Atang de la Rama: Reyna ng Kundiman
Ni Renato Perdon
Sydney, Australia
January 10, 2015
Kinilala siya bilang isa sa pinakamasigasig na tagapagtaguyod ng identidad o pagkakakilanlan ng kulturang Pilipino. Kahit noong panahon ng mga Amerikano na ang sariling kulturang Pilipino ay unti-unting natatakpan ng kulturang Kanluranin, walang-takot niyang ipinaglaban ang pananaig ng kundiman, isang uri ng awiting Pilipino.
Ang kaniyang pagmamahal sa sariling atin ay nabigyan ng daan sa mga sarsuwela, mga dulang musikal na kaniyang ginampanan. Pinaksa ng mga dulang napabantog ang mga isyung panlipunan, tulad ng usurya, sabong at kaisipang kolonyal ng mga Pilipino.
Si Honorata de la Rama, lalong kilala sa palayaw na ‘Atang’ ay ipinanganak noong 11 Enero 1902 sa Pandakan, Maynila. Bata pa siya nakahiligan na ni Atang ang musika. Sa gulang na pitong taon, lumalabas na siya sa mga sarsuwelang Kastila. Ngunit sa mga sarsuwelang Pilipino napako ang kaniyang talino. Sa gulang na labindalawang taon, pinag-aral siya ng musika ng kaniyang kapatid sa ilalim ng pagtuturo ni Maestro Leon Ignacio. Dahilan sa angking talino ni Atang, pinagpasiyahan ni Maestro Ignacio at ni Hermogenes Ilagan na lumikha ng isang sarsuwela na nababagay sa ganda at talino ni Atang at ito ay ang napabantog na
Dalagang Bukid.
Dinumog ng tao ang pagtatanghal ng sarsuwela. Labing-apat na taon pa lamang noon si Atang, ngunit hinahangaan na ng madla ang kaniyang kakayahan sa pagkanta. Suot ang magarang balintawak inawit niya ang ‘
Nabasag ang Banga’. Ang sarsuwelang ito ay ipinalabas sa entablado ng pitong daan at dalawamput’t apat na ulit. Ang kabantugan ng
Dalagang Bukid ay pinatunayan ng isalin ito sa pelikula. Dahil sa katanyagan ni Atang, siya ang napiling lumabas sa pelikula. Masasabing si Atang ang kauna-unahang artistang babaing lumabas sa kauna-unahang pelikulang Pilipino.
Kahit na lumalabas sa entablado, alam ni Atang ang kahalagahan ng edukasyon, kaya nagsikap siyang makapag-aral sa kolehiyo. Kahit hirap sa kaniyang mga gawain, natapos ni Atang ang Batsilyer sa Parmasya sa Pamantasan ng Centro Escolar noong 1922. Naging tanyag din si Atang bilang prodyuser/manedyer na nagturo at naghasa sa mga batang artista na napabantog din sa larangan ng teatro at musikang Pilipino. Siya ay naging manunulat-prodyuser din ng mga dulang tulad ng
Anak ni Eva at
Bulaklak ng Kabundukan. Dahil sa kaniyang mga nagawa, tinagurian si Atang de la Rama na Reyna ng Kundiman at Reyna ng Sarsuwela.
Ang kanyang gawain ay pagmamahal sa sariling atin ang nagtulak sa kanya na tumungo at magtanghal sa mga lalawigan at mga baryo. Kahit sa sabungan at iba pang pook, hindi siya namili ng pagtatanghalan. Siya marahil ang artistang masasabing nagtanghal kahit sa liblib na pook ng Pilipinas na hindi napupuntahan ng mga taga-lungsod. Dinala niya ang mga awiting Pilipino sa mga pook ng mga negrito ng Zambales at Sierra Madre, sa mga Bagobo ng Dabao at Lumad ng Mindanao.
Upang makilala ang mga awiting Pilipino sa ibang bansa, naglakbay din si Atang kasama ang anim na musikong Pilipino at nagtanghal sila sa Hong Kong, Shanghai at Tokyo. Nagtanghal din siya sa mga siyudad sa Amerika at umawit sa mga Pilipino sa Hawaii, San Francisco at New York. Apat na ulit siyang naglakbay sa ibang bansa upang iparinig lamang ang mga awiting Pilipino.
Noong nabubuhay pa si Atang, malimit niyang sabihin sa sumulat nito na ang kaniyang iskedyul ng pagtatanghal ay tutuong nakakatuliro. ‘Rene, Maniwala ka’t hindi, wala akong ginawa noong araw kundi lumabas, kumanta, humiga, bumangon, kumain at lumabas’, ayon kay Ka Atang ang pangalan na gusto niyang tawag ko sa kaniya, lalo na tuwing dadalawin niya ako sa Pambansang Komisyon ng Kasaysayang Pilipinas na noon ako ay nagtatrabaho pa.
Ang mga katangiang ito ang nagtulak upang siya ay mapusuan na maging kabiyak ng dibdib ni Amado Hernandez, isang makata, makabayan at isa sa mga haligi ng panitikang Pilipino. Si Hernandez ay naging bantog din bilang lider ng mga manggagawang Pilipino. Kasama si Amado, ipinagpatuloy ni Ka Atang ang kaniyang hangarin na maipamulat sa mga kabataang artista at intelektuwal ang kahalagahan ng kulturang Pilipino. Si Ka Atang ay sumakabilang buhay noong 1994.
Tweet