Mang Eugenio ang magsabi sa kanya kung mayroon itong gustong gawing pagbabago.
Na naganap.
KINAUSAP ni Mang Eugenio si Ursula, “Anak, alam kong ginagawa mo ang lahat ng magagawa mo para mapaligaya ako. Pero, talagang sa edad kong ito, ang buhay dito ay ‘di angkop sa akin.”
“Baka ama nami miss lang ninyo ang mga kaibigan ninyong kausap at kasamang naglalakad kung kayo ay nagpupunta sa mall. Maari naman kayong magpunta roon, palipasin lang ninyo ang traffic.
“Hindi anak. Talagang parang may kulang sa buhay ko, na parang may hinahanap ako.”
“Palagay ninyo ay hindi ninyo matatagpuan iyon dito, kung ano man iyon?”
“Sa palagay ko’y hindi. Marahil ay sa atin lamang dahil doon nakalibing ang iyong ina.”
“Nauunawaan ko po, ama.”
“Salamat, anak. Gusto ko nang umuwi at kung mamamatay ako ay gusto kong doon din malibing, katabi ng libingan ng iyong ina.”
“Kailan po ninyo gustong umuwi?”
“Sa kalagitnaan ng Oktubre, anak. Tamang tama iyon¸ bago lumamig at bago mag-undas, para mabisita ko tuloy ang libing ng iyong ina.”
SA AIRPORT, bago pumasok si Mang Eugenio sa gate ay niyakap niya si Ursula, “Dadalawin mo ko doon, ha?”
“Opo, ama.”
“Nauunawaan mo ‘ko.”
“KUNG SAAN KA MALIGAYA AMA ay doon ka dahil hangad ko ang kaligayahan mo.”
MAY KARUGTONG
Tweet